ngayon

Posted 7 years ago Uncategorized

parang gumuguho ang college of science habang lumalakad ako palabas. parang natutunaw ang pintura sa malaking mural sa loob nito. naririnig ko ang mga kaluluwang humuhingi ng hustisya. at nang tumingin ako sa may naka-display na longganisa sa canteen, naririnig kong sinasabi niya na, “Bobo! haha, Bobo!”. At ginagatungan pa ng katabi niyang itlog.

langya, physics exam lang, binagsak ko pa. nakapanlulumong 44% ang nakuha ko sa pangalawa at huling physics long exam namin. siyempre bagsak kasi 50 ang passing. Nakapanlulumo talaga.

multiple choice naman, hindi ko alam kung anong nangyari at bumagsak ako kasi malaki ang tiwala ko sa kakayahan kong manghula ng sagot. kaya nga ako nakapasok sa skul na to di ba?

nakapanlulumo talaga. sana bonus na lang to

Fishball

Posted 7 years ago Uncategorized

Mainit…
lumalagablab na init
dulot ng pagkakalublob
sa kumukulong mantika.
Mga kaluluwang hinatulan
ng walang hanggang hinagpis, hinatulan para sunugin sa nakapapasong langis.

Walang katapusang paghihirap.
Tutuhug-tuhugin pa
ng matulis na patpat
ng tinderong animo’y
tagahukom ng lahat.
Bibilingin, hahalu-haluin
na parang hindi pa sapat
ang hapdi, hapdi na sumisirit
sa kaibuturan ng sarili.

Marahil, may katapusan nga
ang bawat paghihirap.
Sa wakas,
mula sa pagkakadusta ay hahanguin.
Ituturok ang kawayan
na tagos sa dibdib.
at sa huli ay nagkasama-sama, nagkadikit-dikit
ang mga martir
na nag-alay ng sarili.

At isasawsaw sa maanghang
ngunit may konting tamis
na kamatayan.

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
Images by desEXign.