sa iyong paglisan,
malay mo, humantong muli sa pinanggalingan
bilog nga naman ang mundo.
sa pagtahak natin ng magkaibang landas
malay mo, magkrus ulit ang ating daraanan
siyanga naman, bilog nga ang mundo
sino nga naman ba ang makapagsasabi
na baka sa susunod na pagliko natin
sa kantong sakayan ng bus o dyip
ay magkatagpo tayo ng isa pang ulit
at baka sa puntong, yon ay mangyari
ay baka makita mo ako hindi ng iyong mga mata
kundi ng puso mong matagal ko nang ninanais.
ilang taon pa ba ang pwedeng bilangin?
panahon ay lilipas, oras ay malalagas
malay mo, huminto kahit ’sang saglit
para mapagbigyan ang aking minimithi
ang magtagpo ang ating mga titig
ang magsabay ng tibok ang ating mga puso
at baka sa pag-ikot pang muli ng bilog na mundo,
baka humantong ang ating nilalakaran
sa iisa at parehong daan.
malay mo, ating matanto
na bilog nga pala talaga ang mundo.












