May mga taong hindi kayang bumitiw sa mga alaala ng nakalipas dahil tanging ang mga alaala lang ng tao ang hindi nagbabago, bukod pa dun ay wala nang iba, nabasa ko minsan sa blogspot ni textmates. Pero hindi ako sigurado kung yun nga yung nakalagay dun o yan lang yung pagkakaintindi ko.
Maganda siguro kung ang mga alaalang ito ay yung masarap balik-balikan.
Umiiyak ka nun, pagkakatanda ko. napatitig ako sa malungkot mong mukhang nabahiran ng luha. Nung una’y nakangiti ka pa, ngunit siguro ay para lang subukang pigilin ang nangingilid na mga mata. Hindi ko alam ang gagawin ko. Hindi ko naman maitanong kung anong problema dahil alam ko na, at baka lalo ka lang malungkot. Hindi mo kailangang magpaliwanag.
Sana ay masabi ko sa iyo na nandito lang ako’t sasamahan kita ngunit nanatiling tikom ang bibig ko. Hindi ko kayang makita kang umiiyak, nahihirapan ako. Hindi ako makapagsalita.
Naisip mong wala akong kwenta, nandun nga, ngunit wala man lang nagawa upang maibsan ang iyong nadaramang kalungkutan. Pero siguro’y nakalimutan mo ang nangyari. Pero hindi ako.
Wala akong nagawa sa oras na kinailangan mo ako.












