Mailap, Marikit

Post Info 11 months ago by komski

Pusa

Marahan ang kanyang mga yapak papalapit sa akin. Mga hakbang na animo’y sinasalo ng hangin, iniaangat ang bawat pagtapak ng mga paa niyang tila hindi na sumasayad sa mabatong sahig. Iniingatan ang kanyang mga daliring mabahiran ng galos at sugat na masakit.

Tahimik ang kanyang mga kilos na hindi namamalayan, nakakubli sa walang kasiguraduhan, lumalakad sa kawalang muwang, nananahan sa espasyong hindi lingid sa kaalaman.

Naririnig ko ang tinig niyang matining na unti-unting kumikiliti sa aking pandinig. Sa oras na iyo’y nakuha na niya ako’t ang buo kong atensyo’y sa kaniya nang lubusang nakatuon, pinakikinggan ang mga matatamis na mga salitang nagmumula sa kanyang mumuting labi. Ang boses niya’y dampi ng mga halik sa aking tenga, mainit at nakahuhumaling, malambot at dahan-dahang inililigid palibot mula sa aking batok, paikot sa pisngi.

Nararamdaman kong papalapit na siya sa akin, sinusuyo ako nang hindi lumalagi sa aking paningin, na lalong nagpapasabik sa paghihintay sa kanyang marahan na pagdating.

Dumaloy ang kuryenteng nagmula sa pagdampi ng kanyang mga daliri sa aking nag-aabang na binti. Pinatibok nitong mabilis ang aking puso, hinahabol ng bawat pintig ang papalayo niyang haplos. Hinihila ako ng bawat bitiw, hinihimok na sumama sa kanyang paggalaw, isinasabay sa ritmo ng kanyang paglakad. Inihahaplos niyang mariin ang kanyang balahibo sa aking balat, ipinadarama sa akin ang kinis ng kanyang kahubdan, inilalandi niya sa akin ang kanyang katawan.

Sinilip ko siyang dahan-dahan mula sa kinahihigaan, iniunat ang aking mga kamay upang mahaplos ang kanyang maamong mukha. At sa paglapit ng aking mga daliri’y dali-dali siyang tumakbo patungo sa kawalan niyang pinanggalingan.

Ang kanyang kagandahang nakahihigit ng buhay ay mailap sa kamay ng isang mortal.

Post a Response Comment icon Posted January 6th, 2008 at 12:43 am

6 Responses to “ Mailap, Marikit ”

  1. karmi

    hi marikit.. :)

    naks, matalinghaga itong post mo ngayon ha.

    matakot ata sau ung pusa tol… ^_^

  2. Noime

    natatakot ako sa mata niya. haha. wala lang. :D

    kuya, sa susunod aso naman ah! hehe. :D

  3. komski kuno

    Ay hmmmm, masculine ang aso e. Magmumukang yaoi to, hehe. Tsaka baka lumabas na horror o suspense, nyaha. Kung puppy kaya, hmmm, sige, tignan ko=)

  4. ignoramous
    ignoramous

    Parang may sugat si marikit sa paa. Galing nitong post na ‘to. Makata ka komski!

  5. maenoodle

    weee!! kyutness ahaha.. love it. kakamis pagiging makata mu waaaa

  6. tina
    tina

    ang pangit naman nung pusa :(

Leave a Reply

Get updates as often as we post! Subscribe to our full feed or comments feed.