“teka, kulang ng payong, di tayo kaysa dyan”
“Hiram ka kay princess, dalawa panigurado dala nyan”
“Princess, may payong ka pa ba? peram!”
“Eto, pero hanggang dun lang ha, di mo pwede iuwi”
“sige, ayus, teka, bakit ba dalawa ang payong mo?”
Umuulan din nung araw na yon, sobrang lakas, parang may bagyo. Maraming walang kamalay-malay na taong inabutan sa kalye ng biglaang buhos nito, nagtakbuhan silang sing bilis ng rumaragasang tubig-ulan na dumadaloy sa bangketa. Ang isang maliit na patak ng tubig, kung mabagsak sa lupa’y hindi mo maririnig kahit na anong igi ang gawin mo. Pero tulad ngayong di mo mabilang ang mga patak ng ulan, sobrang ingay, ni hindi na nga magkarinigan. Nag-uunahan ang mga nalagas na dahon papasok ng kanal, parang mga pasaherong naggigitgitan papasok ng pinto ng kadarating lang na mrt train tuwing rush hour.
Nagsimula na ring magpraktis ang isang grupo ng soccer players. Kanina pa sila nandun, kahit nung may araw pa, ewan kung bakit kung kelan umulan ay tsaka sila pumunta sa field. Mahiyain siguro sila masyado, kaya kung kelan umuulan ( kaya wala nang taong nakatambay sa paligid ng sunken ) ay tsaka nila ginagawa ang patakbo-takbo ng patagilid, pahakbang-hakbang na kala mo’y tumatawid ng bakod, at kung anu-ano pang kakaibang ehersisyo para sa paghasa sa kalamnan ng paa.
Marami talagang napapansin at naiisip kapag walang ginagawa. Malakas ang ulan, sobrang lakas, at wala akong payong.
“Huhulaan ko, siguro kasi minsan umulan ng malakas, ‘tas wala kang dalang payong, ayun, natrauma ka na, hehehe”
“hehe, parang…”
Naaalala ko, tama, malakas din ang ulan nung araw na yon, hapon, noong siguro’y isang buwan. Napanood ko pa nung gabi bago nun, “mainit sa bandang tanghali pero uulan din bago maggabi”, ang sabi ng isang safari guy na rumaraket bilang weather reporter. Nakasuot kasi siya na pang-zoo kaya ang tumatak sa isip ko’y ang pinakita niyang rare palawan cockatoo. Ngayon, kung kelan pinaranas na ng kalikasan, sa mga hindi marunong makinig sa ulat-panahon, ang bagsik nito sa pangtutuya ( dahil hindi naman umuulan kapag may dala akong payong ). Wala kong magawa, at wala akong masising iba dahil nag-iisa na ko dito sa may harap ng lobby. Suko na ko, hanggang sa marinig ko siyang sinabing,
“Wala… ka bang payong?”
Napalingon ako sa may dulo ng pasemano kung saan nakadungaw ang lugmok kong mukha. Andun siya, siya, yun, siya, tama, naaalala ko.
“a-ako ba?”
Medyo hindi pa ako sumagot nung una. Pero wala namang ibang tao kaya siguro ay ako ang kausap niya. Parang inaabot niya ang payong niya sa akin at hindi ko alam kung anong gusto niyang mangyari.
“Gusto mo, ano… gamitin mo muna ‘to”
Nakangiti pa niyang pasabi. Tinignan ko ang payong niya, tinitigan. Naramdaman ko ang sakit ng ngawit ko nang mga paa, ang kumakalam kong sikmura, ang nanlalamig kong katawan at sabay napatitig ulit ako sa kanyang iniaabot na payong. Gusto ko yung kunin.
“H-huh? baket? huh? weh”
Napatingin ako sa direksyon ng pupuntahan ko, malayo, walang silungan, at malakas pa rin ang ulan. Tumingin ulit ako sa payong na iniaabot sa akin. At lalo akong naguluhan.
Nag-iisa na lang ang payong, at wala na ang nag-aabot.
“Uy, ano bang iniisip mo?”
“H-ha? a.. e.. wala, may naalala lang”
“Alam mo, wala ka nang magagawa, tapos na yung test, tanggapin mo na lang”
“Hehe…”
“O sige, una na kami. Dito ka lang no?”
“Ah, oo… antay lang ko ng dyip”
Naalala ko, umuulan din nung araw na yun. Umuulan, yun lang ang naaalala ko. Makikita ko pa kaya siya? Ni hindi ko man lang siya nakilala. Ni hindi ko nga alam kung maibabalik ko pa rin sa kanya ‘tong payong niya. May dala kaya siyang payong ngayon? Nakabili na kaya siya ng bago?
Paano kaya kung ako naman ang magsabi sa kanya ng,
Rainy season. Dalawa o tatlong beses sa isang linggo kung umulan. Apat na araw ang klase ko. Tatlo ang wala. Jackpot kung tumapat sa tatlong yun ang ulan. Pero kung hindi, I end up being stranded here, parang ngayon.
Isang buwan na ata kong walang payong. At naalala ko na naman siya, dati, doon, nakadungaw sa kalsadang inaagusan ng matinding ulan. Kalalabas ko lang ng klase nun. At kahit wala pa ako sa may pinto, napansin ko kaagad siya.
Kahit maraming tao, kahit malayo, kahit nakatalikod pa siya, baka nga kahit nakapikit pa ako, kung nandun siya, nalalaman ko, ewan ko ba. I get this unusual chill when i realize that she’s within sight, always. Magulo, hindi ko inaasahan na makita siya kahit na lagi kong sinasabi na sana… makita ko nga siya.
“Wala pa yung kapalit mo ate?”
“Tagal nga eh, pero hindi rin naman ako makakaalis, lakas ng ulan e”
Kinakausap ko ang guard pero sa kanya ako nakatingin. Parang nala-lock ang mga mata ko sa oras na makita siya, Princess… siya ang prinsesa ko.
“Kanina pa yan, wala atang payong”
Nangiti ako sa aking narinig. Hindi ko naman sinasabi ang tungkol sa kanya, nalaman lang siguro niya sa mga kilos ko kahit dati pa. Halata naman talaga ang ginagawa ko. Nakatitig na naman sa kanya, sa kanya, siya…
“Huy! …”
Medyo tinapik pa ako ni ate. Ito ba ang ibig sabihin ng pagtigil ng ikot ng mundo, time freezing at the instant of seeing the most precious girl you’ve always dreamt of. Parang ayoko nang bumalik sa reyalidad. Ang reyalidad na hindi naman kami magkakilala, na ang alam ko lang sa kanya ay ang kanyang ngalan, matamis na ngiti, mga mata…
“Huy! …may payong ka di ba? sukob mo kaya?”
“Ha? A-ano? Bakit naman?”
“Kunwari ka pa”
Kunwari pa ko. Gusto ko siyang makilala, makausap, makasama, pero wala akong lakas ng loob. Sana, pero hindi ko kaya.
“Sige, pag yan may lumapit na iba..”
Napaisip ako. Sobrang tagal na nung nakilala ko siya, hinde, nakita pala. At nung sandali ring yun ay nagkagusto na ako sa kanya. Binihag niya ko. Matagal na pero pangalan lang niya ang taning nalaman ko, medyo hindi nga madali makuha. Gusto ko siyang makausap, makilala, makasama. At ginawa ko nga ang isang bagay na hindi ko malilimutan sa tanang buhay ko.
“A-ah, eh.. wala kang payong?”
“Tange, sa kanya mo kanya sabihin? Lumapit ka dun”
“hehe..”
Lumapit ako sa kanya, sa may pasemano, 3 feet away gaya ng sabi sa ‘Study on Proxemics’ na natutunan ko sa Geog 1. Eto na, here goes,
“Uhm, excuse me, w-wala ka bang.. payong?”
“…”
Asar, tumingin siya sa akin, pero hindi ako makatingin sa kaniya. Hindi ko kaya, baka hindi ako makahinga at tumigil ang tibok ng puso ko. Malamig pero pinagpawisan ako, nerbiyos, kaba, hindi ako mapakali, kinakausap ko na siya.
“M-miss?”
Inaantay ko pa rin ang sagot niya kahit alam ko na wala naman talaga. Medyo luminga-linga siya ng konti kaya nagkaroon ako ng tsansang makita ang mukha niya nang malapitan. Ang ganda, sana nga tumigil ang oras, parang pwede na kong mamatay, at kung anu-anong pang nonsense na bagay ang naisip ko kahit hindi naman dapat. Siya dapat ang iniisip ko. Nagkagulu-gulo ang utak ko.
“Gusto mo eto, gamitin mo muna”
Shit, mali ata ang sinabi ko. Dapat sukob siya sa akin. Asar, nakatingin siya sa payong ko. Mali, shit, asar.
Di ko na kaya, sa puntong napansin ko siyang lumingon ay tumakbo na ako, mabilis, sa ulan, sa malakas na ulan. Iniwan ko ang payong ko at tumakbo papalayo, kahit hindi ko na namamalayan ang tinatakbuhan ko, dahil sa isip ko’y siya pa rin ang nilalaman. Pumikit ako’y imahe niya ang aking makikita, ang mukha, mga mata. Nababaliw na ko.
Isang buwan na akong tumatakbo sa ulan. Gusto ko siyang makita ulit. Natatawa na lang ako sa tuwing naisip ko na sana… maulit ulit ang araw na yun.
Sana marinig ko siyang sabihing,
“Wala ka bang payong?”
Natahimik ang lahat, ngunit hindi ang ulan na patuloy pa rin sa pagbuhos. Nakita ko ang kanyang ngiti at mga matang nakamamangha. Tibok ng puso ko’y parang mga patak ng ulan, mabilis, hindi makontrol. Damdamin ko’y parang tubig-ulan, nag-uumapaw. Sana lagi na lang ganito.


![E[kwento]MO: bawat emo, may kwento.](http://kundiman.net/wp-content/uploads/2008/09/emo-5-small.png)








Naalala ko tuloy ung kanta ni nyoy…
“Rain rain please dont go away.. I have her in my arms… la la la.. rain rain dont you go away.. make her stay… dont go away..”
Bagay sayo. :) ahihi.