Fishball

Posted 7 years ago Uncategorized

Mainit…
lumalagablab na init
dulot ng pagkakalublob
sa kumukulong mantika.
Mga kaluluwang hinatulan
ng walang hanggang hinagpis, hinatulan para sunugin sa nakapapasong langis.

Walang katapusang paghihirap.
Tutuhug-tuhugin pa
ng matulis na patpat
ng tinderong animo’y
tagahukom ng lahat.
Bibilingin, hahalu-haluin
na parang hindi pa sapat
ang hapdi, hapdi na sumisirit
sa kaibuturan ng sarili.

Marahil, may katapusan nga
ang bawat paghihirap.
Sa wakas,
mula sa pagkakadusta ay hahanguin.
Ituturok ang kawayan
na tagos sa dibdib.
at sa huli ay nagkasama-sama, nagkadikit-dikit
ang mga martir
na nag-alay ng sarili.

At isasawsaw sa maanghang
ngunit may konting tamis
na kamatayan.

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
Images by desEXign.