Got’o go, goto me , goto mammy, goto heaven

No Comments » July 7, 2005 » 1718 days ago
Uncategorized

Naramdaman ko nang kaunti na parang naging kaisa ako sa isang reality-based tv game show. At ang challenge ay ang kumain ng nilagang lamang-loob ng baboy na hinaluan ng kanin para magmukhang lugaw.

Nagsimula ang lahat ng ito sa pagsabi ko ng, “Miss, ’sang lugaw nga.”

Pero hindi naman sa naninira ako, hindi rin ito parte ng isang malawakang black propaganda laban sa isang kainan na itago na lang natin sa pangalang “lugaw 1″.

Una, hindi ordinaryo ang kulay ng lugaw nila, kulay dilaw. Naninilaw na parang may hepatitis. Naalala ko ang sakit na yellow fever habang sinusubo ang bawat kinutsara sa mangkok. Wala namang silang special promo na may halong zest ng lemon ang mga lugaw nila. Ewan ko kung coloring lang yun.

Iba ang amoy, hindi langhap-sarap na tagline ng chickenjoy, hindi kasi manok ang laman ng goto kundi lamang-loob ng baboy. Iba ang amoy.

Magara ang lasa. lasang lamang-loob.

Hindi man lang ako umabot sa sampung subo. Hindi ko naubos. Kung biyernes ngayon ay baka pinapanood na ang video presentation na ginagawa para sa mga umaalis sa contest.

talo ako, talo.

Hindi talaga ako naninira kahit parang ganun yung ginagawa ko ( Parang si gloria habang sinasabi niya na hindi siya nandaya ). baka hindi lang talaga ako sanay sa ganun, pero kumakain naman ako ng lamang-loob, atay, bituka, dugo, iba lang talaga siguro yung pagkakaluto sa kanila.

Marami namang kumakain dun eh. Mga tricycle drivers, tindera sa palengke, at mga dumadaang mamimili. At isipin mo na lugaw lang ang tinda nila, kalde-kalderong lugaw.

lugawan, lugaw lang

Bopis avenue

No Comments » July 7, 2005 » 1718 days ago
Uncategorized

Naalala ko yung minsang sinabi ng prof ko sa geog 1, si Juanico. Dapat raw, yung bahagi sa may QC malapit sa circle na nakahilera ang heart center, lung center, kidney center at kung anu-ano pang mga lamang-loob ay tawagin na lang na BOPIS AVENUE. May punto nga naman siya, at maganda pang pakinggan.

Kung nagkaganoon, hindi ka lang sa karinderia makaka-order ng masarap, maanghang at mainit na medyo mapait na bopis, kundi pati na rin sa drayber ng jeep at konduktor ng bus.

“Manong, magkanong bopis?”
“kinse.”
“dalawa po, estudyante.”

Makakadiscount ka pa.

Hindi mo ako kuya, hindi kita kapatid

No Comments » July 7, 2005 » 1718 days ago
Uncategorized

“Kuya, yung kulay orange na lang yung kukunin ko.”

Inabot ko ang nakahanger na kulay kahel na shorts. Eto yung shorts na uso nung summer, floral pattern. Ewan ko na lang kung masusuot pa niya yon habang bumabagyo.

Hindi ko siya kilala pero tinatawag niya akong kuya. Pero ang mas magulo, kuya rin ang tawag niya sa tatay ko, pano yun? edi parang magkapatid kami ng tatay ko? Magara ata yon.

Hindi ito ang unang beses na may tumawag sa akin ng kuya. At hindi rin naman ako naiinis sa mga gumagawa nuon. Magara lang talaga yung paggamit niya ng ‘kuya’.

Lahat ng sinabi niya ay may salitang ‘kuya’ sa unahan, masyadong maraming beses niya ginamit sa isang usapan lang. Ewan ko pero medyo naasar ako nang konti.

At hindi ako nasarapan sa tinda nilang lugaw.

sunken garden

No Comments » July 4, 2005 » 1721 days ago
Uncategorized

nagsasayawan ang mga dahon sa hangin
sinasaliw nila ang kanyang himig
isinasabay sa musika ng kanyang tinig

nag-aawitan ang mga ibon sa puno
naghaharuta’t naglalaro
sa bisig ng mayayabong na mga sanga.

ang damo ang aking himlayan
mga ugat ang sa aki’y nakadantay
at inaaliw ng mga ulap sa kalangitan.

ngunit ikaw ang siyang tanging dahilan
kung bakit nagiging paraiso
itong ating madamong tambayan

ikaw ang sinasayawan ng mga dahon
inaawitan ka ng mga ibon
pang-aaliw ng mga ulap ay sa iyo nakatuon.

At kahit dumating na ang taglagas
at maglipana man ang mga ibon
ito pa ri’y magiging ating paraiso
basta’t magkasama rito, ikaw at ako.

ERROR 406: Out of available memory

No Comments » July 4, 2005 » 1721 days ago
Uncategorized

Kapag may binuksan kang program sa kompyuter tulad ng word o powerpoint, niloload nito ang nasabing programa mula sa hard disk papunta sa memory, o mas partikular, sa RAM.

Mas maraming program na nakabukas, mas maraming RAM na ginagamit. At may mga pagkakataon ring bigla-bigla na lang titigil ang program na nira-run mo dahil naubusan na ng available memory. Minsan pa nga, baka mag-shutdown pa ang kompyuter.

Bakit ko ito sinasabi? Para kasing naubusan na ako ng sarili kong “memory”.

Pag sa kompyuter kasi, pag sinarado mo na ang program, tatanggalin na niya yung mga nilagay niya sa memory, ‘freeing resources’ kumbaga. Pero sa tao, memory persists, hindi madaling nawawala ang mga alaala.

May nakapagsabi, hindi ko lang alam kung sino, na “We forget in order to learn new things.” parang ganun yung sinabi. Nabasa ko kung saan.

Tingin ko ay naubusan na ko ng ‘memory’. Nasasabi ko ito dahil sa math 54, asar na math 54.

“Ngayong sem, pinakamahirap yung physics.”
“Math kasi, makikinig ka lang tsaka magsasagot ng exercises ok na…”

Hindi ako nakapag-react nang sinabi ng kaklase ko ito. Hindi na lang ako nagsalita. Makikinig lang tsaka magsasagot ng exercises ok na? Nagagawa ko yung una pero langya, magsasagot lang ng exercises ok na? langya talaga.

Ni hindi ko nga maintindihan nang mabuti yung napapakinggan ko mula sa magaling naming prof. Magaling kasi 1,2,3 lang may sagot na, minsan nga di pa umaabot sa 3.

“The virtual machine could not be started because there was not enough memory available on the host.”

Hindi rin ako sigurado kung ano talaga ang problema.

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
http://sudocode.net
Images by desEXign.