[mas malinaw kung nabasa mo na ang naunang tatlong minuto]
Meron akong advice sa ‘yo…
huh, advice?
Never, I mean NEVER, sit… beside a body-builder.
ha?? bakit naman?
Isipin mo na lang ang isang body-builder na laging nagpupush-ups ng 20 sets, 16 repetitions each, nagkikipagbunong-braso sa isang 10 pounds na dumbbell, at gumagamit ng isang olympic disc na parang isang ordinaryong frisbee. Naimagine mo na ba? O sasabihin ko pa kung gaano kalaki ang kanilang biceps na tingin ko ay mas epektibong pambukas ng bote ng softdrinks na iipitin mo lang sa kanilang elbow joint at konting pihit ay oks na.
Nang may nakatabi ako minsan sa bus ay dinaig ko pa ang leaning tower of pisa, ang pwet ko ay nasa upuan pero ang balikat ko ay naka-align sa pasilyo. Nagkunwari na lang ako na sinisilip ko ang palabas sa tv na hindi naman nakabukas.
Ano, may nakikita ka bang body-builder?
H’wag ka mag-alala, wala. hehe=)
Dun ka lang sa may harapan, pero hindi rin..
Hindi rin? Safe nga sa harap di ba?
Dun umuupo ang mandurukot para madaling makasibat, hehe.
Talagang lang ha.
Mas dumadalas ang pag-uusap namin sa telepono sa pagdaan ng mga linggo. Ang pagkukwentuhan na sa simula’y ikinukubli sa kalaliman ng gabi ay unti-unting nadadala namin sa liwanag ng araw. Hindi lang dahil sa komportable na kaming makita kami ng iba na babad sa tawagan kundi higit pa roon ay dahil sa pagnanasang marinig ang boses ng isa’t-isa nang mas malimit. Para sa akin ay ganun, sana ay pareho din nang sa kanya.
Kausap ko siya ngayon habang nakasakay ako sa MRT, northbound. Maraming tao, pero medyo tahimik naman. Nasanay na rin ako kapag napagtitinginan ng mga taong nakakasalubong o di kaya’y nakakasabay sa isang public utility vehicle tulad nito. Syempre, salita ako nang salita pero wala naman akong ibang kasama. Tsaka wala rin naman akong pakialam sa kanila e.
Lumalabo ang pananaw ko sa kapaligiran kapag kausap ko siya. Wala na akong pakialam sa iba pang bagay bukod sa teleponong nag-uunay sa aming dalawa. Ang mga boses ng ibang tao, busina ng mga sasakyan at iba pang ingay sa kalsada’y nagkakahalo-halo’t nagiging pinagsama-samang ingay na unti-unting humihina’t naglalaho. Boses niya lang ang aking tanging naririnig.
MRT ka right?
Oo, galing akong eskwela e, pauwi na.
Nasa layasan tayo pareho, hehe.
Saan ka ba pupunta?
… … …
Yun ang tanong na miminsan lang namin napag-usapan, “nasaan ba kami?” Halos isang buwan na kaming magkakilala at sobrang dami na ang aming napag-usapan. Para na rin kaming magkaibigan sa personal nito, pero hindi ako sigurado kung bakit hindi pa sumasagi sa isip naming dalawa na magkita, kahit isang beses. Sa pagkakatanda ko ay parang lagi siyang umiiwas sa tuwing tinatanong ko siya kung nasaan siya, kung saan siya pupunta, kung gusto niya akong makita.
Alam kong pareho kaming nasa Maynila at siguradong madali lang kung magkita kami, pero, parang wala siyang balak na mangyari ang ganuon.
Saan ulit?
A.. wala, may bibilin lang, pangregalo.
Bakit anong meron?
Bakit ayaw niyang sabihin kung saan siya papunta? Bakit parang ayaw niya akong makita? Dahil ako, sobrang ninanais ko nang masilayan ang mukha sa likod ng boses na natututunan kong nang mahalin. Naisip kong baka naghihintay lang siya sa tamang panahon. Tamang panahon? Meron bang tamang panahon? Para sa’n?
Ei, bababa na ako.
Sige, tawag ka na lang ulit.
Bababa na ako sa susunod na MRT station. Pagkatapos ay maglalakad papuntang sakayan ng bus at maghihintay para sa isang provincial bus, uuwi na ako sa amin. Nasaan nga kaya siya?
Binilisan ko ang aking lakad para makasakay ako kaagad at nang matawagan ko siya ulit. Ngunit kalaban ko ata ang kapalaran dahil ang tagal ko nang naghihintay pero wala pa ring dumarating na bus. Medyo kakaunti lang ang tao dito sa may bus stop, at may mga MMDA officers pa sa tabi. Oo, sinusubukan kong i-reason out na ok lang na ilabas ko ang aking phone at subukang tumawag. Gusto ko siyang tawagan at baka mapilit ko pa siyang sabihin kung nasaan siya dahil gusto ko talaga siyang makita.
Hello?
O nakasakay ka na ba?
Hindi pa.
Huh? ba’t ka tumawag?
Ginawa na naman niya ang lagi niyang ginagawa, umiiwas. Ayoko namang magkagalit kami sakaling diretsuhin ko siyang tanungin kung bakit talaga parang wala siyang interes na bigyan ng pagkakataon na magkita kaming dalawa.
Wala pa rin ang hinihintay kong bus, kapag ganitong tanghali ay kakaunti lang talaga ang dumaraan, dahil kaunti rin naman ang sumasakay. Wala masyadong pasahero, pero alam kong lahat ng mga katabi ko ngayong naghihintay ay pareho lang ang bus na inaabangan. Maraming bus pero hindi naman sila ang kailangan ko. Ayoko na, gusto ko nang umuwi.
Tinitignan ko ang mga nakasakay sa mga bus sa pagbabakasakaling kung anong pinaniniwalaan kong tadhana ang pagtagpuin kaming dalawa. Pero hindi ko naman alam ang kanyang itsura kaya hindi rin.
Bigyan mo na lang ng mug, hehe.
Haay, yun yung bigay ko last year.
Nakatigin pa rin ako sa mga nakasakay sa bus nang bigla na lang may natsempuhan akong isang babaeng may telepono sa kanyang tainga. Pero hindi yun ang kumuha ng aking atensyon kundi ang kanyang mga labi. Ang kanyang mga labi, ang mga galaw nito, parang ang babae na aking nalikha dati. Ang galaw ng kanyang mga labi’y sinasambit ng boses na aking naririnig ngayon. Sinasambit niya ang kanyang boses. At natigilan na ako.
Arvin? nakikinig ka ba?
… … …
Nandyan ka pa ba? Hello?
… …
Bakit hindi ako makapagsalita? Gusto ko siyang makita at ito na yun, pero bakit hindi ko maigalaw ang aking mga paa para mapuntahan siya?
Ano itong nararamdaman ko?