math instructor

No Comments » July 11, 2006 » 1342 days ago
Uncategorized

sa pagtuntong mo sa ating silid-arala’y
hindi ko na maialis sa iyo aking mga mata.
sabihin man nilang mahirap ang math ay
magiging paborito ko, pagkat ika’y makikita.
mali man itong dahilan sa pagpasok ngayo’y
sadya naman akong walang magagawa,
dahil kahit walang credits ‘tong subject na to’y
mag-eenrol pa rin ako’t magkakandahirap pumila.

kahit madugong triple integral ang nakasulat
ay magiging maaliwalas pa rin ang pisara
dahil nasasapawan ang magugulong mga equations
ng natatangi mong ganda, sobra.
kahit ilang unknowns pa ang ipasolb mo sa aki’y
tamang sagot ay sisikapin ko pa ring makuha,
kung idudulot nito’y isang matamis na ngiti
sa iyong mukhang nakabibighani… sinta

uupo ako malapit sa harap nang baka ang hanging
umihip sa iyo’y sa akin mapatungo’t
malanghap ang samyo ng iyong pabango.
pakikinggan ko ang tinig mong itatanim ko sa
aking isipan, na kahit isang lesson na hindi
ko naman maintindiha’y alalahanin pa rin
sa buong araw’t magdamag.

ituturing kong mga loveletters ang mga exam
na iyong nang natsekan, kahit puro ekis, minus,
at pulos pasang-awa’y itatago ko ito sa
aking kwartong silid-tulugan,
nang baka sa aking pag-idlip ay lecture
mo pa rin ang siyang mapanaginipan.

ayoko talaga ng math

No Comments » July 11, 2006 » 1343 days ago
Uncategorized

Alam ko na kung bakit kahit anong pilit ay hindi ko makasundo ang subject na mathematics. Naisip ko habang nakikinig ako sa lecture ni Adorna, professor sa Discrete Mathematics. Hindi lumilipas ang labinlimang minuto ay tatlong punong blackboard na ang naisulat niya tungkol sa topic naming functions and relations na kahit alam ko ang ibig sabihin ay madali niyang nagagawang magulo at mahirap intindihin. Yun ata ang pinagkaiba ng higher math subjects kaysa sa mga ordinaryong kinukuha ng isang non-math-related course major tulad ng Math 1, mas magulong tinuturo ang karaniwang lesson. Naalala ko tuloy ang isa sa mga nabasa kong quotes sa Math category ng komski quotebox. Sabi ni George Polya, “Mathematics consists in proving the most obvious thing in the least obvious way”.

Hindi ko na kinokopya ang mga sinusulat ni adorna sa pisara. Ni hindi na nga ako nakikinig masyado. Ang huling tanda ko ay pinoprove niya ata na ang isang partial-order relation ay transitive, reflexive at anti-symmetric. Nakatingin ako sa labas at tinatanaw ang mga tao sa kalapit na new NIP building, pero hindi ko naman sila nakikita dahil ang ibig sabihin ng magkalapit na building dito sa unibersidad na napasukan ko ay aabutin ng ilang minutong lakad at hindi nangangailangang magdyip pa. ( napalayo ako ng kwento na parang nangyayari lagi kapag nagsisimula akong makinig sa lecture na ito, hindi maiwasang mapalayo ng iniisip )

Kapag sinisilip ko ang pisarang punong-puno ng mga pinaghalu-halong math, logic at statistical symbols (at meron ding imbento niya) ay hindi ko naman makita ang mga sinasabi niyang kabuluhan. Yun ata ang problema ko, masyado akong nahihirapan mag-isip ng sobra dahil kailangan talaga yun sa math. Kaya ayoko talaga ng math, para siyang joke na hindi ko gets ang punchline kaya hindi ako matawa. Alam mo naman siguro ang pakiramdam kung lahat ng nakapaligid sa iyo ay natatawa sa isang joke pero ikaw ay hindi. Pwede na ring ikumpara kapag nasa loob ka ng kwarto na puno ng mga kaklase mong mas magaling kaysa sa iyo.

Pero hindi tulad ng isang joke na hindi mo magets, hindi mo pwedeng pekein na lang ang tawa mo kapag hindi mo maintindihan ang lesson mo sa math.

Baka nga mapaiyak ka pa.

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
http://sudocode.net
Images by desEXign.