3 years, 5 months ago by komski “Lalagyan ko ba ng paminta?”
bigla na lang natuon ang aking atensyon sa hawak niyang kutsarang nakasahod sa pambudbod ng paminta at i-aakmang ihahalo sa kasasandok pa lang na goto.
“Ok lang, huwag lang masyadong marami.”
Kung hindi ako nakasagot kaagad ay baka napansin niyang hindi talaga ang mainit na goto ang dahilan ko para huminto sandali sa maliit na lugawan na ito. Gusto ko lang manatili ng konti, at para hindi sabihing tumatambay lang ay sumabay sa pag-order ng pampainit ng sikmura kasama ng mga jeepney driver na galing sa kalapit na terminal.
Kasisikat pa lang ng araw, umaga ng miyerkules. konti pa lang ang tao sa kalye, halos hindi pa nga nagsisimula ang buhay ng karamihan. Ngunit sa maliit na lugawan na ito, alam kong bago pa man pumasok sa isip ng tandang na tumitilaok pala siya tuwing umaga ay may nagbabalat na ng sibuyas, naghihiwa ng bawang at naglilinis ng kaldero, paghahanda sa nag-aabang na mga pawang gutom na kostumer.
“Yan lang ba? Baka hindi ka mabusog niyan.”
Ang sinabi niya habang inaabot sa akin ang mangkok. Sinamahan pa niya ito ng isang matamis na ngiti na lalong nagpatakam sa kaniyang alok. Kasabay ng pagsasabi ng iba pang makakain bukod pa sa umaasong goto habang tinuturo ang mga nakadisplay sa loob ng salamin na estante.
“Ano, isang toge tsaka paabot na rin nung suka.”
Hindi ko maiwasang madalas na tumingin sa kanyang mukha at tumitig sa kaniyang mga mata habang kunwaring hinihipan ang hawak na kutsara. naging bisyo ko na rin ang pagkain ng almusal dito tuwing sasapit ang araw ng miyerkules na araw ng pagdayo namin sa isang baryo sa kalapit na bayan. At hindi lang ang masarap na pagkain ang habol ko kundi ang makita siya, ang kusinera, isang magandang kusinera.