“ay, ‘no ba yan”
Tumalikwas siya sa pagkakaharap sa kanyang nilulutong barbeque. Medyo napagbalingan kasi siya ng biglaang lakas ng ihip ng hangin na nagpalihis sa direksyon ng aso ng nagbabagang uling sa grill, diretso sa kanyang mayuming mukha.
“ok ka lang, miss?”
“ha? hehe, medyo”
Nakangiti pa niyang sinabi sa akin, na aking lubos na ikinatuwa. Sa dalas ko kasing bumili dito ng barbeque, ay minsan ko lang siyang natsempuhang nakangiti. Pero isang beses ay napansin ko siyang ngumuso nung muntik na siyang mapaso nung kasama niya sa pagluluto. Medyo nakakatuwa rin pero mas nakakatawa.
Kahit nagpapawis siya dahil siguro ay hapon pa lang ay nasa harap na siya ng ihawan ay maganda pa rin ang kanyang mukha, maaliwalas at masarap titigan kahit matagal, hehe.
“uy, kuha ka pa ng sauce”
Salitan niyang pinapaypayan ang uling sa grill at ang kanyang sarili habang binibiling isa-isa at binobrotsa ng sauce ang mga nakatuhog sa stick na laman ng baboy, o barbeque. Haay, kung ok lang ay kukunin ko ang hawak niyang karton na mukhang pinilas lang ata na kalendaryo at ako na ang magpapaypay sa kanya, pero hindi naman ata tama yun. O kaya ay ako na ang hahawak ng bimpo niya para punasan ang kanyang tumatagaktak na pawis imbis na nahihirapan pa siyang kuni’t ibalik ito sa bulsa ng kanyang kulay pulang apron.
Kung hindi lang siya abala sa pagluluto ay paniguradong nahuli na niya ako na nakatitig sa kanya kanina pa. Sori pero parang mas gusto ko pang hindi na lang maluto habambuhay ang inorder kong barbeque para habambuhay ko na rin siyang makikita.
“kaw na naman, kagagaling mo lang dito kanina di ba?”
Nagulat ako sa kaniyang sinabi at dahil na rin tinignan niya ako nang diretso sa mga mata. Natameme ako, dahil ang tanging napansin ko ay ang magaganda niyang mga mata. Ilang segundo rin akong natahimik bago nakabalik sa kamalayan, inaantay niya ata ang sagot ko.
“ha? a e nagustuhan nung mga kapatid ko”
Hindi ko na naisip masyado kung ano ang sasabihin ko. Parang nakalimutan ko na nga ata lahat ng lumabas sa aking bibig. Wala talaga ako sa katinuan kapag kaharap ko siya. Nababaliw na ata ako, naisip ko. Sana talaga hindi niya ako napapansin dahil talagang nakakahiya ‘to.
“Baka naman binebenta mo ‘to, hehe”
Lalo akong natahimik. Binibiro ba niya ako? Hindi ako makapaniwala, pero natutuwa ako. Ewan ko ba, eto na ang pagkakataon ko para makapagkwentuhan sa kanya ngunit nanatiling tikom ang aking bibig.
“Uy joke lang, kaw naman, guilty ka ata e”
Napangiti na lang ulit ako, dahil wala talaga akong masabi, wala akong maisip na sasabihin at kung meron man ay paniguradong hindi ko makakayang sabihin. Ayoko talaga ng nangyayari sa akin kapag kaharap ko ang babaing nagugustuhan ko. Natotorpe ako.
Nangyari na ang ang dapat mangyari, naluto na ang barbeque. Ibinalot niya ito sa dahon ng saging at isinilid sa plastik na sando bag. Naglagay rin siya ng naka-ice candy na suka para gawing sawsawan. Inabot ang aking bayad at ibinigay ito sa cashier na parang ang kanyang nanay. Sabay niyang iniabot ang supot ng barbeque at sukli sa akin. At sa hindi inaasahan ngunit talagang inaasam ay nahawakan ko nang kaunti ang kanyang mga daliri, na sa aking pagtataka ay hindi niya kaagad inalis.
“Balik ka ha?”
Napatingin ako sa kanyang mga matang ubod nang ganda, at ngiting kay tamis. Mainit ang mga daliri niyang unti-unting lumayo sa aking pagkakahawak. Lalong bumilis ang tibok ng aking puso.
“Basta ba ikaw ang magluluto.”