3 years, 7 months ago by komski ang mga mata mo’y mahika
at titig mo’y pagpapakawala
ng pulburang mahiwaga,
na lahat ng masabuya’y
naaakit na lang bigla.
ang boses mo’y hokus-pokus,
abra kadabra’t alakazam.
na marinig ka lang kahit sa kalayua’y
atensyo’y sa iyo kaagad inilalaan.
sigla mo’y nakapagpapamulaklak
sa mga tuyong sanga’t dahon.
ngiti mo’y nakapagpapalabas
ng kalapati at maamong kuneho
sa walang laman na sumbrero.
kaya’t maipakita lang aking nararamdaman,
at mapadama ang simbuyo ng damdamin,
lahat ay aking gagawin at titiisin
mapagtuunan mo lang ako ng pansin
hihiga ako sa kamang pako
lalakad sa kalsadang baga
lulunukin ko kahit espada
pati katawan ko’y ipahahati ko sa dalawa.
dahil ang aking pagtingin
di tulad ng kadenang may daya
na madali lang kumawala,
kundi isang matinding salamangka
na hindi maiaalis basta-basta.
ang ito’y sa iyo’y masabi
ay hindi lang kasing dali
ng pagbigkas ng mga mahiwagang salita
o kaya’y sa pagbilang ng tatlo
ng isang bayarang clown na madyikero.