tuwing nakikita ka’y nahihirapan
natataranta, naguguluhan,
pagkat itong aking nararamdaman
hindi ko maipakita sa iyo nang tuluyan.
naririnig ko ang boses mong
hindi ko naman makakayang tugunan
tinig mo’y kaylapit ng pinagmumulan
ngunit parang binging ‘di ko napakikinggan.
nararamdaman ko ang aking kawalan
tuwing ako’y iyong kasama
na para bang wala ako sa iyong tabi’t
sa paglakad mo’y ika’y nag-iisa.
ang bawat gawi’t ikilos ko’y
parang hindi mo ako nakikita.
mga yapak mo’y tuluy-tuloy na tila
hindi naririnig ang aking pagsasalita.
pagkakamali ko ba’y maitatama
ng pagmamahal na hanggang ngayo’y
para sa yo’y patuloy na nadarama?
nararamdaman mo ba na kailangan kita?
nakatingin akong hindi mo nalalaman
hindi mo man ako napapansi’y
nagmamasid ako mula sa kalayuan.
kahit hindi kita naririnig ay
pilit pa rin akong nakikiramdam.
wala man akong oras ay
sumusunod pa rin sa ‘yong nilalakaran.
buong buhay ko’y akin sa iyo’y laan
paghanga sa iyo ang tanging aking dahilan.
natutuwa akong ako’y lingid sa iyong kaalaman
lumapit man ako sa iyo’y wala kang pakialam.
mababaw mang ituring itong aking pagmamahal,
pakiramdam ko’y hindi ko napipigilan
nais kitang makita, ika’y aking kailangan.
araw at gabi kitang napapanaginipan
kailan kaya kita makakausap, di kaya’y mahahagkan?
paglagi sa anino mo’y hindi ko maiwan-iwan.
ang hindi mo ko kailanman makilala
dulot sa aki’y matinding kalungkutan.
ang manatili sa mundong kaiba
sa matagal mo nang ginagalawan,
isang sumpa sa aking katauhan.
sa iyo’y tunay akong nagmamahal
kahit isipin mo pang ito’y isang kabaliwan.
ipaalala mo sa akin ang nakaraan
at ngayo’y iyo itong palitan
nang akin itong makalimutan
at ikaw ang matanim sa isipan.
banggitin mong muli ang mga salita
na minsa’y sa kanya nagmula.
hayaan mo akong muling makapagsimula
buksan mo ngayon ang isang bagong kabanata.
punan mo ang puwang na kanyang nilikha
dito sa pusong patuloy na lumuluha
simula ng oras ng kanyang pagkawala.
sa iyong mga mata, siya ang aking nakikita.
sa mga titig mo’y siya ang naaalala.
ngunit ang himig na sa kanya nag-umpisa,
ipagpatuloy mo’t gawin mong sariling kanta.
ipasa mo ang sa iyo’y naipasa na
sabihin sa akin ang sinabi ng iba
isend mo ulit matapos mong mabasa
iforward sa akin ang sa iyo’y pinadala
ang bawat salitang ninais mong aking makita,
ay para lang ba sa aking mga mata?
hindi ko napigilan na sa puso’y madala
ang damdaming nakahabi sa mga letra
mensahe ba’y sa iyo nanggaling talaga?
kasalanan bang sa pisong mensahe umasa?
mali ba na sa mga ito’y maniwala?
sinend mo ba ito para lang muling maipasa?
ako ba o ang text message ang mahalaga?