Aksidente

3 Comments » February 26, 2007 » 1119 days ago
Uncategorized

Malinaw pa rin sa aking isipan, ang mga kamay nilang magkahawak. Ang ngiti niyang nawala sa oras nang nakita niya ako sa kanilang harapan. Niloko niya ako, at hindi na mahalaga ang mga dahilan. Nakuha pa niyang lumuha, magpaliwag, ngunit nawala na ang puwang sa aking isipan para intindihin ang mga sinasabi niyang wala nang katuturan. Tumakbo ako, papalayo, ngunit imposibleng takasan ang sarili kong pusong nasugatan. Pinilit kong lumayo ngunit ang namuong sakit ay nananatili sa aking kaloob-looban.

Lumuluha ako sa loob ng aking helmet at ang pag-iyak ko’y tinatabunan ng ingay ng aking motor. Sing bilis ng takbo ko sa kalsada ang mga alaalang lumilipad sa aking isipan, mga larawan ng nasira kong mga pangarap. Pabilis ng pabilis, ang tibok ng puso kong nasaktan. Kadiliman lamang ang nakikita ng aking mga mata, kawalan ang aking patutunguhan.

At bigla-bigla na lamang lumiwanag kasabay ng malakas na ingay na nakabibingi. Ang sakit ng puso ko’y nadama kong kumalat sa aking buong katawan, papunta sa mga kamay, paa ang aking ulunan. Sakit na sobra-sobra na ‘di lumaon ay unti-unting hindi ko na maramdaman. Ang ingay ay biglaang naging nakabibinging katahimikan. Nakatulog na ata ako. Sana nga’y panaginip lang ang lahat ng nangyari ngayon.

“Mama, mama?”
“Tulong! Ambulansya!”

Paulit-ulit ang eksenang nag-uumpisa sa isang panaginip na kapiling siya na natatapos sa bangungot ng kanyang pagkawala. Hindi ko maihiwalay ang totoo sa likha lamang ng aking isipan. Nahihilo ako.

Hindi ko lubusang maimulat ang aking mga mata. Nakakasilaw ang liwanag. Nararamdaman kong muli ang sakit ng kirot sa aking ulo at ang pagkamanhid ng aking mga paa’t hita. Nagising ako sa tusok ng karayom sa aking braso at agos ng likido sa aking ugat. May mahinang boses akong naririnig ngunit hindi ko masyadong maintindihan.

“.. muna… tu og ka… lan…”

At muli na naman akong natungo sa bangungot na hindi ko ninais balikan. Ayoko na. Ayoko nang makita ang kanyang mukha at ayoko na ring maalala. Tama na, gusto ko nang magising.

“… hawiin mo na yung kurtina”
“Ihahanda na po ba yung almusal niya?”

“Antayin mo munang magising. Wala pa bang dumarating?”
“Wala, pero ang alam ko tinawagan na…”

“Bababa na ko, antayin mong magising..”
“Opo”

Hindi naman daw siya lasing, negative din ata sa drugs, inantok lang kaya to? Kung kelan naman kokonti na ang sasakyan sa kalsada tsaka naman sila nagkakabanggaan.

Iba talaga kapag sa ospital nagtatrabaho, sari-saring sitwasyon, iba’t-ibang klaseng tao. Pang-apat na buwan ko na dito at nasasanay na yata ako. Iba talaga kapag government hospital, mas grabe ang mga pasyente kaysa kung nasa private. Buti na lang at hindi ‘to napuruhan, swerte.

Nakakadalawang oras pa lang nung nag-umpisa ang shift ko, nakakapagod na araw na naman ‘to panigurado. Ang tagal naman niyang magising, kung tusuk-tusukin ko kaya ng injection, hehe, ewan ko na lang kung di siya maalimpungatan. Ano kayang una niyang itatanong pagkagising niya, kung “Nasa’n ako, sino ka? Sino ako?” hehe=)

Mas naidilat ko ang mga mata ko ngayon kaysa kanina. Nasa ospital na pala ko. Ang nurse, nakaupo siya sa may bangko sa gilid ng kwarto. Bakit kaya parang nakangiti siya?

“Good morning po, dito po kayo dinala nung nakakita sa aksidente”

Ang sakit ng kanang kamay at parang ang bigat-bigat ng mga paa ko. Masakit pa rin ang ulo ko, ewan kung pisikal o dahil sa kaiisip ko sa kaniya, ayoko na.

“Ok lang po ba kayo? Ako nga pala si… Kayo po, ano pong pangalan niyo?”

Siya pala ang magiging nurse ko, ba’t parang nakita ko na siya dati, o baka may kahawig lang. Bakit kaya niya tinatanong ang pangalan ko. Nagugutom na ko.

“Arvin”
“Arvin?”

“Arvin”
“Arvin ano?”

“Castro”
“Castro? Arvin Castro?”

“Bakit, may kapangalan ba ko?”
“…”

“Bakit?”
“Di mo na ko naaalala?”

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
http://sudocode.net
Images by desEXign.