| |
February 27, 2007 » 1117 days ago
Uncategorized
Ang blog na ring ito ang nagpahamak sa akin at sa aming relasyon. Nagsimula nang binasa niya ang mga entries ko, ang mga tula, ang mga kwento, at nakaramdam siya ng selos sa mga babaing tinutukoy sa mga ito. She cried, pinaluha ko siya sa pamamagitan ng mga naisulat ko na. Nagkamali ako, isang malaking pagkakamali.
Matagal na kaming wala, at hindi ko pa rin kaya ang ganun.
Ninais kong magsulat. Nagustuhan kong tumula. Gusto ko ang nalilikha ng aking imahinasyon sa bawat kwentong ginagawa ko. Kung tinatanong mo ang mga pinaghugutan nito, tama, meron nga. Dunkin lady, barbeque girl and many more nameless persons, nakita ko na silang lahat, isa, dalawa o maraming beses, pero doon na nagtatapos yun. Nagiging parte sila ng halo-halong ideya sa aking utak na pinagpipilian ko para maging tema sa aking mga kwento’t tula. The persons are real but not the events, not the situation, not the conversations, na likha lang ng aking imahinasyon.
Paano kaya kung ang isinulat ko na lang ay mga entries na ang tema ay ‘galit’? Na kunwari ay galit ako sa lahat ng nakikita ko? Na sa bawat kwento’y inilalahad ko ang lahat ng pangit sa isang tao, ang kanilang kahinaan, mga kabuktutan? Magiging maganda pa kaya ang aking mga tula? May napili akong mas maganda.
Pagkagusto, pagmamahal, mas nadalian akong ikwento ang maganda. Ang tanong sa bawat kwento ay kung ‘paano kung may gusto ako kay [person]‘. Paano kung magiging love story ito? Ano kaya ang pwedeng mangyari? Medyo, babad ako (at paniguradong karamihan sa atin) sa mga love stories, sa tv, sa libro, sa mga kanta. Sino ba ang hindi alam ang maaring maramdaman ng isang tao sakaling magkagusto siya sa iba?
Karamihan sa mga entries ko ay hindi totoo at kung totoo man, ay nakalipas na, kahit na present tense ang gamit. Mas madaling gamitin ang present tense kaysa past. Verbs would be shorter, entry size smaller. Minsan lang ako magsulat tungkol sa present (that would mean the current week or month), kaya nga i really do not consider this as a blog like what anybody would think what a blog is. Hindi ko naman talaga isinusulat ang mga nangyayari sa akin, kundi isinusulat ko ang mga nalilikha ng aking isip. Pero siyempre, there are exceptions, laging meron.
Nagalit rin siya kung bakit hindi man niya nakita ang kanyang sarili sa aking ‘blog’. Ang totoo, hindi ko rin masyado ma-explain. Nagawan ko siya ng mga apat na tula at ang mga emails namin ay parang entry ko na rin dahil sa puno ng kwento, pero hindi ko sila pinost sa web. Hinanap ko dati ung tatlo sa mga tula na yon pero hindi ko makita, naalala ko na lang na hanggang handwritten nga lang pala sila at hindi ko nagawan ng kopya ang sarili ko (exception).
Sabi ko nga, hindi ko ninais na ihanay siya sa mga malulungkot kong mga tula, sa mga kathang-isip kong kwento. With her, it was different, she wasn’t for this made-up blog. She was real, but now she’s gone.
This blog is a different world, different from my real life. This is not my subconscious, most are written consciously, with would-be readers in mind, including myself. May nakapagsabi sa akin na realistic daw yung mga posts, yun ay dahil i strive to make it realistic. Pagkatapos gawin ang kwento, binabasa ko nang paulit-ulit habang itinatanong, ‘kapani-paniwala ba ‘to?’ I find it amusing, for me.
The revelation is, oo, merong mga pinaghugutan ang mga entries ko kahit papano. Marami akong nagugustuhang babae, but these feelings are short-lived. Temporary lang, nawawala sa oras na hindi ko na sila nakikita. Pero admiration lang naman ito. I find it hard not to notice a girl, her eyes, her smile. Maiiwasan ba yun? Gusto ko talaga nung feeling, liking someone is an addiction to me. Ito talaga ang weakness ko pagdating sa babae.
Naaasar ako sa sarili ko, lalo na kapag naaalala ko siya. Dahil kasalanan ko kung bakit siya lumayo sa akin. Sinaktan ko siya, pinaluha. Sana makalimutan ko na siya, kahit na sinusubukan ko pa ring magkabalikan kami.
Oo, wala akong kwentang lalake.
February 26, 2007 » 1119 days ago
Uncategorized
Malinaw pa rin sa aking isipan, ang mga kamay nilang magkahawak. Ang ngiti niyang nawala sa oras nang nakita niya ako sa kanilang harapan. Niloko niya ako, at hindi na mahalaga ang mga dahilan. Nakuha pa niyang lumuha, magpaliwag, ngunit nawala na ang puwang sa aking isipan para intindihin ang mga sinasabi niyang wala nang katuturan. Tumakbo ako, papalayo, ngunit imposibleng takasan ang sarili kong pusong nasugatan. Pinilit kong lumayo ngunit ang namuong sakit ay nananatili sa aking kaloob-looban.
Lumuluha ako sa loob ng aking helmet at ang pag-iyak ko’y tinatabunan ng ingay ng aking motor. Sing bilis ng takbo ko sa kalsada ang mga alaalang lumilipad sa aking isipan, mga larawan ng nasira kong mga pangarap. Pabilis ng pabilis, ang tibok ng puso kong nasaktan. Kadiliman lamang ang nakikita ng aking mga mata, kawalan ang aking patutunguhan.
At bigla-bigla na lamang lumiwanag kasabay ng malakas na ingay na nakabibingi. Ang sakit ng puso ko’y nadama kong kumalat sa aking buong katawan, papunta sa mga kamay, paa ang aking ulunan. Sakit na sobra-sobra na ‘di lumaon ay unti-unting hindi ko na maramdaman. Ang ingay ay biglaang naging nakabibinging katahimikan. Nakatulog na ata ako. Sana nga’y panaginip lang ang lahat ng nangyari ngayon.
“Mama, mama?”
“Tulong! Ambulansya!”
Paulit-ulit ang eksenang nag-uumpisa sa isang panaginip na kapiling siya na natatapos sa bangungot ng kanyang pagkawala. Hindi ko maihiwalay ang totoo sa likha lamang ng aking isipan. Nahihilo ako.
Hindi ko lubusang maimulat ang aking mga mata. Nakakasilaw ang liwanag. Nararamdaman kong muli ang sakit ng kirot sa aking ulo at ang pagkamanhid ng aking mga paa’t hita. Nagising ako sa tusok ng karayom sa aking braso at agos ng likido sa aking ugat. May mahinang boses akong naririnig ngunit hindi ko masyadong maintindihan.
“.. muna… tu og ka… lan…”
At muli na naman akong natungo sa bangungot na hindi ko ninais balikan. Ayoko na. Ayoko nang makita ang kanyang mukha at ayoko na ring maalala. Tama na, gusto ko nang magising.
“… hawiin mo na yung kurtina”
“Ihahanda na po ba yung almusal niya?”
“Antayin mo munang magising. Wala pa bang dumarating?”
“Wala, pero ang alam ko tinawagan na…”
“Bababa na ko, antayin mong magising..”
“Opo”
Hindi naman daw siya lasing, negative din ata sa drugs, inantok lang kaya to? Kung kelan naman kokonti na ang sasakyan sa kalsada tsaka naman sila nagkakabanggaan.
Iba talaga kapag sa ospital nagtatrabaho, sari-saring sitwasyon, iba’t-ibang klaseng tao. Pang-apat na buwan ko na dito at nasasanay na yata ako. Iba talaga kapag government hospital, mas grabe ang mga pasyente kaysa kung nasa private. Buti na lang at hindi ‘to napuruhan, swerte.
Nakakadalawang oras pa lang nung nag-umpisa ang shift ko, nakakapagod na araw na naman ‘to panigurado. Ang tagal naman niyang magising, kung tusuk-tusukin ko kaya ng injection, hehe, ewan ko na lang kung di siya maalimpungatan. Ano kayang una niyang itatanong pagkagising niya, kung “Nasa’n ako, sino ka? Sino ako?” hehe=)
Mas naidilat ko ang mga mata ko ngayon kaysa kanina. Nasa ospital na pala ko. Ang nurse, nakaupo siya sa may bangko sa gilid ng kwarto. Bakit kaya parang nakangiti siya?
“Good morning po, dito po kayo dinala nung nakakita sa aksidente”
Ang sakit ng kanang kamay at parang ang bigat-bigat ng mga paa ko. Masakit pa rin ang ulo ko, ewan kung pisikal o dahil sa kaiisip ko sa kaniya, ayoko na.
“Ok lang po ba kayo? Ako nga pala si… Kayo po, ano pong pangalan niyo?”
Siya pala ang magiging nurse ko, ba’t parang nakita ko na siya dati, o baka may kahawig lang. Bakit kaya niya tinatanong ang pangalan ko. Nagugutom na ko.
“Arvin”
“Arvin?”
“Arvin”
“Arvin ano?”
“Castro”
“Castro? Arvin Castro?”
“Bakit, may kapangalan ba ko?”
“…”
“Bakit?”
“Di mo na ko naaalala?”
February 24, 2007 » 1121 days ago
Uncategorized
“Mr. Castro, late ka na naman…”
Tinanghali nga ako ng gising nung araw na iyon kaya’t medyo nalate ako para sa aking unang klase. Tinungo ko agad ang benches sa may gilid para iwan ang aking gamit. Inilabas at isinuot ang aking tap shoes at humabol sa warm-up exercises na naumpisahan na ng iba kong mga kaklase. Nandito ako ngayon sa dance area sa loob ng UP Gym at tap dancing ang PE class ko.
“May presentation nga pala tayo sa September, pipili kami ni Ma’am Kimpo kung sino ang mga sasali.”
Ankle rotations, breathing exercises at mga basic tap dance steps ang warm-up namin bago sumabak sa mga advanced dance movements at ang mismong full-music dance routines. Masarap magsayaw sa umaga habang medyo malamig pa, na kung iisipin ay karamihan ng mga estudyante ay tulog pa ng alas-siyete. Eto kami at walang sawa sa irish walk, buffalo jumps at sheney turns.
Nakatatlong buwan na rin kami na ganito, linggo-linggo, martes at biyenes, isang oras ng walang tigil na pagsasayaw. Kilala na nga ako ni Miss Villalobos, ang student assistant ni Ma’am Kimpo. Magaling rin siyang mag-tap dance, swebe at magandang panoorin. Siya na kasi ang nagtuturo sa amin, siya ata ang papalit kapag nagretire na si ma’am.
“Kasama nga pala dun si Mr. Castro”
“Ha?”
Hindi ako ang kausap niya pero narinig ko ang pangalan ko. Tsaka lang siya tumingin sa akin pagkatapos niya itong sabihin. Sa ngiti niya, paniguradong nirekomenda niya para pagsayawin ako sa presentation. Konti lang naman kasi ang lalake sa class na ito, pito ata laban sa 20+ na babae, at mas matino naman akong sumayaw, hehe=) kahit hirap tumalon sa bigat kong ‘to. Tsaka inaasahan ko na rin na masasali ako, hehe, bonus points din yun.
Minsan, ay parang hinihintay niya akong magkamali ng steps. Kahit nasa gilid siya ay alam kong paa ko ang tinitignan niya. At siyempre, hindi ko naman siya binibigo dahil lalo akong nagkakamali kapag alam kong may pumapansin. Tatawa siya bigla, “haha”, at tsaka pa lang titingin sa iba. Parang hindi siya aalis hangga’t hindi ako nagkakamali.
Second year highschool ako nung nagsimula ang aking dancing career kuno. Isinali ako ng adviser ko sa “sayaw sa bangko” na ipepresent sa second quarterly assembly ata. At kaya lang naman ako naisali ay dahil ang isang miyembro nung orig na grupo ay may gagawing iba kaya ako ang naging replacement.
Masaya ang sayaw sa bangko dahil suspense, may thrill na kasama ang bawat step. Baka nga naman mahulog kami sa bangkong sinasayawan namin, kahit isa’t kalahating ruler lang ang taas nito ay nakakakaba pa rin=) Masaya, patalun-talun pa kami at palipat-lipat ng pwesto ng kapartner ko na medyo mahirap buhatin. Pinakamasaya ko na sigurong nasayaw ang sayaw sa bangko.
Sa sobrang galing namin ay inanyayahan kaming sumayaw sa cultural night ng piyesta ng bayan ng bocaue, bulacan. Syempre masaya dahil nagsasayaw kami hindi sa loob ng eskwelahan kundi isang gabi sa may plaza na punong-puno ng mga tao. Ewan ko nga lang kung bakit walang pakain.
Marahil ay nasubukan mo nang magtinikling o carinosa pero paniguradong kaunti lang ang nakasubok na ng sayaw sa bangko (na unique sa katagalugan). Masaya=)
“Kapag nilagyan ng stage, dun kayong apat[kasama ako] sa taas, kapag naman wala, dun kayo sa may harap.”
Mukhang isasama pa rin ako sa spotlight kahit na halos hindi ako naka-attend ng praktis. Tama ang hula mo, na-late ulit ako at hindi ko pa natutunan ang bagong step na idinagdag nila sa routine kaya kabado ako. Mukhang magkakalat ako sa show.
Ang daming tao, standing room ang kalahati ng gym. Madilim ang paligid pero maliwanag ang harap kung saan magsasayaw ang mga magpepresent. Wala nang atrasan, kinakabahan kaming lahat, at ang tanging iniisip ko na lang ay ang bonus points na makukuha ko (na sa tingin ko ay hindi naman kailangan dahil mataas ako sa practicals).
Dumating na nga ang turn namin. Pumasok kami sa harap at bumuo kunwari ng formation na nung una’y alam kong sa harap kami pero napunta sa gitna. Pero hindi naman mahalaga yun dahil nung nagsimula na kaming magsayaw ay unti-unti akong napunta sa bandang likod. Ang daming tao, hindi ko matiyak kung may nakakakilala sa akin, sana wala dahil nangyari ang ikinakatakot ko.
Hindi ako nakasunod dun sa bagong step, hehe. Pitong segundo akong natigilan, nanatiling nakatayo lang habang sila’y patuloy na nagsasayaw. Nakakahiya hehe=) Nakabalik lang ulit ako nung pamilyar na yung steps. At dinaan ko na lang sa todo-ngiti. Lahat naman ata kami ay nagkamali.
Nagtatawanan kaming nag-exit papapuntang backstage. Kanya-kanyang kwento ng pagkakamali. Masaya naman e, lagi namaing sambit. Masaya talaga at ang pagkakamali namin ay nagpadagdag lang sa saya.
Last semester ko kinuha ang tap dancing class, kaya gustuhin ko man ay kaunting dancing terms lang ang nabanggit ko na hindi pa ako sigurado kung tama ang spelling. Walang kasing lecture part, sayaw kagad ang diskarte na maganda. Natuto kaming magtap dancing. Nakakuha ako ng 1.5 na mataas na kumpara sa iba ko pang PE classes dati.
Nakakamiss magsayaw. Parang gusto ko ulit kumuha ng isa pang dancing class next sem. Malay mo baka masali ulit ako sa presentation dahil ang alam ko’y every September yun.
February 22, 2007 » 1123 days ago
Uncategorized
Naguluhan ata yung librarian sa akin. Dalawang minuto ko kasing hinanap ang ID ko. Hinagilap sa magkabilang bulsa ng maluwag na pantalon, inilabas ang walang laman na wallet para tignan doon, ngunit wala. Pinagbubuklat ang hawak na notebook kung baka sakaling naipit ko roon ngunit wala pa rin.
“Sandali lang ha”
Bumalik ako sa aking upuan dahil hindi ko talaga mahanap ang sira-sira kong ID. Tinignan ang bag dahil baka naisilid ko na roon nang hindi man lang namamalayan. Makakalimutin na nga ako, medyo tangengot pa kung maghanap ng mga bagay-bagay. Kinabahan ako dahil baka naiwala ko na ito kahit hindi naman ako umaalis sa Filipiniana section ng Main Library na hindi pwedeng makapasok ang walang ID, kaya paniguradong nasa akin ang ID ko kanina, pero nasaan na?
“Excuse me, i think you left this”
Napatingin ako sa aking likuran at bumungad siya sa aking mga mata. Iniaabot niya sa akin ang nawawala kong ID, at sabay napangiti na lang ako, na hindi ko alam kung dahil ba sa nakita niya ang ID ko o dahil sa nakangiti rin siya sa akin. Iniisip siguro niya na napaka-disorganized ko at pati ID ay iniwawala nang basta-basta.
“Nakita ko dun sa may OPAC terminals, naiwan mo ata”
“Hindi ata, naiwan talaga, hehe. Salamat ha”
Nakakahiya, pero wala naman akong magagawa. Kinuha ko ang ID ko at aakmang babalik na sa may desk ng nag-aantay na librarian nang marinig ko siyang sinabing,
“Arvin, pa-share ng table ah?”
Nagka-goosebumps ako medyo, dahil ewan ko ba pero kakaiba ang ngiti niyang hindi ko napigilang suklian ng ngiti rin. Napatango na lamang ako dahil hindi ako nakapagsalita, baka kapag pinilit ko ay pumiyok pa ako kaya hindi na lang. Dumiretso na ako patungo sa librarian ng bigla akong natigilan,
“(teka, kilala nya ba ko?)”
Kaya siguro ako nagka-goosebumps, dahil hindi ko naman inaasahan na babanggitin niya ang pangalan ko. Nilingon ko siya sa lamesa kung saan iniwan ko ang aking bag. Nandoon siya, nagbabasa ng isang malapad na libro. Maikli ang buhok niyang medyo abot lang ng kanyang balikat.
“(nakita niya siguro sa ID ko)”
Lalo akong nangiti, natutuwa na ako sa kanya. Mukhang mas masaya pa itong research ko kaysa sa inaasahan. Kinuha ko na mula sa librarian ang pinahanap kong libro tungkol sa pinoy rock at ang impluwensya nito sa kulturang Pilipino. Ang hindi lang ako sigurado ay kung makakapagresearch nga ako, ngayong may makakatabi ako.
“Ano yang binabasa mo?”
“eto? me report lang”
“teka, alam mo na’ng pangalan ko. Ako, hindi ko pa alam ang sa ‘yo”
“…”
Kinakausap niya ako nang hindi tumitingin pero kita kong nakangiti siya. Buti na lang, lalo ko tuloy napagmasdang mabuti ang kanyang mukha. Inaantay ko pa rin na sabihin niya ang kanyang pangalan. Gusto ko siyang makilala.
“hmmmmmm? …”
“Antayin mo na lang maiwan ko ang ID ko=)”
Simulan ngayon, ay hindi na ako mag-aalinlangan pumasok ng library.
February 15, 2007 » 1130 days ago
Uncategorized
Kapag nagko-code ako ng programs, lalo na kung mahirap na machine exercise o problem, ay naiisantabi ko ang maraming bagay. Hindi na ako nakakakain, nakakalimutan manood ng paboritong anime, nalilipasan ng antok. Kaya nga laging kong inahahalintulad ang programming with gaming.
Pero merong bagay na mas malakas pa kaysa sa urge na ito.
Iniisip ko siya at kung makikita ko pa kaya siya muli. Hindi ko matapos-tapos ‘tong walang-hiyang ME na ito dahil sa tuwing nag-iisip ako ng maayos na structure ng object references ay laging nauwi sa pag-iisip ko sa kaniya.
Pero parang suko na ako. Hindi ko na siya makikilala, lalo tuloy tumitindi ang pagsisisi ko sa hindi ko pagsasamantala sa pagkakataong nagkaroon ako.
If I gave her my number, would she text me? Would she give me another chance to see her?
I stopped doing the methods of the router program of our packet routing simulator when I had the urge to write about her. An urge that I cannot resist. Dahil yun lang naman ang kaya kong gawin sa ngayon. I could only think about her and how she captivated me.
I want her.
|
|