Libreria

6 Comments » February 22, 2007 » 1122 days ago
Uncategorized

Naguluhan ata yung librarian sa akin. Dalawang minuto ko kasing hinanap ang ID ko. Hinagilap sa magkabilang bulsa ng maluwag na pantalon, inilabas ang walang laman na wallet para tignan doon, ngunit wala. Pinagbubuklat ang hawak na notebook kung baka sakaling naipit ko roon ngunit wala pa rin.

“Sandali lang ha”

Bumalik ako sa aking upuan dahil hindi ko talaga mahanap ang sira-sira kong ID. Tinignan ang bag dahil baka naisilid ko na roon nang hindi man lang namamalayan. Makakalimutin na nga ako, medyo tangengot pa kung maghanap ng mga bagay-bagay. Kinabahan ako dahil baka naiwala ko na ito kahit hindi naman ako umaalis sa Filipiniana section ng Main Library na hindi pwedeng makapasok ang walang ID, kaya paniguradong nasa akin ang ID ko kanina, pero nasaan na?

“Excuse me, i think you left this”

Napatingin ako sa aking likuran at bumungad siya sa aking mga mata. Iniaabot niya sa akin ang nawawala kong ID, at sabay napangiti na lang ako, na hindi ko alam kung dahil ba sa nakita niya ang ID ko o dahil sa nakangiti rin siya sa akin. Iniisip siguro niya na napaka-disorganized ko at pati ID ay iniwawala nang basta-basta.

“Nakita ko dun sa may OPAC terminals, naiwan mo ata”
“Hindi ata, naiwan talaga, hehe. Salamat ha”

Nakakahiya, pero wala naman akong magagawa. Kinuha ko ang ID ko at aakmang babalik na sa may desk ng nag-aantay na librarian nang marinig ko siyang sinabing,

“Arvin, pa-share ng table ah?”

Nagka-goosebumps ako medyo, dahil ewan ko ba pero kakaiba ang ngiti niyang hindi ko napigilang suklian ng ngiti rin. Napatango na lamang ako dahil hindi ako nakapagsalita, baka kapag pinilit ko ay pumiyok pa ako kaya hindi na lang. Dumiretso na ako patungo sa librarian ng bigla akong natigilan,

“(teka, kilala nya ba ko?)”

Kaya siguro ako nagka-goosebumps, dahil hindi ko naman inaasahan na babanggitin niya ang pangalan ko. Nilingon ko siya sa lamesa kung saan iniwan ko ang aking bag. Nandoon siya, nagbabasa ng isang malapad na libro. Maikli ang buhok niyang medyo abot lang ng kanyang balikat.

“(nakita niya siguro sa ID ko)”

Lalo akong nangiti, natutuwa na ako sa kanya. Mukhang mas masaya pa itong research ko kaysa sa inaasahan. Kinuha ko na mula sa librarian ang pinahanap kong libro tungkol sa pinoy rock at ang impluwensya nito sa kulturang Pilipino. Ang hindi lang ako sigurado ay kung makakapagresearch nga ako, ngayong may makakatabi ako.

“Ano yang binabasa mo?”
“eto? me report lang”

“teka, alam mo na’ng pangalan ko. Ako, hindi ko pa alam ang sa ‘yo”
“…”

Kinakausap niya ako nang hindi tumitingin pero kita kong nakangiti siya. Buti na lang, lalo ko tuloy napagmasdang mabuti ang kanyang mukha. Inaantay ko pa rin na sabihin niya ang kanyang pangalan. Gusto ko siyang makilala.

“hmmmmmm? …”
“Antayin mo na lang maiwan ko ang ID ko=)”

Simulan ngayon, ay hindi na ako mag-aalinlangan pumasok ng library.

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
http://sudocode.net
Images by desEXign.