mahal na mahal kita
natigilan ako sa aking ginagawa at napatitig lang sa monitor. tama ba itong nakikita ko? mahal na nya ako? hindi nga? teka, teka, di ba ako nananaginip?
hindi gumagalaw ung paguusap sa chat window namin. iniisip ko kung naghihintay ba sya ng sagot o natigilan din sya dahil hindi rin sya makapaniwala na nailagay nya un. o baka naman nawalan na naman ng internet connection. mahal na mahal kita. grabe. dalawang mahal un. sa ingles eh i love you very much na un. may very na, may much pa. ewan ko na. hanggang ngayo’y nakatitig lang talaga ako sa screen. di malaman ang gagawin.
eh pano yan, mahal na rin kita.
yan ang gusto kong isagot sa kanya. pero di ko alam kung tama ba.
posible nga kayang mahalin mo ang isang taong di mo pa talagang nakikilala ng personal? posible bang magustuhan mo sya ng dahil lang sa kung ano ang nabuong image nya sa utak mo? pwede. posible siguro. dahil sa lagi kayong magkausap, unti-unti mong nalalaman ang ugali nya. ang mga gusto at ayaw. sa inyong pagkukwentuhan, nalalaman mo pati na rin ang kanyang mga pangarap at mga kinatatakutan. unti-unti mo na syang nakikilala. at pwedeng unti-unti mo rin syang mahalin.
gusto ko sya. at alam kong mahal ko na nga sya. kahit di ko pa sya nakikilala ng personal, alam kong totoo ito.
BUZZ!
nagulat ako. oo nga pala, di pa ako nakakasagot sa sinabi nya. di ko na kelangang magisip, dahil alam ko naman ang sagot.
mahal na mahal din kita.


![E[kwento]MO: bawat emo, may kwento.](http://kundiman.net/wp-content/uploads/2008/09/emo-5-small.png)







