the ambiguous case #3

No Comments » September 1, 2004 » 2023 days ago
Uncategorized

Kapag mayroon kang isang kakilala na maganda ang pakikitungo sa iyo, lagi kang inaalala, lagi mo siyang pwedeng lapitan at pinasasaya ka niya, dapat ay malaman mo kung ano ang talagang dahilan niya at parang mahalaga ikaw para sa kanya.

Maaring wala naman talagang kaibahan ang pakikitungo niya sa iyo kumpara sa lahat ng mga kakilala niya. Mabait lang talaga siya at normal lang ang inaasal kapag ikaw ang kaharap niya. Importante ka sa kanya kagaya ng alaga niyang isda sa aquarium. Kaya dapat ay wag mo na lang pag-ukulan ng pansin ang ugali niya, matuwa ka na lang dahil meron kang kaibigan tulad niya.

Maaari rin naman na kaya siya ganoon ay dahil malaki ang pakinabang mo sa kanya. Ewan ko sa iyo, meron ba siyang nakukuha sa iyo? Kung meron, ano ba ang inaasal niya kapag hindi niya ito nakukuha mula sa iyo? Hindi malalim ang nararamdaman niya para sa iyo, siguro malalim pero hindi para sa ikabubuti mo kundi sa kanya. Tignan mo kung magbabago siya kapag hindi mo siya pagbigyan sa susunod.

Sa lahat ba ng kakilala niya, ikaw lang ang hindi niya binabatukan, hindi niya minumura, hindi inaalaska, at ikaw lang ang kinakausap niya nang nakatingin sa mata? Naku, ibang usapan na yan. Alam mo na siguro ang iniisip ko kaya hindi ko na papalawakin pa.

How to C programming

No Comments » August 21, 2004 » 2035 days ago
Uncategorized

Kung napagawa mo na sa utu-uto mong komputer ang halos lahat ng bagay na pwedeng maisip, magbilang ng isangdaan, isulat ang ABC ng pabaligtad, kantahin ang otso-otso o magsayaw na parang kikay, siguro ay lango ka na talaga sa paggawa ng mga source codes. Pero kung iisipin, maaaring ihantulad ang mundo sa isang napakalaking program at tayong mga tao ang iba?t-ibang segment of codes na bumubuo dito.

Una sa lahat ay ang mga pre-processors. Sila ang mga taong laging nauuna sa mundo, mga VIP?s. Dine-define nila ang iba?t-ibang prototypes at macros na gagamitin sa program. Mga sikat na taong gumagawa ng sarili nilang trends na siyang susundan ng mga tao sa paligid nila, sa fashion o kaya maaari rin na isang klase ng social ?movement?. Sila yung mga pasimuno, masterminds, utak ng sindikato na kadalasan ay may malakas na impluwensya, depende na lang siguro sa kung anong laman ng header file na ginagamit nila.

Sunod ay ang mga #define na tao na hindi man kasing importante gaya ng mga preprocessors pero may nagagawa ring silang impluwensya kahit paano. Nagdedepende sa anong klase ng program na kailangan ang importansya nila. Minsan ay sila ang nagpapalinaw sa source code kasi ginagawa nilang simple ang komplikadong bagay. Kaysa nga naman isulat mo ng paulit-ulit ang isang numero gaya ng PI eh i-define mo na lang para mas maayos. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan sila kaya pwede pa ring umikot ang mundo nang normal kahit wala ang mga taong ganito.

Heto na tayo ngayon sa mga function prototypes. Sila yung mga taong humihiwalay sa main function para mas madaling makita yung mga ginagawa nila. Sa madaling salita, mga paimportante , hindi susunod sa karamihan para madaling mapansin. Gusto nila ng sobrang atensyon siguro para sumikat at baka nangangarap sila na magkaroon ng sariling header file balang araw. Pero iba-iba rin ang klase ng function prototypes na makikita mo at siguro ang isa sa mga nakakaasar eh yung mga void ako?y (void), kasi parang wala lang nga sila , wala ka pang makukuhang return value sa kanila. Hindi nga sila nakakaperwisyo pero wala naman silang papel sa buhay mo, wala lang talaga. Pero mas nakakasar yung mga function na merong ina-accept na values pero wala namang nirereturn, mga parasitiko. Pabigat sa mundo na wala nang ginawa kundi umasa sa ibang tao kasi hindi nila kayang mabuhay ng mag-isa at wala man lang nagagawang mabuti para umunlad ang sangkatauhan. Mas ok pa yung mga tambay na kahit walang trabaho eh pwede mo namang utusang bumili ng mantika sa tindahan kapalit ng pang-yosi.

Pero meron din namang ibang function na talagang nakakatulong at nararapat lang na bigyan ng kaukulang importansya. Ginagawa nilang kaaya-aya ang hitsura ng main function, lalo pa nga nilang pinapadali ang pag-intindi sa program. Kung may kakilala kang ganitong klase ng tao eh magpasalamat ka sa Diyos dahil madalang lang silang makita sa mundo.

Punta naman tayo sa mahalagang main function na ang nilalaman ay yung mga madlang people. Importante rin sila kasi paano magkakaroon ng sikat kung walang hahanga? Magkakaroon ba ng pinuno kung walang pamumunuan? Kaya hindi rin sila pwedeng balewalain. Nasa loob ng main function ang mga taong sigurado kang may gamit sa mundo kasi di tulad ng mga ibang functions na eeksena lang kapag tinawag, ang main function ang laging nira-run ng program. Sila yung mga ordinaryong empleyado sa isang kompanya, sales lady sa mall, kusinero sa isang kainan na di tulad ng mga managers na tinatawag lang kapag may problema yung kostumer.

?Why there is langaw on the soup you make bigay-bigay to me??

?You make your manager appear here, I want to make reklamo to him!?

Nauuna sa main function ang mga declarations ng samu?t-saring variables. Merong silang iba?t-ibang klase, char, int, short, long, depende sa kung anong kaya ng utak nila. Merong mga tao na hanggang 1 byte lang talaga ng memory ang kaya. Maliit na porsyento ito di tulad ng iba na sobrang taas na ng limit na inaabot siguro mga 2 raised to the nth degree ang naaabot. Genius naman sigurong maituturing yung mga taong parang array kung gumana ang isip. Langya, lahat ng pinag-aaralan kayang intindihin at may lugar na paglalagyan sa kukote. Isama pa sa kanila yung mga double-subscripted, triple, pati multi, na mas hayop kung ituturing kasi para nang alien siguro yun. Ang hindi ko ma-explain eh yung mga taong parang pointer kung umasta. Sa tingin mo? Baka sila yung mga taong malakas sa koneksyon at kahit konti lang alam, marami naman silang pwedeng puntahan na siyang pwedeng magbigay kung ano ang kailangan ng program.

Gaya nga ng sabi ko, ang mga tao ay pwedeng ikumpara sa mga code segments. May code segments na puro printf ang laman. Mga taong puro satsat pero karamihan naman sa mga salitang lumalabas sa bibig nila eh walang kwenta. Mahirap minsang silang kausapin kasi hindi sila nakikinig, sarado ang isip at walang tinatanggap na ideya mula sa ibang tao. Sila din siguro yung mga taong kapag nagdesisyon ay hindi na mababago kasi kahit anong gawin mong paliwanag, hindi pumapasok sa kanila yung mga gusto mong iparating. Kabaligtaran naman nila ay yung puro scanf ang laman. Ewan ko sa kanila, baka pipi o manhid, kasi kahit kausapin mo nang walang tigil, walang lang, walang reaksyon. Mga mahiyain kasi lagi lang nakikinig sa iba, nag-oobserba ng paligid pero hindi naman nag-eexpress ng mga naiisip. Sila yung mga sumasakay sa agos ng karamihan. Maganda sa isang tao ay yung balanse syempre, may scanf at meron ding printf. Sensible pakisamahan, maayos kausapin yung mga taong ganito.

May mga segments na naglalaman ng mga if statements o kaya switches. Ayos ang mga taong tulad nito kasi flexible, alam kung ano ang gagawin depende sa sitwasyon. Ang problema lang ay kung may mga bagay na nararanasan sila na hindi sakop ng mga conditions nila. Kung susubukan mo ang ganito sa isang program, siguradong magkaka-error at mag-return ng wrong values o kung di na talaga kinaya eh baka mag-terminate nang hindi inaasahan ang program. Wala na, ?program has terminated, click the close button on the corner of this window??. Crucial gumawa ng condition sa if kasi dun nakasalalay yung importansya niya. Baka mamya, ?code has no effect in function main?.

For statement-people naman ngayon, mga taong may kaniya-kaniyang daily routines na walang sawang ginagawa kahit paulit-ulit. Malaki naman ang naitutulong nito kaya lang ay paano kung may mali sa pagkakagawa sa index at nakalimutan mong i-increment? O kaya unreachable yung condition? Infinite loop kung tawagin. Malaki ang problema ng taong ganito. Sa sobrang kabaliwan sa routine ay hindi na mapigilan at naging bisyo na, abusado. Sa ganitong pagkakataon ay kailangan ng pindutin ang Ctrl-break para tumigil. Maraming pwedeng gawing perwisyo ang isang infinite loop. Kaya niyang burahin ang buong memory ng disk drive mo, hirap nun. Kailangan nila ng mga taong kaya silang intindihin at siyang gagawa ng aksyon para tumigil sila at maging normal gaya nang dati.

Pero sa lahat ng mga nabanggit, ang pinakamalas na siguro eh yung mga taong maihahantulad sa mga comments ng code. Nilalampasan lang ng compiler ang lahat ng makikita niya sa pagitan ng /* at */. May mga taong dinadaanan lang ng buhay. Wala silang pakialam sa mundong ginagalawan ng ibang tao. Hindi mo sila madaling mapapansin dahil hindi nga sila kasama sa ikot ng mundo. Ipinapanganak sila at namamatay ng walang nagagawang kabuluhan. Mahirap silang intindihin. Hindi ko nga alam kung may kakilala akong tulad nila o kaya meron talagang taong tulad ng sinasabi ko o talagang imbento lang ng wirdu kong utak, pero baka nga meron taong gaya nila.

Ang mundo ay parang isang dambuhalang program at bawat tao ay isang segment na bumubuo dito. Ang buhay ay parang ang buong runtime at ang kapaligiran mo ang operating system o platform kung saan nagrereside yung program. Ang Diyos ang Master programmer at tayo ang mga associates niya. Wala lang, wala lang talaga.

Para, mama

No Comments » August 21, 2004 » 2035 days ago
Uncategorized

Mainit, nakakasilaw ang araw na unti-unting sumusunog sa balat. Nakakasuya rin ang hanging nanggagaling sa makina ng mga dumadaang bus. Matagal, parang ilang oras na akong naghihintay pero wala pa ring dumarating na jeep.

Nakita na sa malayo ang hinihintay na sasakyan pero bakit hindi pa rin ito nakararating sa kinatatayuan kong bangketa. Naaamoy ko ang nilulutong balot na nilubog sa malagkit na harina ng aleng maghapong nakapwesto katabi ng lugar kung saan ako nakatayo. Tanghalian ng mga trabahador sa malapit na pabrika, binababad sa isang mangkok ng suka at patis na may kasama pa kung minsan na ilang piraso ng sili. At sa wakas ay makakasakay na rin ako sa jeep na huminto sa may tabi.

Mabilis akong umakyat sa makitid na pinto upang makaupo kaagad at maiwasan ang lalo pang umiinit na sikat ng araw. Pero wala ring atang magawa ang manipis na kisame ng jeep na sinasakyan. Ramdam ko pa rin ang init at singaw na lalo pang nagpapalala sa masama ko nang pakiramdam. Walang tao sa likuran, solo naming dalawa ng drayber ang buong biyahe papunta sa kabilang bayan.

Trapik, parang laging may banggaang nangyari sa may dulo ng kalsada dahil halos hindi umuusad ang mga sasakyan. Pero ang lagi ko lang na napapansin ay ang mga naka-unipormeng pulis sa may by-pass na pilit gumagawa ng paraan upang bumilis-bilis ang takbo ng mga dumadaan. Maraming naglalaro sa aking isipan. Nakausap ko kasi ang isang kaibigan kagabi sa telepono. Mabuti na lang at naabutan niya akong gising.

“Galit ka ba?”
“Ako galit? Kanino?.”
“.. Hindi ka kasi nagrereply hindi ka ba galit?.”
“Bakit naman ako magagalit?.. May ginawa ka ba?”

“… lam mo kasi, galit ata sa ?kin si may nagkwento kasi last week.”
“Bakit naman siya magagalit sa ?yo?”
“May nasabi yata ako dati pero biro lang naman yon”

Minsan hindi ko talaga siya maintindihan pero kung papakinggan ang mga salitang sinasabi ko sa kanya, maniniwala kang wala nang naging mas malinaw pa. Hindi ko lang alam kung talagang malakas ang kanyang tiwala sa ibang tao o baka naman bihasa lang talaga ako sa salita at madali kong naipaparating ang talagang gusto niyang marinig. Pero mas tumatak sa isip ko ang kinahantungan ng pag-uusap namin.

“Oo naikwento rin sa kin yun.”
“Talaga?.. akala ko hindi makakarating sa iba yun.”
“Ikaw naman kasi, akala tuloy eh .”
“Hmmm. Wala naman yun eh. Hindi ko rin naman kaya”

Wala pa ring sumasakay sa parehong dyip na sinasakyan ko. Malas siguro yung drayber at laging hindi sa kanya tumatapat ang pagdating ng mga pasahero. Mabuti na lang at medyo naiinda na kahit paano ang init na bumabalot sa katawan ko. Mahirap siguro ang buhay ng isang jeepney drayber. Nabubuhay sila sa init na kinaaasaran ko ngayon. Mababakas mo sa mukha niya ang kawalang gana sa trabaho niya. At nagsimula na namang umandar ang isip kong kung saan-saan napupunta.

Ramdam ko ang lungkot. Alam ko kung paano ang araw na wala kang makausap kahit marami kang gustong sabihin. Naalala ko tuloy ang isang drayber na halos lahat ng bagay na makita niya ay pinapansin.

“Langya, trapik na naman. Bakit naman kasi”
“Tingnan mo yung lubak na yon, mas matanda pa sa ?kin”
“Pakiabot lang po yung sukli o.Hmph, tataas na naman ang presyo ng langis”
“Hoy! Titingnan mo yung dinadaanan mo!.”
“.. Ilan po yung bente? Naku, palala na talaga ang Pilipinas”

Ang totoo, wala naman siyang tiyak na kausap at naghihintay lamang ng tutugon sa kahit isa man lang sa sobrang dami niyang sinasabi. Buti na lang at nariyan at nakasakay ang isang manggagawa, wala ring nakausap sa buong araw dulot ng pagtatrabaho sa pabrika. Tulad ng drayber, sabik rin sa kausap dahil buong araw siyang nakipagtitigan sa makinang binabantayan niya na ang tanging ingay na nagagawa ay ugong ng bakal at garalgal ng pagkasira. Suntok sa buwan dahil kung walang kumagat sa ginagawa niya ay magmumukha siyang tanga sa mga pasahero. Pero konti lang naman sa mga pasahero ang alam man lang na nagsasalita siya dahil may kanya-kanya rin silang iniisip. Mag-uusap sila na para bang matagal nang magkakilala. Minsan naman, sa sobrang dalas ng pagkakasakay ng parehong pasehero sa parehong dyip ay talagang nagiging magkaibigan na sila. Magaling talaga ang nagagawa ng pag-uusap.

Inalis na ng drayber ang maliit na cardboard kung saaan makikita ang patutunguhan niya. Puputulin na niya ang ruta dahil sayang nga naman sa gasolina. Tinanong niya ako kung saan ako bababa. Inalok rin niya ako na sumabay na sa kanya kung pareho kami ng uuwian. Malas at magkaiba kami ng baryong pupuntahan, sayang at hindi pa ako nakalibre. Nakangiti siya habang kinakausap ako. Siguro dahil kahit paano man lang ay may nakasabay at nakausap siya sa nakakainip na biyahe. O baka dahil uuwi na siya at makikita na niya ang kanyang pamilya.

Pamilya niya ang nagpapaikot sa mundo ng isang drayber. Araw-araw mainit, nakakabagot ang paulit-ulit at walang katapusang ikot ng biyahe. Nakaupo maghapon at ang tanging inaasam lang ay makaabot sa boundary at ang lalagpas ay ang kita niya. Hindi siya nakakasiguro kung magiging maganda ang daloy ng pasahero pero pagkatapos ng lahat, uuwi at uuwi rin siya sa kanyang pamilya na siyang dahilan kung bakit niya tinitiis ang bawat araw na lumilipas. Tinitiis? Mali pala, dahil anumang mabigat na trabaho ay gumagaan kung iaalay mo ito sa iyong minamahal.

Parang isang subject na ayaw mong pasukan pero pipilitin mo pa ring puntahan kahit tinatamad ka dahil alam mong kailangan ito at iniisip mo ang madadama ng pamilya mo kapag nalaman nilang tinatamad ka nang mag-aral.

“San ka?”
“Dyan sa NIGS may klase ko eh. Ikaw?”
“Sa A.S. pa, medyo late na nga ako eh”
“. Nakakatamad pumasok..”
“Oo nga, parang tinatamad rin ako”
“Siguro antayin ko na lang yung CS natin mamya.”
“Hindi ka na papasok?.. parang ayoko na rin ata..”
“Sa library na lang ako. Magbabasa na lang siguro”
“Sige, may quiz nga pala kaya kailangan..”
“Sige, kita na lang mamya.”

Pakikipagtalo sa isang Anghel

No Comments » August 18, 2004 » 2038 days ago
Uncategorized

Lahat na yata ng bagay na nakikita ay napagtalunan na. Walang araw na lumipas na hindi man lang nagkaroon ng kahit isang maliit at walang kwentang pag-aaway. Parang hindi kumpleto at makabuluhan ang buhay kung hindi kokontrahin ang isa?t-isa sa mga bagay na ginagawa at pinagkaka-abalahan. Ito ay isa lamang simpleng araw na kasama ang isang anghel na katulad mo.

“May binigay ba na asayment kahapon?”
“Hindi ka kasi nakikinig, ayan tuloy”
“Bakit ganyan yung ginawa mo? Tama ba yan?”
“Siguro oo, hindi ko alam.. yung sa ?yo paano?”
“Niloloko mo naman lagi ako eh… alam mo naman”
“sinasabi ko naman ah, balik mo nga sa ?kin yung bolpen ko”

Hindi ko alam bakit dito pa rin sa tabi mo ako pumupunta kahit alam kong ang magiging kahihinatnan ng lahat ay isa na namang magulong araw kasama ka. O kaya bakit lagi pa rin kitang nakikita sa tabi ko at hindi umaalis kahit maraming beses mo nang sinabi na isa akong walang kwenta. Siguro dahil pareho tayong walang magawa sa nais ng pagkakataon na ikaw ay aking makilala. Pasensiya na pero hindi ko rin naman inaasahan ang lahat ng ito. Marahil ngayon ay nagpapasalamat na lang ako na heto ngayon, nariyan ka at kasama mo ako.

Parang normal na na kalaban ka dahil nasanay na sa aking ginagawa sa iyo. Ewan ko ba kung bakit ang lumalabas sa akin ay puro kantiyaw, tukso at pampababa ng loob kahit na ang gusto ko namang sabihin ay ang kabaligtaran ng mga salita ko. Sana nga lang ay naiintindihan mo ang totoong nasa isip ko.

Ngunit nang sa isang pagsasalitaan ay may nabanggit sa isa?t-isa na hindi ko na maalala kung ano pero ang alam ko lang ay dahil doon ay parang naging magkagalit tayo. Bigla na lang natigilan at mula sa sandaling iyon ay hindi na tayo nag-usap. Pereho nating iniisip kung nagalit kaya ako o ikaw sa akin o sa iyo. At pareho rin tayong hindi nagkalakas-loob na unang magsalita at sirain ang katahimikang namamagitan dahil sa walang kasiguraduhan na kung may galit nga bang namuo sa normal na pag-aaway. Lumipas ang ilang oras ngunit hindi pa rin tayo nag-uusap. Natakot ako dahil baka hindi na ulit marinig ang boses mong binabanggit ang pangalan ko. At hindi na ulit makita ang mga mata mong nakatingin sa akin dahil baka hindi na maulit ang mga pag-uusap na siyang tanging inaantay ko at marahil ay mas mahalaga pa sa akin higit sa ano pa man.

Pero hindi lang talaga siguro tayo makakatiis na hindi mag-usap. Parang walang nangyari, bumalik ang lahat sa normal maliban sa nakagawiang pag-aaway. Pagkatapos ng konting hindi pagkakaunawaan ay naging malumanay na ang pagsasalita. Siguro dahil baka natakot na baka maulit muli at lalo pang lumala at hindi na maayos ang di-pagkakaunawaan sa susunod na sumobra sa pangpapanggap. Baka tuluyang maniwala na magkagalit nga tayong dalawa. Ngunit kinabukasan ay nagbalik ulit sa dating gawi at hindi na natuto. Mas masaya kung laging kunwaring nag-aaway, may thrill kumbaga.

Minsan nga may naasar nang kaklase dahil natuliro na siya sa lagi nating pag-aaway. Siguro nga hindi lang natin napapansin na maingay na pala ang ginagawa nating gulo at pati ang iba ay parang gusto na ring sumali para umawat sa atin.

“Pwede bang tumigil na kayo. lagi na lang”

Pareho tayong natigilan, sa wakas ay natahimik rin kahit sandali. Pero sa loob-loob ay nakangiti na at natatawa sa pangyayari. Ang totoo, hindi naman talaga tayo nag-aaway at ni minsan ay hindi pa talagang totoong nagkagalit.

“Hindi ako galit, malakas lang talaga ang boses ko”

Nangiti ako sa mga salita mo. Ang totoo, lagi naman akong nakangiti kapag nakikita ka. Masaya ako kapag alam kong nandyan ka. Hindi ko man ito nararamdaman noon pero ang mahalaga ay ganito na ako ngayon.

Pinangarap ko na hindi ka na umalis pa sa tabi ko. Pero wala naman akong magagawa dahil wala akong kontrol sa pagkakataon. Nagkataon lang na nakilala kita ng mas mabuti at hindi rin mawawala ang pagkakataon na hindi na kita ulit makikita. Tapos na ang buwan na kasama ka. Parang ang ikli, gusto ko pa, alam mo ba? Pero sa halip na lubusin ang huling araw na katabi ka ay pinilit na lumayo sa iyo. Naasar ka siguro sa ginawa ko dahil mula noon ay nangyari na nga ang kinatatakot ko. Hindi na ulit kita nakausap.

“Edi humiram ka kay … close naman kayo nun dati”
“.. … ….”

void arvin (void) {

No Comments » August 15, 2004 » 2041 days ago
Uncategorized

“Nagpapanggap ka pala eh.”
“Huh, ako ba?”
“Henyo ka pala, bakit di mo sinasabi?”

kelan lang nang na-realized ko na parehong may naasar sa aking titser noong elementary at highschool ako. Pareho silang naasar pero magkaiba ng naging reaksyon at iba rin ang kinahinatnan.

HeKaSi, heograpiya, kasaysayan at sining. Maingay ang klase. Halos lahat ay may kakwentuhan. Tapos nang magdasal at nakatayo na lang ang guro sa harap at naghihintay. Ewan ko ba pero parang nawala siya sa matinong pag-iisip dahil hindi niya malaman kung paano kokontrolin ang sobrang ingay. Maingay sa klase, halos lahat ay may kakwentuhan maliban sa akin na tahimik sa upuan at pinaglalaruan ang dalawang prince ballpen. Magkaiba ng kulay, blue at red, mahaba ang clip kaya pinagdugtong at pinaiikot na para bang laruan. Grade six ako nun. Naiingayan din ako sa katabi ko pero hindi ko naman masabihan. Nandyan naman yung titser, trabaho niya yun, naisip ko. Natuwa kasi lumapit yung titser, akala ko magpapatahimik. Nagulat ako, sobra, hindi ako nakaimik nang hablutin ng titser ko at halos lamutakin sa harap ko yung ballpen at sabay sabi ng, ang ballpen, hindi pinaglalaruan!.

Maingay parin ang klase, wala yatang nagawa yung pagkuha niya sa kawawa kong ballpen. Ngayon lang ako nakakita ng ballpen na na-confiscate, at sa akin pa nangyari. Ano na kaya ang kinabukasan ng mga mag-aaral? Pero kala mo ba hanggang dun lang yon? Mas malala pa ang sumunod na mga pangyayari.

Hindi ko alam kung pinatawag niya ako o kusa akong pumunta sa faculty room. Ah, tama, pagkatapos ng klase sabi niya sa akin na kunin ko yung ballpen sa faculty room sa hapon. Siguro naisip niya na wala naman siyang gagawin doon. Ewan ko pero parang pinlano niya ang lahat, walang tao sa loob. (wala namang nanyaring masama. Nasabi ko na ba na bakla yung titser?) Mas nagulat ako kaysa kanina. Nagsimula siyang mag-monologue.

“Alam mo ba, kayang-kaya ko na alisin ka sa honor roll.”
“Malapit pa naman ang graduation kaya wag mong gagawing biro ang subject ko..”

“Kayang-kaya kitang alisin sa pagiging honor”

Umaalingawngaw ang mga salita niya sa tenga ko, kaya kitang alisin kaya kitang alisin, tandaan mo yan Pero ito ang talagang ikinagulat ko, hindi pa siya nagsasalita ay nagsimula na siyang umiyak. Isang lalaking titser ang nasa harapan ko at umiiyak, naiisip mo ba? Sa sobrang drama niya ay muntik na rin akong lumuha. Nakikita kong tumatagaktak ang luha niya habang sinasabi niya sa akin yon. Muntik ko nang makalimutan na isang simpleng ballpen lang ang pinagmulan ng lahat. Traumatic experience. Halos hindi ako makatulog kinagabihan dahil sumasakit ang tiyan ko kakatawa kapag naiisip ko ang mga sinabi niya, lalo na kapag naaalala ko ang mukha niyang pilit na ginagawang kaawa-awa. Hehe =).

Honorable Mention ako nung elem. grad, di ko alam ang rank kasi alphabetical.

Si Mister Emeterio Constantino, titser ko. (nasa mis ng mister yung emphasis)

Asar ng nakabangga kong titser nung highschool. Music teacher, walang drama-drama, binigyan kaagad niya ako ng grade below 85, 81 to be exact. Noon lang ako nagkaroon ng ganung marka. 1st grading period pa lang pero alam ko nang hindi na ko pwedeng ma-honor sa graduation kahit pang-valedictorian pa ang average ko (na alam kong hindi rin mangyayari).

Graduation na, nakaupo sa harapan ang lahat ng sasabitan. Kita ko pa naman sila, nandun ako sa may gitna. Kasama ko yung mga nakaayos ayon sa apelido. Sasabitan din naman ako, medal para sa arts club. Ayos na sa kin yun. Kung grado rin lang ang pagbabasehan, abot naman dun yung average ko, pero may below 85 kasi dati. Nakita ko yung music teacher sa may gilid na nakangiti.

Ilang projects na rin ang hindi ko pinasa. Hindi ako nagpapasa kapag alam kong wala naman kwenta yung pinapagawang project. Lalo na kapag alam kong walang kwenta yung titser. Dinadaan lang lahat sa gimmick para maitago yung kawalang kwenta niya. Parang nung nangyari sa music teacher ko. Gara kasi niya. Di katulad ng titser ko sa English na dalawang projects ang hindi ko pinasa pero wala lang, mataas pari ang grado ko. Yun nga lang, sinumbong yata ako sa adviser namin kaya kinausap ako sa guidance.

“May problema ka bang bumabagabag sa ?yo?..”
“..Ok lang ba ang kalagayan ng pamilya nyo?”

(joke lang yung pangalawa, hehe=)

Buti na lang at nasama ako sa arts club. Halos kalahati kasi ng mga boring lectures at discussion ang na-miss ko dahil dito. Parang delinquent students na umaalis na lang basta sa klase para gumawa ng mga decorations, mostly sa backdrop ng stage. Sarap kapag maraming sunud-sunod na activities. Wala kaming klase lagi. Sarap magpuyat sa school. Ibang experience ang mag-stay sa school kapag gabi. Pinakamaganda yung overnight para sa prom. Makikita kung sino yung arts club kasi nakayuko sa mesa dahil hindi natulog magdamag sa kakaayos ng quadrangle. Muntik ko na ngang hindi maisayaw ung crush ko dahil doon.

“Pwede ka bang maisayaw?..”

“Ako? Ah.. sakit ng ulo ko eh.. mamya”

“Ah mamya?.. Sige ok”

return 0;

}

/*end*/

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
http://sudocode.net
Images by desEXign.