2005. Sabado ng hapon. Walang pasok pero lumuwas ako para samahan pauwi ang kaklase ko na unang beses napunta sa aking iskul. Sinundo ko ata siya, yun ata ang tawag dun.
May pinanood kasi silang isang dance performance sa may University Theater, home of the Miss Earth Beauty Pageant at ng STI at AMA Graduation. Ewan ko lang kung bakit ang layo pa ng naging venue ng kanilang event, e ang layo nito mula Taft. Alas tres ang tapos pero pumunta ako doon ng bandang alas-dos, excited kasi. Maaga pa nuon kaya umupo muna ako sa isa sa mga bench sa acad oval, sa may tapat ng Carillon, at naghintay.
Hindi mapagkakamalang may kakaiba sa araw na iyon sa loob ng UP sa tapat ng theater. Nakahilera kasi sa magkabilang panig ng kalsada sa harap nito ang hindi mabilang na kotse, magaganda, magagara, makikintab. May blue, black, yellow, red, white, green. Kakaiba. Kakaiba dahil ngayon lang ako nakakita ng ganuon karaming kotse na sama-sama sa iisang lugar… sa loob ng UP. Nakapagtataka talaga.
Meron ngang dumaan na magsyota na nagjojogging ‘tas biglang lumakad na lang sila nung nasa tapat na nitong eksena. At narinig ko silang pinag-uusapan kung ano nga kaya ang meron. Alam ko, kasi nang tumapat sila sa akin ay tinanong ako nung lalaki kung anu nga bang meron. Sabi ko naman,
Ano, dance ewan… Wala, mga taga-La Salle yan.
Parang naging susi ang aking nabanggit sa pinto patungo sa kalinawagan sa kanilang pag-uusap. Napa-”aaaah” na lang yung lalaki. Nga naman, kaya pala. E mga taga-LaSalle kaya ganyan karami ang mga kotse, na nadaig pa ang dami ng mga dahong nakakalat sa kalsada.
Nakaupo pa rin ako sa may bench nang makita ko sa may malayo ang isang UP police na sakay sa isang mobile patrol motocycle at habang iniisa-isa ang mga kotse. Nuong una’y hindi ko mawari ang kanyang ginagawa ngunit ng malapit-lapit na siya’y nakita ko na ang kanyang sadya. May sinusulat siya sa isang may kulay na papel at pagkatapos ay iniipit ito sa may windshield wiper ng mga kotse. Isinisilid pa nga niya ito sa plastic para hindi mabasa. No parking tickets.
Ang laki-laki naman kasi ng parking lot sa likod. E dito pa sila lahat humilera.
Narinig kong sinabi ng isang lalaking nagbibisikleta na huminto malapit sa akin. Kinausap niya ang pulis na nakarating na halos sa tapat ng aking kinauupuan. Hindi raw ba nila nakita ang mga No Parking signs na nakakabit sa lahat ng poste? O talagang gusto lang nila ibalandra ang marami nilang kotse. E malaki naman daw ang parking lot sa likod. Siguro’y hindi lang nila alam o tinamad lang sila sabi niya.
Ako nama’y walang kaimik-imik na nakaupo at nakikinig sa kanilang pag-uusap. nang bigla na lang niya akong pinagbalingan ng atensyon at ako nama’y nagulat sa kanyang itinanong,
Ikaw, baka meron kang isa dito? Ilipat mo na habang di pa natitiketan.
Nakakabigla. Ako, may kotse??? I wish. E wala nga akong laptop o matinong pc man lang, hindi nagtataxi, at pati dalawam-pisong discount sa pamasahe e nakikipag-giyera para makuha. ‘Tas magkakaroon ako ng kotse bigla? Hmmm, bakit nga naman ba hinde. Kayat dahil lang nga sa aking mabilis na reflexes ay isinaagot ko sa kaniya ang title ng post na ito,
Wala diyan, nasa likod na yung akin.
Natawa ang mga magulang ko nang ikinuwento ko sa kanila ito pagkauwi ko. Bakit ba, hindi naman niya malalaman. Gusto mo idescribe ko pa e, hehe.












