Sumama ako sa pagtitinda sa tiangge kahapon, araw ng linggo, dun sa may lolomboy, bocaue, bulacan. Makailang beses na akong nakapunta sa baranggay na ito kaya kahit papano ay alam na alam ko na rin ang lugar ( pero dun lang sa may parte malapit sa joners ). Paano ba naman, e dito nakatira si Maala ( tsaka dito rin nakatira yung isa ko pang crush dati na ngayon ay nasa amerika na, pero hindi siya parte ng kwento ko ngayon ).
Si Maala, yung nakatabi ko sa upuan nung 2nd grading, 3rd year highshool. Dun kami sa may tabi ng bintana, pang-apat na row mula sa unahan. Tatlo ang upuan, si Anggie sa kaliwa, ako sa gitna, si Maala sa kanan ko. Nung araw na naglipatan ng upuan, ay parang isang ordinaryong araw lang. Hindi ko inakala na iyon ang simula ng isang hindi malilimutang pagkakataon ( kaya kahit paano ay gusto ko ang adviser namin nun, siya kasi ang nag-ayos ng sitting arrangement ).
Hindi ko inasahan na magkakagusto ako sa kanya, pero wala akong nagawa. Nahulog ako sa kanyang personalidad, yung tipong childish na masayahin na makulit. Kahit ngayo’y nakangiti pa rin ako habang inaalala ko siya.
Naging laman na rin siya ng ilang mga naisulat ko na dati at isa rin siya sa mga dahilan ng aking mga tula, dahil kahit na nung 2nd Grading ng 3rd year highschool ko lang sya talaga masasabing nakasama, yung dalawang buwan na yun ang isa sa mga panahong hindi ko malilimutan. Eh kasi naman, nakilala ko ang isa mga babaeng nagustuhan ko nang lubos ( kahit na nung first year hs ay napansin ko na siya ( napansin, ung parang nasagi sa isip ko na “hmmmm, pwede akong magkagusto sa kanya ah”. hehe, nawirduhan ata ako sa sinabi ko. ) medyo nawala siya sa atensyon ko, dahil na rin sa iba ).
Kasama niya ang kanyang mame ( mommy ) at ako, nagbebenta ng maong shorts at t-shirt na pambata. Nung unang beses, nito lang abril ay hindi kami nagpansinan. Nagkita ang aming mga mata pero wala, wala lang.
Pangalawa ay nung sembreak. Nakatayo ako sa harap ng pwesto namin, nakatingin sa malayo, nag-iisip ‘tas bigla akong napatingin sa isang babae sa aking harapan, mga apat na metro ang layo. Nabigla ako dahil sa kanya pala ako nakatingin. Hindi ko kinaya, nagpumiglas ang first instinct ko. Nangiti ako nang sobra ( yung abot tenga ba ), at naramdaman ko ang bagay na matagal kong hindi naramdaman.
Biglang lumakas ang tibok ng puso ko, sobrang lakas na kung prone lang ako ay baka inatake na ako sa puso ( medyo sumakit ang dibdib ko pagkatapos, ganun kalakas, walang halong biro ). Tumigil nang ilang segundo ang oras at pag-iisip ko, at nang bumalik na ako sa kamalayan ay tumalikod ako mula sa pagkakaharap sa kanya. Ayokong makita niya ako, ewan, dahil paniguradong napansin niya ang bigla kong ngiti dahil tingin ko ay nakatingin na siya sa akin nung bago ko pa siya nakita. Pero kahit nakatalikod ay nakangiti pa rin ako nang todo, malakas pa rin ang tibok ng puso.
Naguluhan ako, hindi ko alam kung anong gagawin, kung muli ba akong haharap at babatiin siya o hahayaang dumaan na lang? Wala akong nagawa, gusto ko siyang makita.
Binati namin ang isa’t-isa, hanggang dun lang. Pero pagkatapos ay hindi ko pa rin naialis sa kanya ang aking mga titig. Medyo napansin niya ata na lagi akong nakatingin sa kanya. Kahit wala na siya sa aking harapan ay nakatingin pa rin ako sa kanyang mga nilakaran.
Pangatlong beses ko siyang nakita, nung linggo. Ngayon, ako naman ang unang nakakita sa kanya. At hindi ko alam kung bakit napili kong sadyang hindi na lang siya pansinin. Iniiwasan ko siyang tignan, este mali pala, iniiwasan kong makita niya akong nakatitig sa kanya. Parang dati, nung patay na patay pa ako sa kanya, nung matapos ang 2nd Grading nung 3rd year highschool. Kahit papano, may gusto pa rin ako sa kanya.
Kapag nagpupunta ako sa lolomboy, lagi kong sinasabi na sana makita ko siya. Hindi man yun ang tanging dahilan ko para sumama sa pagtitinda sa tiangge, kahit na, sana makita ko siya, kahit sandali lang.
Wala, naalala ko lang si Maala dahil nakita ko siya kahapon.
Paunawa: Hindi si Maala ang tinutukoy ko sa parte ka pa rin ng aking mga tula at mga recent posts. Huling beses kong sinulat na tungkol sa kanya ay nung nakita ko siya nung abril. Pero kung babasahin mo ang mga una kung mga posts, nung 2004, ay halos siya na lang lagi ang temang naiisip ko. Natigil lang ito nung natanggap ko na wala na kong pag-asa dahil may boyfriend na siya ( sabi nya e ). Pero ngayon, iniisip ko ngayon kung sila pa rin kaya?











