tatlo, dalawa, isa
ano na ang iyong nakikita?
hindi mo pa rin ba natatamasa
katahimikan at ligaya?
tatlong araw nang hindi makausap
naglaho na ang mga pangarap
sawa na sa pagod, sawa na sa hirap,
masyadong matayog ang mga ulap.
dalawang buhay na rin ang nawala,
ang sa iyo, isang pinagpala
naglaho bigla ang matinding tiwala
sa Maykapal na tinitingala
isang saglit na lang ang inaabangan
hindi na kailangan pang magbilang
kahit buong mundo, hindi kayang harangan
magwawakas na, walang hahadlang
tatlo, dalawa, isa
gusto sana kitang makita
pagmulat na aking mga mata
sa mga alapaap, aantayin kita
madilim… malamig…
hindi halos makita ang nilalakaran.
makulimlim ang sinag ng buwan sa kalangitan
at malungkot ang bawat pagkislap ng mga bituin.
nakikiramay sila sa aking kalungkutan.
madilim ang aking patutunguhan.
malamig… makulimlim…
nakabibingi ang katahimikan.
ni ang asong ligaw sa tabi ay walang imik.
walang may gustong sumira sa katahimikan ng gabi
na lalong nagpabigat sa aking nadarama
makulimlim…
nakapangingilabot ang haplos ng hangin
wala akong maramdaman na kahit kaunting init
ganito ba ang pakiramdam ng nalalapit na kamatayan?
at muli pang naalala ang iyong mukha
naaninag sa kadiliman ang iyong anino
na sa aking paglapit ay bigla na lang maglalaho.
wala nang halaga ang mabuhay pa sa mundong ito.
asul ba yon? dilaw o pula?
langya, di ko na maalala.
kulay ng suot mong blusa
nang minsang ikaw ay makita.
hanggang tuhod nga ba ang iyong palda?
o baka ikaw ay nakapantalon pala
at ano nga ulit ang iyong dala?
bag ba iyon o isang mapa?
sa sobrang laspag naman kasi ng memorya,
sa lahat ng kalilimutan ay bakit yon pa?
ang sandaling masulyapan, natatanging ganda
na magpapatalbog pa sa isang artista
pantranco? katipunan o philcoa?
wala na ba talaga akong mapipiga?
hirap na ako sa kaiisip, langya.
sana tuloy, dumaan ka na lang bigla
sana nga…
ano man ang bigat ng nadarama
ito’y napapawi mo sinta
masulyapan ka lang, ako’y sumasaya
kaya ngayo’y dumating ka na sana
dahil itong aking paghihintay
tila umabot na sa habambuhay
dahil pag wala ka, oras ay patay
buhay ay tumitigil sa pananalaytay
berde ang isinisigaw sa katahimikan
ikamamatay kung sa ilang sandali pa
ay hindi ka pa rin masusulyapan
nakatitig sa walang hanggang kawalan
pilit kang tinatanaw mula sa kalayuan
hinahanap ang iyong ngalan sa lahat ng nagdaraan
baka sakaling hubog mo ang mamulatan
ngunit isip ay lalong naguluhan
nang pagkabigo lang ang siyang natikman
nais na sana ay ikaw ang makita
hindi si erwin, jmk o california
garden na plakard hindi patungong nova
hindi rin malanday, letre o valenzuela
gusto ko nang umuwi sa sta. maria