Sumara na ang pintuan ng elevator at sa nabuong apat na mala-salamin na dingding nito’y makikita mo ang lahat sa sampung sakay nito. Nakita ko siya, naroon sa may likuran, ngunit ang hindi ko nakita ay ang kanyang ngiti. Wala rin ang kislap sa kanyang mga mata at naglaho bigla ang tuwa sa kanyang mukha.
Nakita niya akong nakatingin sa kanya kanina. O baka siya ang nahuli kong sumulyap sa akin, hindi ako sigurado, sana pareho. Hindi rin ako sigurado kung bakit ko ito kinukwento.
“Buti pa ang t-shirt mo, bagay sa ‘yo”
- grin department, stuff toy
Galak niya’y daig pa ang kahit na anong magarang damit at ngiti niya’y walang kasing tamis, mapula man o hindi ang kanyang mga labi.
Siya’y pumapangalawa sa pinakamaganda, at ang una’y siya rin kapag siya’y masaya.
Naaalala ko pa dati, sa may labas ng MH 517. Nakita ko siyang nakaupo’t nakasandal sa dingding. Unang beses kong napansin ang kanyang malarosas na pisnging may bahid ng manipis na kolorete at ang mga labi niyang makintab sa lip gloss. Nakakapanibago.
Sino ba ang iyong dahilan? Sino ang nais mong makakita sa iyong kagandahan?
“Nakita mo ba siya ngayon?”, ang itinanong sa iyo ng kaklase natin noon. Ang tanging narinig ko lang na isinagot mo’y ang iyong nakawiwiling tawa at ngiting hindi ko nasilayan.
Sino siya? Bakit hindi ko siya nakikitang kasama ka? Binabalewala ka ba niya? Hindi ka ba niya pinapansin? Bakit mo ito kinakailangang gawin?
Mahilig akong magtanong kahit alam kong hindi masasagot.











