Mga kalbo’t babalu

No Comments » June 28, 2005 » 1899 days ago
Uncategorized

Minsang makasakay ako sa harap ng isang up-pantranco dyip ay narinig ko ang sumusunod na mga pag-uusap.

driber0: Marami bang babalu sa ikot?
driber1: Hindi, wala nga eh.

driber0: Ganon?
driber1: …..

driber0: …..
driber1: Pero maraming kalbo.

driber0: Ah, marami ba?

Hindi ko alam kung ano ang ibig nilang sabihin sa mga babalu at kalbo pero nakasisiguro akong hindi nila pinag-uusapan ang mga mahahaba ang baba at mga walang buhok. Hindi nga lang ako sigurado kung ano ang talagang ibig sabihin nila.

Baka isa itong negatibong implikasyon ng pagkatao ng isang tao. ewan.

Nagpupulasang mga pasahero

No Comments » June 28, 2005 » 1899 days ago
Uncategorized

Sa pakikibaka sa pang araw-araw na suliranin, isang magandang kakayahan na matutunan ay ang pag-eestima ng masasakyang dyip.

Tamang Posisyon. Tumayo sa parte ng sakayan na pinakamalapit sa direksyon ng pinanggagalingan ng dyip, sa hanay ng maraming nag-aabang. Ngunit huwag manguna, tumayo sa pwesto na makikita ng maayos ang mga parating na dyip kahit malayo pa.

Maging alerto. Alamin ang ruta ng mga parating na dyip upang agad na malaman kung malapit na ang nais masakyan. Hulaan kung saan hihinto ang dyip at pumesto kaagad sa hulihan nito.

Mag-estima. Kung nagkamali sa paghuhula at marami nang nagkumpulang pasahero sa pinto ay suriing mabuti ang loob ng dyip. Marami pa bang mauupuan? Kung susugod din ba ako ay makakaupo rin ako? Isaulo ang mga tanong na ito bago umalis sa kinatatayuan.

Magmadali. Kung hindi ka pa makakasakay, baka abutan ka na ng dapit-hapon kaya maging agresibo. Makisiksik, manguna, makipagpulasan, at siguradong hindi ikaw ang matitirang nag-iisa sa sakayan.

hapon

No Comments » June 27, 2005 » 1900 days ago
Uncategorized

parating na ang dapit-hapon
pakagat na ang dilim
palubog na ang araw ng umaga
pagmulat na ng mga bituin

patago na ang liwanag
sa likod ng gabi
wala na ang araw sa trono
buwan na ngayon ang maghahari

samahan mo ako ngayon
sa pagdadalamhati
hawakan mo aking kamay
at sabay nating suungin
ang kahabaan ng hatinggabi

makulimlim ang sinag ng buwan
sa kanlungan ng mga ulap
hinahagkan ng mahigpit
hanggang matapos ang pinapangarap.

Sta. maria, bulacan

No Comments » June 27, 2005 » 1901 days ago
Uncategorized

ang sumusunod ay isang pag-uusap sa pagitan ng tatay ko at ng isang kasamahan sa palengke

Mang Las: “Balang araw, titingalain din ako ng mga tao.”
Tatay ko: “bakit naman?”

Mang Las: “Sasabihin nila, ‘Hoy! Bumaba ka diyan!’”
Tatay ko: “bumaba sa bilbord? Eh talagang titingalain ka nga.”

Puro daw talaga kalokohan si mang las. Ilang beses rin naikwento ang usapang ito sa iba pang katabi ng pwesto at kahit maka-ilang ulit nang narinig ay may matatawa pa rin. Natawa rin ako nang marinig ko ito.

Matapos ang ilang linggo ay balik palengke na naman ako. Maglalaba kasi ang nanay ko kaya ako muna ang sumama, sa poblacion, pandi.

May bago akong narinig na expression. Narinig ko sa isang medyo may katandaan na na babae. Eto ang dayalogo:

babae: Magkano ba ‘yang sandok mo?
tindero: trenta’y singko lang.
babae: santamariabulacan! ang mahal naman!

Nag-rhyme pa. Ayus, imbis na susmaryosep, santamariabulacan, nangiti na lang ako. Oo nga naman, hindi pa niya nilabag yung utos na ‘thou shall not use the name of the Lord in vain’*.

susmaryosep – pinaikling Hesus maria jose, kumpleto, holy family

pero may kulang pa rin sa araw ko ng sabado, wala yung anak ng tindera dun sa may dulo. kulang talaga, hehe.

Nakita mo ba yung nakita ko?

No Comments » June 25, 2005 » 1902 days ago
Uncategorized

“Bagong gupit ah.”

(Hehe, siguro iilan pa lang ang mga pumansin na sa buhok ko kapag bagong gupit.)

“Napansin mo pa yun?”

Hindi ko inakala na pati ba naman sa kolehiyo ay meron pa ring makakakita sa bago kong gupit na buhok at sa hindi malamang dahilan, kung meron nga, ay hindi niya napigilang iparating pa sa akin ang kaniyang napansin. Na parang masyadong kakaiba. Dahil sa aking karanasan ay ang mga bagay na kinauukulan ng pansin ay kung nakita ko na nakasemento ang paa, o kaya nakabenda ang kaliwang mata, o kaya may tato sa noo, o may hikaw sa kilay. Napapansin ko lang ang isang tao dahil sa kanyang bagong gupit na buhok kapag araw ng inspeksyon.

Masaya. Siguro weird nga lang talaga ang buhok ko, hehe. O baka dahil wala nga lang talagang pwedeng pansinin sa akin kundi ang aking bagong gupit na buhok. Wala naman akong nakasementong paa, nakabendang kaliwang mata o kaya hikaw sa noo o tato sa kilay. Once in a blue moon kumbaga kung may mapansin nagbago sa akin. Talagang ganyan ang buhay, kailangan pa ring mag-move on. May bukas pa namang darating.

Unang homerun ko sa softball game namin at ngayon pa na last day na ng pe namin. Ayus na finale kasi last bat ko na yun, huling tira ko sa aking softball career. Astig. Inapiran pa ako ng ka-teamate ko ko. Ayus talaga.

“Arvin, pa-sign?”

Sabay abot sa akin ng isang malaking poster na sa sobrang laki ay hindi ko na pinagkaabalahan pang buksan nang lubusan. Nakita ko na ang poster na ito dahil pinapasa-pasa nga niya sa klase namin. Alam ko na rin kung para saan ito at kung ano ang gagawin kung sa iyo ito naibigay. Pero ang hindi ko inakala na ipapasa rin pala sa akin dahil hmmm, halata naman ang dahilan.

Inabot ko naman ang poster habang iniisip ko ang mga ito, pati na rin ang pentel pen na kasama para hindi na maghanap pa. Agad naman akong humanap ng sulok na pwedeng sulatan. Patagilid, binuksan ko lang nang kaunti para hindi naman makakuha ng atensyon mula sa iba. (baka kasi antabayanan kung ano ang isusulat ko, na isang normal na reaksyon kung makakita ka ng taong alam mong may isusulat). At sa sandali na ilalapat ko na ang dulo pentel pen sa poster ay bigla akong napaisip. Hmmm, ano nga ba ang isusulat ko?

Ni hindi nga ako sigurado sa pangalan niya. M ba o L yung simula? Ewan, kaya hindi ko na lang nilagyan, baka mahalata pa ako. Hmmm, tapos, ano kaya ang ilalagay ko? Happy softball? Nakakasulat lang kasi ako sa ganito kung reco o kaya retreat, na ang kauna-unahang nilalagay na isang letter ay Happy Retreat/Reco!. Sagwa pala. Kaya tinignan ko na lang yung ibang mensahe para makakuha ng ideya.

“Hindi kita malilimutan, taga mo yan sa bato”, o baka imahinasyon ko lang yung taga mo sa bato na part. Parang may nakita pa ako na i love you dun. Ewan. “See you around up. Good luck sa yo.” Eto medyo matino pa kaya tinagalog ko na lang at hiniram pa ang tagline ng mcdo.

“Kita kits na lang! Ayus ang sofball di ba? Astig tayo! – Arvin”

Nakasulat sa font na tanging ako lang ang pwedeng makaintindi at mangilan-ngilang bihasang cryptographers na madalang mo lang makikita sa mundo. Magandang istratehiya ito para medyo matagalan siya sa pagbasa ng isinulat ko. Para hindi biglaan, kundi dahan-dahan niyang iintindihin ang bawat korte ng nakasulat, kung meron ngang ibig sabihin ito. At hindi ko rin inakala na alam niya ang pangalan ok, hehe. Siguro tatlo lang ang may alam nito, siya, yung leader namin sa team at yung laging nagtatanong kung pupunta kaming mga miyembro ng team sa mga laro, si ano, si, ah si jade tama si jade, yung bato, hehe. Siya mismo ang nagdescribe sa pangalan niya, isang bato. Tama nga naman, wala akong angal dun.

“Anong name mo?”
“Arvin”
(tatango ang kausap)
“kaw?”
“Jade”
(tatango ako na parang naintindihan, pero ilang sandali lang)
“Ano?”
“Jade”
“Huh?”
(Sa puntong eto eh parang naiinis na ang kausap)
“Jade, yung bato.”
(at sa wakas ay naintindihan ko na, tatango ulit bilang konpirmasyon)
“… ..”
“Nanonood ka ng basketball?”
(Ang napili niyang itanong. eto na yung kritikal na tanong kung saan
nakasalalay ang kapupuntahan ng aming pag-uusap)
“hindi eh”
(tatango ulit at sabay umalis)
“maling sagot..” (naisip ko)

Hmmm, paano kaya kung hindi yun ang itinanong niya? Paano kung itinanong niya
kung ano na ang nangyayari sa one piece?

“Nanonood ka ba ng one piece?”
“Hindi na nga masyado eh, Nasan na ba sila?”
“Ano na eh, patungong Arabasta.”
“O? hindi pa rin sila nakakarating dun?”
“Kasi, ganito yun, nung.. . . .”

Edi sana medyo mas mahaba pa yung naging pag-uusap namin. Kaya lang ang naging problema, inakala niya na malamang na nanonood ako ng basketball. Na hindi rin naman
masisisi dahil sino nga ba namang ang hindi mahihilig sa pambansang laro na ito? Ako?

Kapag hindi mo ito nakuha sa unang tanong, wala na ang pagkakataon. Hindi na ito mai-aayos sa pangalawang tanong dahil maiiba na ang konsepto na pakikipag-usap sa isang hindi kakilala. Biglaan, spontaneous, walang methodology. Kapag hindi umakma ang unang tanong, wala na. Wala na ang pagkakataon. Mahirap kumausap sa unang pagkakataon.

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
http://sudocode.net
Images by desEXign.