Kaunti lang ‘ata ang nabasa niya ngayon ah. Hindi pa niya naabot yung sunod na chapter e maikli lang naman yun.
Muli ko na namang sinilip ang isang makapal na aklat sa isa sa mga estante, pangatlo mula sa mga children’s books, gawing kaliwa. Isang aklat mula sa karamihan na nakahalo sa mga may balot pa at isiningit sa bandang likuran, nakatagong pilit na parang bang iisa lamang ang nakaaalam sa kanyang kinalalagyan.
Haha, siguradong matutuwa yun sa susunod na mababasa niya, marami-raming revelations din ang isiniwalat ng may-akda.
Naaalala ko pa nuong isang buwan, hanggang tanghali lang ang klase kaya naisipan kong dumaan sandali sa National bago umuwi. Lilibutin isa-isa ang mga pasilyong likha ng mga mahahabang estanteng puno ng mga aklat, titingin sa mga librong sunod-sunod na parang may nalalaman. Kukunin ang isa sa mga may magandang cover, makulay na drawing o yung may litrato ng babaeng nakatingin sa nagbabasa. Kung may dadaan ay babasahin pa kunwari ang mga comments sa likod, sabay tango ng kaunti.
Hindi talaga ako nagbabasa ng mga libro. Minsang nakatapos na ako ng isang nobela nuong hayskul ngunit dahil lang naman sa poject ng isa sa mga kinaaasaran kong guro. Hindi ko rin nagustuhan ang istorya at ng pakakakwento ng nobelang iyon na halatang may bahid ng pagkamatay ni Princess Diana. Masyadong idealistic, at sigurado akong hindi maaaring mangyari sa totoong buhay, o dahil lang ba sa hindi ako naniniwala sa tadhana? O dahil ang tadhanang nabasa ko sa nobelang iyon ay likha lamang ng isang hamak na taong katulad ko.
Nasa’n na nga ba ako, malapit ko na ata matapos, ‘to.
Noong nakaraan buwan, habang naglilibot ako sa National na parang interesado ay nasulyapan ko ang isang librong nakasingit sa likod ng mga kapareho nitong may balot pa. Nagtaka ako kung bakit ito nasa likod, gayong ito ang pwedeng buklatin. Lalo akong naging interesado nang mapansin ko ang isang piraso ng papel na nakausli mula dito. Nangiti ako sa aking naisip. Kinuha ko ang libro at binuklat sa pahinang pinagkakaipitan ng isang punit na piraso ng papel na mukhang galing sa isang notebook. Nasa page 17. Gusto kong malaman kung tama nga ang naisip ko.
Bumalik ako makalipas ang dalawang araw. Pinuntahan ang romantic novel shelves at hinanap ang librong dati ko nang natagpuan mula sa kanyang pinagkakataguan. Binuklat sa pahina kung saan nakaipit ang piraso ng papel na hindi maayos ang pagkakapilas mula sa notebook, na may kaunting sulat pa ng bolpen. Tama ang aking hula, may nagbabasa nga nito at nasa page 24 na siya.
Ang mahal-mahal naman kasi ng mga libro, e paano kung hindi mo pala gusto, sayang naman yung pera. Ang dami-dami pa namang librong mapagpipilian, mauubos ang pera mo kung bibilihin mo isa-isa, di ba? Kaya mas magandang basahin mo muna, ‘tas kapag nagustuhan, edi bilin na, hehe.
Mula noon ay minsan sa isang linggo ay tinitignan ko na ang kanyang pagbabasa, sininilip ang pahina kung nasaan na siya. Hindi ko na rin naiwasan na basahin na rin mismo ang libro at unti-unti’y naabuta’t nalagpasan ko na ang parte na kanyang binabasa.
Niye, ba’t ganito naman ang nangyari. Pangit, hehe.
Bakit parang tingin ko ay isa siyang babae, dahil ba sa isa itong nobelang tungkol sa pag-iibigan? Sa nakakapraning na unang pagpapakilala, sa mga masasayang hindi sadyang pagkikita, nakakakilig na mga eksena o baka dahil lang sa ako naman ang may hawak sa tadhana ng sarili kong likhang istorya?
Ito na ang pangalawang nobelang matatapos ko kung nagkataon, at sa ideyang iyon ay bigla na lang pumasok sa aking isipan ang mga mangyayari sa pagtatapos ng kanyang pagbabasa. Matatapos na itong aking ginagawang pakikisawsaw sa kanyang kinahiligang istorya. Mawawala ang ugnayang pang-isahan lang dahil hindi rin naman niya alam na may nakikisabay sa kanyang pagbabasa.
Kaya’t naisip kong mag-iwan ng mensahe sa may dulong pahina, na sana’y mabasa niya.
Tingin ko e hindi dapat namatay yung lalaki sa dulo. Di ba?=)
Sinadya ko pa na maging halatang lalake talaga ang nagsulat para naman magkaideya siya at magreply na “Hoy pare, hindi tayo talo”, o kung baklang naghahanap ng fafa’y sabihing, “Labs na kita, eb tayo 09279346811″. Sana lang babae talaga siya di ba?














