Para, mama

Add comments August 21, 2004 » 2036 days ago
Uncategorized

Mainit, nakakasilaw ang araw na unti-unting sumusunog sa balat. Nakakasuya rin ang hanging nanggagaling sa makina ng mga dumadaang bus. Matagal, parang ilang oras na akong naghihintay pero wala pa ring dumarating na jeep.

Nakita na sa malayo ang hinihintay na sasakyan pero bakit hindi pa rin ito nakararating sa kinatatayuan kong bangketa. Naaamoy ko ang nilulutong balot na nilubog sa malagkit na harina ng aleng maghapong nakapwesto katabi ng lugar kung saan ako nakatayo. Tanghalian ng mga trabahador sa malapit na pabrika, binababad sa isang mangkok ng suka at patis na may kasama pa kung minsan na ilang piraso ng sili. At sa wakas ay makakasakay na rin ako sa jeep na huminto sa may tabi.

Mabilis akong umakyat sa makitid na pinto upang makaupo kaagad at maiwasan ang lalo pang umiinit na sikat ng araw. Pero wala ring atang magawa ang manipis na kisame ng jeep na sinasakyan. Ramdam ko pa rin ang init at singaw na lalo pang nagpapalala sa masama ko nang pakiramdam. Walang tao sa likuran, solo naming dalawa ng drayber ang buong biyahe papunta sa kabilang bayan.

Trapik, parang laging may banggaang nangyari sa may dulo ng kalsada dahil halos hindi umuusad ang mga sasakyan. Pero ang lagi ko lang na napapansin ay ang mga naka-unipormeng pulis sa may by-pass na pilit gumagawa ng paraan upang bumilis-bilis ang takbo ng mga dumadaan. Maraming naglalaro sa aking isipan. Nakausap ko kasi ang isang kaibigan kagabi sa telepono. Mabuti na lang at naabutan niya akong gising.

“Galit ka ba?”
“Ako galit? Kanino?.”
“.. Hindi ka kasi nagrereply hindi ka ba galit?.”
“Bakit naman ako magagalit?.. May ginawa ka ba?”

“… lam mo kasi, galit ata sa ?kin si may nagkwento kasi last week.”
“Bakit naman siya magagalit sa ?yo?”
“May nasabi yata ako dati pero biro lang naman yon”

Minsan hindi ko talaga siya maintindihan pero kung papakinggan ang mga salitang sinasabi ko sa kanya, maniniwala kang wala nang naging mas malinaw pa. Hindi ko lang alam kung talagang malakas ang kanyang tiwala sa ibang tao o baka naman bihasa lang talaga ako sa salita at madali kong naipaparating ang talagang gusto niyang marinig. Pero mas tumatak sa isip ko ang kinahantungan ng pag-uusap namin.

“Oo naikwento rin sa kin yun.”
“Talaga?.. akala ko hindi makakarating sa iba yun.”
“Ikaw naman kasi, akala tuloy eh .”
“Hmmm. Wala naman yun eh. Hindi ko rin naman kaya”

Wala pa ring sumasakay sa parehong dyip na sinasakyan ko. Malas siguro yung drayber at laging hindi sa kanya tumatapat ang pagdating ng mga pasahero. Mabuti na lang at medyo naiinda na kahit paano ang init na bumabalot sa katawan ko. Mahirap siguro ang buhay ng isang jeepney drayber. Nabubuhay sila sa init na kinaaasaran ko ngayon. Mababakas mo sa mukha niya ang kawalang gana sa trabaho niya. At nagsimula na namang umandar ang isip kong kung saan-saan napupunta.

Ramdam ko ang lungkot. Alam ko kung paano ang araw na wala kang makausap kahit marami kang gustong sabihin. Naalala ko tuloy ang isang drayber na halos lahat ng bagay na makita niya ay pinapansin.

“Langya, trapik na naman. Bakit naman kasi”
“Tingnan mo yung lubak na yon, mas matanda pa sa ?kin”
“Pakiabot lang po yung sukli o.Hmph, tataas na naman ang presyo ng langis”
“Hoy! Titingnan mo yung dinadaanan mo!.”
“.. Ilan po yung bente? Naku, palala na talaga ang Pilipinas”

Ang totoo, wala naman siyang tiyak na kausap at naghihintay lamang ng tutugon sa kahit isa man lang sa sobrang dami niyang sinasabi. Buti na lang at nariyan at nakasakay ang isang manggagawa, wala ring nakausap sa buong araw dulot ng pagtatrabaho sa pabrika. Tulad ng drayber, sabik rin sa kausap dahil buong araw siyang nakipagtitigan sa makinang binabantayan niya na ang tanging ingay na nagagawa ay ugong ng bakal at garalgal ng pagkasira. Suntok sa buwan dahil kung walang kumagat sa ginagawa niya ay magmumukha siyang tanga sa mga pasahero. Pero konti lang naman sa mga pasahero ang alam man lang na nagsasalita siya dahil may kanya-kanya rin silang iniisip. Mag-uusap sila na para bang matagal nang magkakilala. Minsan naman, sa sobrang dalas ng pagkakasakay ng parehong pasehero sa parehong dyip ay talagang nagiging magkaibigan na sila. Magaling talaga ang nagagawa ng pag-uusap.

Inalis na ng drayber ang maliit na cardboard kung saaan makikita ang patutunguhan niya. Puputulin na niya ang ruta dahil sayang nga naman sa gasolina. Tinanong niya ako kung saan ako bababa. Inalok rin niya ako na sumabay na sa kanya kung pareho kami ng uuwian. Malas at magkaiba kami ng baryong pupuntahan, sayang at hindi pa ako nakalibre. Nakangiti siya habang kinakausap ako. Siguro dahil kahit paano man lang ay may nakasabay at nakausap siya sa nakakainip na biyahe. O baka dahil uuwi na siya at makikita na niya ang kanyang pamilya.

Pamilya niya ang nagpapaikot sa mundo ng isang drayber. Araw-araw mainit, nakakabagot ang paulit-ulit at walang katapusang ikot ng biyahe. Nakaupo maghapon at ang tanging inaasam lang ay makaabot sa boundary at ang lalagpas ay ang kita niya. Hindi siya nakakasiguro kung magiging maganda ang daloy ng pasahero pero pagkatapos ng lahat, uuwi at uuwi rin siya sa kanyang pamilya na siyang dahilan kung bakit niya tinitiis ang bawat araw na lumilipas. Tinitiis? Mali pala, dahil anumang mabigat na trabaho ay gumagaan kung iaalay mo ito sa iyong minamahal.

Parang isang subject na ayaw mong pasukan pero pipilitin mo pa ring puntahan kahit tinatamad ka dahil alam mong kailangan ito at iniisip mo ang madadama ng pamilya mo kapag nalaman nilang tinatamad ka nang mag-aral.

“San ka?”
“Dyan sa NIGS may klase ko eh. Ikaw?”
“Sa A.S. pa, medyo late na nga ako eh”
“. Nakakatamad pumasok..”
“Oo nga, parang tinatamad rin ako”
“Siguro antayin ko na lang yung CS natin mamya.”
“Hindi ka na papasok?.. parang ayoko na rin ata..”
“Sa library na lang ako. Magbabasa na lang siguro”
“Sige, may quiz nga pala kaya kailangan..”
“Sige, kita na lang mamya.”

Mga Kahalintulad na Posts



Leave a Reply

XHTML: You can use these tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>

Give your voice a face! This blog uses Gravatars, or thumbnail-sized pictures that's linked up with the email address you use in commenting.

Spam protection by WP Captcha-Free

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
http://sudocode.net
Images by desEXign.