| |
March 29, 2007 » 1086 days ago
Uncategorized
Sensya na ulit, naayos nman b love life mo tpos nun?
D mo nman ako cnusmpa noh? Haha
Hindi naman talaga ako naging mahalaga para sa iyo. Sa iyo’y hindi ako ako, kundi isa sa mga dating kaibigang nabighani sa mga katangian mo. Isa lamang ako sa dinami-daming mga lalaking nakilala ka at nabihag sa lahat ng magagandang bagay na bumubuo sa iyong pagkatao.
Hindi mo naman talaga ako sineryoso, wala ka naman talagang pakialam sa akin, wala naman talagang nangyari sa lahat ng mga pinaggagagawa ko dati para sa iyo na walang kabuluhan [dati siguro meron], puro hangin lang naman ang mga pinagsasasabi ko sa iyo tungkol sa aking nararamdaman.
Isang kalokohan lang naman ang pagmamahal ko para sa iyo, kaya binalewala na lang, isinantabi, hindi inintindi at kung anu-ano pang pamamaraan para malaman kong hindi mo naman kaya itong suklian.
Hindi naman talaga ako naging isang parte ng buhay mo na tulad ng inaakala ko. Malaman mo sanang alam ko na ang lahat ng dapat kong paniwalaan. Masakit talaga ang katotohanan.
Isang malaking biro lang naman talaga ako di ba? Pero sana malaman mong hindi naging biro ang naramdaman ko para sa iyo. Alam ko sa sarili ko na pagmamahal yun. [Muntik na akong maiyak kanina, kung hindi lang sana nandito ang mga tatay ko sa aking likuran ngayo'y baka napaluha na ako]
Hindi mo nga pala kailangang mag-sorry dahil sa tingin ko’y ako lang naman ang gumawa nito sa sarili ko. Hindi naman kita masisisi na maging ikaw. Wala ka naman kasalanan. Ako naman ang laging nagsabi sa iyong kaibigan lang ako, para naman hindi mo ako layuan, nagkamali pala ko.
Pero maaari ba ako humiling sa iyo? Sana’y huwag mo nang ipaalala sa akin ang mga nangyari dati, tuluyan mo na sanang kalimutan ang lahat, kung may natitira pa nga sa mga alaala. Huwag mong idadaan sa biro ang mga ganitong bagay. Lalo na kung ang kausap mo ay ang taong involved. Ang totoo’y posible ngang isumpa kita at hindi yun nakakatawa para sa akin. Minamahal kita nang sobra ‘tas bigla na lang, isusumpa kita? Hindi talaga nakakatawa yun. Mas malaking emotional burden ang idudulot nun at ayoko nang mas pahirapan pa ang sarili ko.
Gusto ko na lang na kalimutan ka o kahit man lang ang nararamdaman ko para sa iyo.
Siguro yun lang talaga ang hinihintay ko. I was just “waiting for you to break my heart” gaya ng sabi ng kanta.
Sure, no prob.
Alam kong masaya ka, ok na ko dun.
Magsilbi sanang itong index sa lahat ng aking mga naisulat na may kinalaman sa iyo, dahil kinukumbinsi ko ang sarili ko na ito na ang huli. Narating ko na ang dulo.
Ikaw ang tinutukoy, kinakausap, pinaglalaanan, dahilan, iniisip ko sa mga sumusunod:
parte ka pa rin ng aking mga tula | uncertainty
hindi ko na ata kaya to | iyong likha
nagdadrama-dramahan na naman | bilbord
naririnig mo ba ako? | maniwala ka sana
sampung taon | ihip | pagtatapos
. . . . . . . . . | sana hindi na lang
magulong kausap | isang tasang kape
Kasama ka sa mga tinutukoy sa mga sumusunod:
isang letra | episodes
Parang kasama ka ata sa mga iniisip ko nung ginawa ko ang:
bilog ang mundo
Salamat sa mga naipadama mo sa akin.
March 27, 2007 » 1088 days ago
Uncategorized
Lumabas na ako ng lobby ng ilang-ilang residence hall, dahil tingin ko’y matagal pa bago magising ang kagrupo ko. Naglalakad na ako sa may driveway nang makita ko siyang paparating mula sa kalsadang Guerero, isang chinitang naka-puting blouse at asul na pantalon, maputi ang balat, buhok na hanggang balikat at may bitbit na isang brown na mailman bag.
Malapad naman ang sinasabi kong driveway, kasya nga ang isang one-way na daanan ng sasakyan [driveway nga di ba?] pero habang papalapit kami sa isa’t-isa’y parang iisa ang tinatahak naming ruta [rawta]. Kumbaga sa isang barko sa laot, spaceship sa kalawakan o dalawang tao sa driveway, nagbabanta ang isang head-on collision.
Sa aking point of view, may likong pakanan mula sa pintuan ng pinanggalingan kong dorm kaya kung pagbabatayan ang “keep right” policy, ay ako ang dapat dumaan sa part na mas malapit sa inner curve nung paliko [yung narrower curve o the edge with a smaller radius], pero sa direksyon niya’y parang gusto niyang buwagin ang prinsipyong itong itinatag ng aking mga pre-school teachers.
But I will not yield, patigasan kami kaya hindi rin ako mag-iiba ng direksiyon. Magkabanggaan na ang magkakabanggaan, hindi niya ako masisindak**note. At nang malapit na kaming magkauntugan ay wala na akong ibang naisip kundi ang huminto. Oo, tumigil ako sa aking kinatatayuan at hinintay ang pagtama ng ulo naming dalawa [pumikit pa nga ata ako]. Pero parang nananadya ata siya.
Dahil huminto rin siya sa paglalakad, kaya kami’y nakatayong magkaharap sa driveway sa harap ng dorm.
excuse me
ekskiiiyuuuuus Me
Aba, matapang. And the confrontation began. Tiningnan ko siya sa mga mata, at bakas ang kanyang kasungitan sa talas ng pagtingin niya sa akin. Hindi ako patatalo, akala niya ata’y kaya niya ako, sinasabi ko sa iyo’y nagkakamali siya.
ikaw dapat ang magparaya.
huh? ikaw dapat ang tumabi no.
at bakit naman?
hindi ka naman diyan nakatira di ba?
pero iskul ko rin ‘to.
pero dorm ko ‘yang nasa likuran mo.
Tama siya, talo ata ako dun. Mas localized ang pagiging dormmate niya sa bahay ng dorm manager. Pero akala niya ata’y panalo na siya sa ganung klaseng argumento.
Hindi ba itinuro sa ‘yo ni Miss Tapia na “Always Keep RIGHT”??
… … …
Haha, hindi ngayon siya nakapagsalita pero mukhang babanat pa ata. Tumataas ang kanyang kilay, bumibilog ang butas ng ilong at nagpapantig na ang mga tenga. Pero halata namang may konting ngiting namumuo sa kanyang mga labi.
O baka hindi mo alam ang kanan?
teka, HINDI mo ba KILALA kung sino AKO???
Napipikon na ata siya, hehe. Hindi ko naman siya gustong mapagalit. Kahit wala pang dalawang minuto ko siyang nakakausap, unti-unti kong nakikita ang tipo kong babae sa kanya, matapang, hindi umaatras sa pakikipagtalo, kahit sino, kahit nga hindi kakilala [tulad ko], hindi nag-aatubiling makipagsumbatan, walang sinasanto [pero huwag naman barumbado]. Ok na rin dahil nakausap ko siya pero baka isumpa na niya ako magpakailan pa man, at ayoko syempre nun.
Hindi nga e… pwede ko bang malaman ang pangalan mo?
Na sinabayan ko pa ng pinakamatamis kong ngiti.
… … …
=)
**Pero siyempre, babae siya kaya ilang segundo bago kami magtama ay tumalikwas ako pakaliwa, na muntik pa nga ako madapa dahil napilipit ang sapatos kong kumapit sa semento [at syempre nasa loob yung paa ko]. Natigilan ako at tinanaw siya habang papasok sa loob ng dorm. Hindi na nga niya nakuhang lumingon pa sa akin, para siguro isipin kong wala siyang pakialam. At nung oras na iyo’y naisip ko kaagad ang kwentong inilahad ko kanina.
Hindi na siguro mahirap malaman kung alin sa dalawang ending ang totoo at alin ang likha lang ng aking imahinasyon.
Ganito ako sumulat ng mga kwento, madalas ang unang ilang talata lang ang totoo at inihahabi ko lang ng ibang katapusan. Maniniwala ka bang hindi ko naman iniisip na ako ang nasa aking mga kwento kahit na parang ganun? Mas madali para sa akin na gamitin ang aking sarili sa aking mga kwento, ang gamitin ang aking mga karanasan, dahil yun lang naman ang meron ako.
Hindi ito isang purong fictional blog. Pero madalas oo. Bihira ang entring purong imahinasyon lamang. May mga entring purong totoo, kapag malungkot yung post, mas malamang na totoo yun. Kapag sobrang galit at malungkot, totoo yun.
Kung itatanong niya sa akin ang tungkol sa isang post at kung paano ko ito ginawa’y pauunlakan ko. Tsaka nga pala next time, hindi ko na lalagayan ng ganitong part ok?
March 23, 2007 » 1092 days ago
Uncategorized
Uy, may bookshop pala dun.
Matagal na kaya yan, ngayon mo lang nakita?
Kakatapos lang ng aming aming klase at ngayo’y papunta kaming sc [shopping center] dahil ililibre niya ako ng ice cream. Sa aming pagalalakad ay nakita niya ang isa sa pinakapaborito niyang lugar, isang bookstore. Mga isang linggo lang simula nang magbukas ang isang tindahan ng second-hand books sa may coop headquarters ata yun. At syempre, hindi niya ito mapapalampas.
tingin tayo ha, ok lang?
sige, tara.
Ang pagkakasabi ko ng tara’y may bahid ng enthusiasm pero ang totoo, hindi naman talaga ako mahilig sa mga fiction books. Ang huling librong binasa ko dahil sa gusto ko lang ay nuong grade three ako. Binasa ko nang buo ang “The Legend of Sleepy Hollow”, “Around the World in 80 Days” at ang paborito ko noon, “The Fool and the Flying Ship” [na mali ata ang title]. At mula noon ay puro na lang scientific books, encyclopedias, references at iba pang non-fictional books ang pinagbabasa ko, hanggang ngayon. Exception siguro ang “Alamat ng Gubat” ni BO, pero maikli lang naman yun.
Hindi lang talaga ako matiyagang magbasa ng mahahabang kwento. O baka dahil hindi pa ako naka-encounter ng libro na nagustuhan ko ang istorya, pero paano naman ako makaka-encounter nun e hindi naman ako nagbabasa.
Nung highshool ay pinagbasa kami ng isang nobela ng english teacher na kinaaasaran ko. Ang ate ko ang bumili ng binasa ko, “The Kiss” ni Danielle Steel at sa buong istorya nito’y naasar lang ako. I thought it was unimaginative for the author to use characters na masyadong predictable at ang story mismo, was too unrealistic. Hindi ako naaliw sa ginawa niya.
Naasar ako dun sa istorya niya na parang itinadhana, one in a billion trillion million at ung notion na “everything will fall at its place”. Naasar talaga ako, at sinabi ko mismo yun dun sa report na pinasa ko. Hindi pwede ang ganung istorya sa isang pessimist realist na katulad ko.
Huwaw!
At siya ang kabaligtaran ko. Hindi ako natutuwa sa mga libro pero ok na rin kapag nakikita ko kung gaano siya kasaya kapag nakakahanap siya ng naggstuhan niya. Ang cute niyang tignan, sobra. Para siyang kinikilig na ewan [na minsan ay nakakahiya para sa mga nakakakita pero kahit na].
Unang beses kong magkaroon ng kakilala na katulad niya.
Nung una’y nakikitingin din ako sa kanya sa mga libro kahit na wala naman akong kilalang author bukod kay bob ong. Pero nung dumami na ang tao’y tumayo na lang ako sa may pinto dahil mahirap magkunwari at nakakasagabal lang ako sa mga gusto talagang tumingin. E apat lang naman ang ata ang pwedeng pumasok sa loob at any given time.
Hindi mo talaga trip ang mga libro no?
Ayoko lang talaga ng fiction
Ilang beses ko na yatang nasabi sa kanya ito. Ito ang dahilan na matagal ko nang pinaniwalaan. Ayoko nang hindi totoo, nang kunwari lang. pero
Ayaw mo ng fiction pero yung blog mo
Hindi ko rin ma-explain ng klaro. Ang blog ko, halo-halong nakaraan, kasalukuyan, totoo, mga pangarap, ang nakalipas, mga inaasahan, minimithi, mga kabiguan. Siguro ang pareho lang sa lahat, lahat ay ginusto kong isulat. Naisip kong magandang isulat para may makabasa, hindi dahil ito ang nararamdaman ko, ang pinaniniwalaan ko, kundi dahil gusto nung idea, yung thought at ninais ko itong isulat.
Paano niya ako mamahalin kung hindi naman niya ako naiintindihanan?
Ako, mahal ko siya kahit hindi ko siya masyadong naiintindihan. Hindi ko alam kung gaano kalayo ang dalawang bagay na yun. Ayaw niya lang talaga sa akin di ba?
March 22, 2007 » 1093 days ago
Uncategorized
Miss! ei, miss! ‘andali lang
Ano na ba ‘tong napasok ko, kanina’y tumitingin-tingin lang ako sa mga malalaking anime wall posters at ngayon, eto, naghahabol na ako sa isang babae na hindi ko naman kakilala.
Uy, ‘wag mo naman mas.. *hingal* yado.. bilisan!
Mukhang sanay na sanay siyang makisiksik sa hindi mahulugang karayom na tao dito sa divisoria. Sobrang hinihingal na ako. Isipin mo, gaano kadaming enerhiya ang kailangan in order to move a 150-pound object to an average speed of about 2 meters per second? At in a constant acceleration-decceleration dahil sa pag-iwas sa mga makukulit na mamimili, malilikot na mga pedicab, nakabalandrang mga tindero’t tindera ng tumpok-tumpok na mansanas, dalanghita, ponkan at ponkanito, naglalako ng alahas, sinturon, sumbrero at mga paper bags? Sinasabi ko sa iyo, mahirap.
Nagsimula ang lahat ng hirap na ito nang naihulog niya ang kanyang pitaka sa isa sa mga pasilyo nitong 168 mall, at paano ko nalaman? Nakita ko kasi, kaya eto ako, tumatakbo, hinahabol siya. Teka, ba’t ba kung anu-ano ang iniisip ko e may mailap na babae pa akong pinipilit maabutan?
Wallet mo miss! Sandaaaliiiii laaaaaang!
Parang sinasadya niya ata na hindi ako pansinin. Halos lahat na ay napatingin sa akin maliban lang siya. Naisip kong baka practical joke lang ito o isang segment ng noypi at oo, ako ito. Kung bakit pinulot ko pa kasi itong wallet niya, teka, matingnan nga ang loob at baka makita ko pa ang kanyang pangalan para aking maitawag sa kanya.
Swerte, may school ID. Uy, intsik pala siya, at, hehe, paano ba bigkasin ‘to? Xiao Wei? Naisip kong wag na lang dahil baka kapag sinigaw ko ito ay magmukha akong nasa isang chinovela, e hindi naman ako mukhang intsik.
Sana naman ay tumigil na siya kahit sandali lang, please Lord. Huminga ako nang malalim, ibinuhos kong lahat ng natitira kong lakas at binilisan ang lakad. Unti-unting lumiit ang distansya sa pagitan naming dalawa. Malapit na ako sa kanya nang bigla na lang siyang tumigil para tumigin sa isang stall ng mga sandals. Ayus, maaabutan ko na rin siya, sa wakas.
Lumapit ako sa kanyang tabi at kinalabit ang kanyang balikat.
Miss, wallet mo.
Tumingin siya sa akin at sa aking iniaabot sa kanya. May bakas ng kaguluhan sa kanyang mga mata, kinapa niya ang kanyang bulsa at sabay napangiti. Napangiti na rin ako dahil sa wakas ay natapos na ang aking hirap. Ngunit kinabahan ako nang bigla niyang itinaas ang isa niyang kamay na parang kakaratehin niya ako. At sa mabilis kong reflexes ay itinaas ko rin ang aking kamay para humandang sanggain ang karate chop o daragon-style fangs of fury kahit wala naman akong alam na pang-counter.
Nagulat na lang ako, o mas naguluhan nang gumawa siya ng mga arm movements na hindi ko naman maintindihan. At bigla akong nagka-goosebumps, pipi pala siya. At kaya pala parang hindi niya ako naririnig kanina ay dahil talagang hindi niya ako naririnig. Na-tense ako, hindi malaman ang gagawin kaya tatalikod na sana ako para umalis nang bigla niyang tinabanan ang braso ko. Sumenyas siya ng “sandali lang” kaya naghintay ako sa kanyang gagawin.
Kinuha niya ang bolpen at tickler notebook na nakastrap sa kanyang leeg at nagsimulang magsulat. At nang matapos siya’y ipinakita niya sa akin ang isinulat niya.
[ Thank you=) ]
Ang cute niyang tignan dahil sa ganda ng kanyang ngiti. Natitigan ko siya nang konti, hehe. Hiningi ko sa kanya ang kanyang notebook para magsulat. Medyo naging awkward dahil kinailangan kong lumapit sa kanya para hindi ko mahila pati ang leeg niya.
[ ok lang, ang hirap mo habulin, hehe ]
Natawa siya sa aking isinulat at lalong gumanda ang kanyang mukha (at medyo weird din ang tawa niya). May isinulat siya ulit pagkatapos at hindi ko inakalang mapapahaba pa pala ang silent conversation namin.
[ Madalas binabato nila ako para tumingin, hehe ]
At nagkaroon ako bigla ng textmate na dalawa ang ibig sabihin.
March 17, 2007 » 1098 days ago
Uncategorized
bilib na ‘ko kapag nirelease nila yung “noontime show”.
“noontime show”? anu yun… kanta din nila?
astig yun, may line dun ano, “gan’to dapat ‘pag banda, ‘pag kanta may epal na artista”.
o? hehe. may kopya ka? parinig naman.
sige, mam’ya…
Kung saan-saan na napunta ang aming usapan. Kanina’y pinagtatalunan namin kung ano ba talaga ang nagdala sa kantang “loveteam” ng itchyworms sa number one spot nitong daily top ten ng myx, kung ang mismong kanta ba o dahil sa binibida nito ang kakilig-kilig na loveteam ng isang chinitang cebuana at bisayang amboy.
Hindi na mabilang ang mga pinagtalunan naming bagay na pasikut-sikot, pabagu-bago, paulit-ulit, tuloy-tuloy na parang isang medli’ng walang katapusan. Yun nga lang, hindi kami kumakanta.
Hindi ko alam kung sino sa aming dalawa ang may kakayahang paikut-ikutin ang istorya hanggang sa humantong kami sa isang panibagong problemang malayo na sa nauna. Pareho ata, pero masaya kami at walang humpay sa hagikgik, tawa, halakhak at ngising hindi mapigil-pigilan.
sila pa rin kaya ang number one?
baka… nagtext ka ba?
hinde ‘no, sayang lang sa load ‘yun.
ang sabihin mo, kuripot ka lang, hehe.
Lagpas nang hatinggabi, nakaupo ako sa may harap ng telebisyon at nanunuod ng isang 24-hour music channel. Ako na lang siguro ang gising sa buong compound namin, na mas maganda, dahil kapag may nakakita sa akin dito’y baka isiping nababaliw na ako.
Nagsasalita, tumatawa, nagagalit, nanunukso, nagdadrama ako sa aking kinauupuan kahit na wala naman akong ibang kasama’t sadyang nag-iisa, pero hindi pa naman ako nasisiraan ng tuktok.
huy, magpapalit na ko ng battery.
huh?!? ang bilis namang maubos niyan.
oo nga e, hehe, sige ha, sandali lang ‘to.
bilisan mo ha… ikaw ang tumawag.
Agad kong inalis ang baterya mula sa aking phone at ipinalit ang isa pang battery na kakacharge ko lang sa cellphone ng kapatid ko. Mabilis maubos ang karga kapag ilang oras ka nang tumatawag at naka-speakerphone mode pa. Dalawang cellphone, dalawang baterya, dalawang charger at unlimited call time ang kailangan ko para sa aming malimit ng pakikipag-usap.
Ito ang aming tambayan, at tanging dito lang kami nagkakasama.
Minsan sa isang linggo, kapag wala kaming pareho klase kinabukasan, ay nagpapaabot kami lagpas hatinggabi kung kailan tulog na ang lahat at pareho na kaming nag-iisa. Sabay naming pinapanood ang mga paborito naming mga banda, sabay kumakanta’t sumusunod sa bawat linyang lumalabas sa baba ng screen at nakikinig sa tugtuging nililikha ng gitara’t drums. Musika ang nagbubuklod sa aming dalawa.
Sa kalaliman ng gabi ay may liwanag na nalilikha ang aming mga kwentuhan. Liwanag na sapat lang para makita namin ang isa’t-isa, kahit hindi namin sukat ang layo sa pagitan naming dalawa. Ito ang aming sariling mundo, na kaming dalawa lang ang tanging nagpapaikot.
Telepono ang naging tulay para sa aming pagpapakilala at tanging mga boses lamang ang bumubuo sa aming katauhan.
Naaasar ako sa mga ganu’n..
sobra naman, anong ginagawa mo?
E’di titignan ko lang sila ‘tas hindi magsasalita, hehe
loko ka, hehe… para kang timang
Kulang na lang ay makita ko ang kanyang mukha. Paminsan-minsan ay ipinipikit ko ang aking mga mata at sinusubukang hubugin ang kanyang anyo sa aking imahinasyon. Itinutugma ko ang pagbanggit niya sa mga salita sa bibig ng babaing aking nalilikha. Kahit hindi ko nakikita’y tumatagos ang bawat ngiti niya sa aking pandinig. Hindi man siya abot ng aking mga kamay, haplos niya’y nadarama pa rin ng aking puso. Hindi ko man siya katabi ngayo’y magkasalo kami sa oras, isip at damdamin.
Alam ko na kung paano umibig ang isang bulag na walang pandama ang buong katawan.
|
|