nagsasayawan ang mga dahon sa hangin
sinasaliw nila ang kanyang himig
isinasabay sa musika ng kanyang tinig
nag-aawitan ang mga ibon sa puno
naghaharuta’t naglalaro
sa bisig ng mayayabong na mga sanga.
ang damo ang aking himlayan
mga ugat ang sa aki’y nakadantay
at inaaliw ng mga ulap sa kalangitan.
ngunit ikaw ang siyang tanging dahilan
kung bakit nagiging paraiso
itong ating madamong tambayan
ikaw ang sinasayawan ng mga dahon
inaawitan ka ng mga ibon
pang-aaliw ng mga ulap ay sa iyo nakatuon.
At kahit dumating na ang taglagas
at maglipana man ang mga ibon
ito pa ri’y magiging ating paraiso
basta’t magkasama rito, ikaw at ako.












