wag mo kasing alagaan.

6 Comments » January 4, 2008 » 806 days ago
blabbers

ilang araw ko ring di pinansin ‘tong nararamdaman ko. mula pa nung Pasko, ganito na. pero di ko ito ininda, di ko binigyang halaga. akala ko eh ilang araw lang ito, pero halos isang linggo na rin pala. ang tagal na rin. wrong timing naman eh. kung kelan naman busy-busyhan ako sa trabaho, saka pa sumabay. saka pa nagkaganito. di ko tuloy alam ang aking gagawin. kung papansinin ko na ba o sasabihin sa sarili ko na wala lang ito.

wala naman akong ibang choice kundi ang hindi ito pansinin. ayoko rin naman. ayoko talaga.

kaso, paggising ko kani-kanina lang, parang nanalo na ata. wala na akong ibang magagawa kundi ang bumigay sa kagustuhan nito. for once daw makinig naman ako sa sinasabi ng aking katawan. sundin kung ano ang nararamdaman. ilang oras lang din akong nakahiga lamang at nagiisip sa kung anong pwedeng mangyari kung matuloy man ito. hindi talaga pwede. kaso, wala na akong magawa. bumigay na ako eh. di na pwedeng bawiin. pwede siguro kaso ako lang din ang mahihirapan.

ang bigat talaga ng mga mata ko, walang ganang kumilos, pero kailangang pumunta ng kusina. andun ung sagot para mawala na itong nararamdaman ko. aking binuksan ang kabinet at binasa ang mga nakasulat sa maliliit na kahon. 2 tabletas kada 6 na oras. yan ang nakalagay na dosage sa labas ng kahon. ininom ko ang gamot sabay lagok ng tubig. hay, medyo bumuti na aking pakiramdam. kaso, wala pa rin akong ganang kumilos, kaya bumalik na lang ako sa kama’t nahiga.

badtrip, ayoko talagang magkasakit. ayaw ko na umiinom ng gamot. AYAW KO! kaso, wala akong magawa. di naman pwedeng umabsent sa trabaho. hay naku naman talaga. ayos sa timing!

ame, uminom ka na ba ng gamot?
opo, ma.
mabuti naman, ayaw mo pa kasi uminom ng gamot nung umpisa eh. yan tuloy lumala.
…….

ate, may sakit ka?
yah think?
wag mo kasing alagaan yan.
alagaan ka dyan. *ubo*

Standing Room Only

10 Comments » January 4, 2008 » 807 days ago
Uncategorized

Pakiramdam ko ay Muñoz na ang labas nito, sa haba ng nilakad ko mula sa may main building ng SM North EDSA para makapag-abang ng masasakyang bus pauwi. Iniiisip kong pakana ang lahat ng ito ng kabilang establisyemento dahil ilang pink signs rin ang nakita kong nagsasabing may maginhawang bus stop raw sa may tabi ng mall na nagpapaalala sa akin ng Zenki, kung saan nagliliwanag ang mga kalsada’t lumilikha ng isang hugis.*

Mainit ang sikat ng araw sa hapong ito kaya sana’y medyo bago-bago ang masakyan kong bus. Swerte naman at maayos nga ang aircon ng dumating na Philippine Corinthian, at may tv pa. Naupo kaagad ako sa may malapit sa unahan at agad tinignan kung anong pelikula naman ang mapapanood ko, na sana ay hindi Godzilla.

Pero naguluhan ako dahil ang nakita kong ipinapalabas ay si Mother Teresa ng Calcutta, habang siya’y may nagpapakain ng mga mahihirap at palaboy-laboy na mga bata. Kakaiba, naisip ko, relihiyosong konduktor naman ‘to, at mukhang boring e isang oras pa naman ang biyahe ko pauwi.

Mabagal siyang naglalakad nang nakahukot nang bigla na lamang nagsimula ang isang tugtog at siya’y umawit, isang musical, naisip ko. Mabagal lang ang musika sa umpisa ngunit bumilis ito nang bumilis at napatitig na lamang ako nang ang uugod-ugod na madre ay bigla na lamang tumakbo, sumayaw, nagpaikot-ikot, nagtatatalon, at nagpatambling-tambling. Hahaha, isang spoof film!

Hindi ko napigilan ang sarili kong tumawa sa komedyang aking napapanood. At namalayan ko na lamang na hindi pala ako nag-iisa sa pagkatuwa sa pinapalabas.

Hindi ko siya napansin nung ako’y naupo. Mukha siyang kasing-edad at malamang ay estudyante ring tulad ko, bagama’t hindi naka-uniporme. Siguro ay dahil sa kanyang bag at dala-dalang case ng malapad na papel, basta, hindi ko alam ang tawag nila dun.

Sabay kaming natatawa sa bawat bitaw ng punchline dahil bentang-benta ang slapstick at mga ironic, practical, at paradoxical jokes. Sa sobrang engganyo sa napapanood ay nagkakasabihan na rin ng kung anu-anong mga side comments, sabay tawa. Ang isang oras na biyahe’y hindi na namalayang lumipas. Nakangiti ako.

At sakto namang natapos ang pelikula pag-ahon sa may expressway exit. Natigil ang tawanan na napalitan ng katahimikan at kawalan ng kibo. Pinatay na rin ang tv at ako naman ang naghahanda nang bumaba.

Nang napansin ko ang kanyang kakaibang katahimikan na parang ‘di mapakali sa kinauupuan. Nakita ko na lamang na iniaayos niya ang kanyang bag at kinabahan ng maramdaman ang kanyang kamay na dumidikit sa aking tagiliran.

Naramdaman kong parang gusto niya akong hawakan, ang mga daliri niyang unti-unting bumabaluktot upang mahagilap ang aking t-shirt na parang hinahanap ang aking katawan. Agad-aagad tuloy akong napatayo sa aking kinauupuan at nakisiksik at dali-daling lumabas pababa ng bus.

Langyang bakla yan, tsatsansingan pa ako.

*Ang EDSA, North Avenue at Quezon Avenue ang mga kalsadang bumubuo ng Triangle North of Makati. Ilang tatsulok pa ay makakabuo na sila ng simbolong pwedeng gamitin sa Shake, Rattle and Roll 11.

Sinearch ko at ang pelikulang aking napanood pala ay ang Naked Gun 33 1/3: The Final Insult (1994) na binibida si Leslie Nielsen. Minsan ay nakakatsempo naman ako ng maganda-gandang panoorin. Nuong isang taon ata ito nangyari at mukhang naisalaysay ko naman ng eksakto sa aking pagkakaalala.

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
http://sudocode.net
Images by desEXign.