June 5, 2006 » 1384 days ago
Uncategorized
huwag mo akong gisingin
sa aking pagkakaidlip
dahil baka masira ang
panaginip kong kasama ka
huwag mo akong gisingin
kung imumulat mo lang ako
sa mundong hindi kita kasama
at nasa piling ka ng iba
huwag mo sana akong gisingin
kung pagmulat ko ng aking mga mata’y
wala ka naman sa aking tabi’t
hindi yakap-yakap sa kahabaan ng gabi.
dahil sa panaginip ko’y bisig
mo ang aking dantay
at ang pintig ng puso mo’y
aking hele sa pagkakahimlay
hayaan mo akong matulog at
manatili sa masayang mundong
sa iyo umiikot
huwag sanang putulin ang
pangarap na makapiling ka’t
kahit isang huwad na tadhana’y
huwag na huwag mo pa rin akong gigisingin
mas masaya pang mamatay
na napapanaginipan ka
kaysa sa mabuhay sa bangungot
ng iyong pagkawala
ayoko nang magising pa.
June 5, 2006 » 1384 days ago
Uncategorized
medyo ilang araw rin bago mawala nang tuluyan sa isip ko ang nadaramang pag-aalinlangan sa aking frustrations, este frustration pala.
iniisip ko pa rin siya.
at ayoko talagang hindi maniwala na may posibilidad na may posibilidad ng magkagusto rin siya sa akin sakaling magkakilala kami na posibleng may posibilidad na maaari kaming magkakilala at baka at baka lang na may darating na pagkakataong makakausap ko siya ng diretsong nakatingin sa kaniyang mga mata.
ilang araw rin bago mawala ang depression.
pero kahit mawala na rin itong nadaramang kakaibang malungkot na naaasar na ewan ko ba kung ano talaga, minsanan rin itong babalik-balik sa gunita’t magliklikha ng kalungkutan at pagkaasar at ewan ko ba kung ano talaga.
pero masaya rin namang isipin kong nakangiti siya’t nakatawa habang naririnig ang kaniyang boses na hinding-hindi maikakailang sa kaniya.
naiisip ko siya kanina, ngayon hanggang mamaya, sa pagtulog, sa paggising, habnag nagalakad, habang kumakain.
masayang isipin na may mangyayaring himala’t matutupad ang pinapangarap ko, ang makilala’t makasama siya kahit sa konting sandali lang. ang sandaling magtatagal sa alaala ko panghabambuhay.
sana nga.
depressed na naman ako, malungkot, nakakaasar na ewan ko ba kung ano talaga.
sa sembreak pa kita ulit makikita.