Ang haba!
O ha, pasok na pasok ito para sa kategorya ng Litratong Pinoy sa linggong ito. Pinoy tayo kaya imposibleng hindi mo naranasang tumayo’t maghintay sa likod ng maraming tao, tama, isang pila. May pila para makakuha ka ng class tuwing enrolment, at kahit para mabawasan ka ng subject ay may pila pa rin. May pila bago makapasok sa mall, pila para makapagtry ng damit sa fitting area, at pila na rin kapag bibili ka na. Pila sa Jollibee kapag nagugutom at pila naman sa cr pag nasobrahan pagkatapos. Pila sa sinehan, sa sakayan ng dyip, at sa kung saan-saan pa. Oo,
Habang may buhay, may pila.
Paggising ko pa lang ay may pila kaagad na dapat ako ang mauna, dahil kahit tatlo lang kaming magkakapatid ay nakapila pa rin kami sa iisang banyo. Ang problema, parehong babae ang kapatid ko at (wala nang kokontra) matagal silang maligo. At kailangang bilisan dahil nagsisimula pa lang ang araw at marami pa akong pilang pipilahan.
Sunod ay sa may MRT na pila, ang mother-of-all-pila, na kapag nalampasan mo ito, kakayanin mo na ang kahit na ano pa mang pila na darating sa buhay mo. Sa may North Ave. station ako sumasakay bandang 7.30 ng umaga at sinasabi ko sa iyo, grabe, sa dami ng tao, nasasakop namin yung dalawa sa tatlong lanes ng kalsada ng EDSA. Bakit kamo ito ang pila above all other pila? Kasi naman, sa isang ordinaryong pila ay nasa harap at likod mo lang ang may tao, e sa pila sa MRT, lahat ng direksyon meron! Kaliwa kanan, harap at likod.
At any point in time ay may walong taong nakadikit sa iyo, parang minesweeper. Sige, bilangin mo next time na sumakay ka tuwing rush hour. Nakakabaliw, sa sobrang nakakabaliw, magsasawa ka na sa kabaliwan at magiging ok ka na at pagkatapos nun ay mababaliw ka ulit. Apat ang hagdanan paakyat sa MRT, apat na beses din uulit ang cycle na yan (Results may vary with metabolism).
Pagkababa ko naman sa MRT ay may pila ulit pagsakay ng bus, yung kinuhanan kong litrato sa taas. Korning pila, diretso, maayos, maaliwalas, hindi pwedeng sumingit! Wala kang magagawa kundi i-embrace ang kahabaan ng kapilahan. Maghintay, maghintay at maghintay pang muli.
At pagpasok ko sa building ng opisina para sa aking ojt, ooops, pila pa rin. Pila naman sa elevator. Ayan, sa loob ng unang tatlong oras sa araw-araw ay matinding pilahan na ang sinusuong ko, grabe. Haaay, paano nga naman ba ang mundong walang pila? Pwede ba yun?
Isang mahabang entry para sa isang mahabang bagay para sa lingguhang kategorya. Opsops, pila-pila lang sa comments ha:)




![E[kwento]MO: bawat emo, may kwento.](http://kundiman.net/wp-content/uploads/2008/09/emo-5-small.png)







