Matagal na mula nang huling nailabas ang nakatago naming christmas tree. Sa sobrang tagal na noon ay hindi ko na nga maalala kung kailan at ni hindi na nga ito napag-uusapan ngayon, o kahit noong mga nakarang taon.
Siguro'y kung bubuuin ko ito ngayong pasko ay mas malaki na ako kaysa rito, kung 'di man ay kasing tangkad, kaya hindi ko na kailangang gumamit pa ng silya upang maikabit ang mga tangkay ng plastik na dahon sa kaniyang tuktok. Hindi na rin siguro ako aabutin ng limang hakbang para lang libutin ito habang ikinakabit ang makikinang na pula, berde at puting tali sa paligid nito. Hindi na rin siguro ako magpapatulong pa sa pagkakabit ng mga makukulay na bilog na ornamento't mga pulang foam na mansanas na may kagat na ng mga batang hindi marunong makinig.
At hindi ko na rin siguro kinakailangang tumingala pa, para lang makita ang maliwanag nitong bituin.
Pero kung bubuuin ko man ito'y paniguradong ang mga natitirang dahon ay sapat lang upang matakpan ang hindi hihigit sa kalahati nitong kabuuan at malamang ay hindi rin ito tatayo mag-isa dahil sa pagkakaalala ko'y wala na ang dalawa sa tatlo niyang mga paa.
Mabubuo pa kayang muling ang aming dating Christmas tree?
Madrama ba? hehe. Hindi ko na rin ieeksplika pa kung bakit hindi na kami naglalagay ng christmas tree. Itong entry ay bilang tugon sa tag ni karmi, ang kaisa-isang pinagmumulan ng mga tagged posts sa blog na ito, hehe=) keep them coming! May requirements pang iba yung tag e, pero hindi ko na nagawang sundin pa, sori.


ito po ang Christmas Tree sa bahay namin ngayon. yan din ung Christmas Tree namin last year. pinamana pa sa amin yang ng Lola ko mula nung pumunta kami dito sa America. isa ata kami sa mga unang naglagay ng Christmas Tree dito dahil bago pa lang mag-Thanksgiving, itinayo na ito ng tatay ko. kadalasan kasi, pagtapos ng Thanksgiving saka nila nilalagay ung Christmas Tree nila o kaya naman ilang linggo bago magPasko dahil mga totoong puno ung gamit nila.












