sandali na lang.

27 Comments » May 29, 2008 » 402 days ago
LSS, blog update, inlove

bakit nga ba kapag sinabing ’sandali na lang’ eh iyon pa ung parang pinakamatagal na paghihintay? kung kailan malapit na, saka ka pa makakaramdam ng pagkainip. saka mo pa gustong hilahin ang mga araw para di na matagal ang paghihintay. bakit nga kaya ganito? bakit ilang araw na lamang pero pakiramdam ko’y buwan pa din ang tagal? gaano nga ba talaga kasandali kapag sinabing ’sandali na lang’?

ilang sandali pa ang kailangan kong hintayin para lamang makahawak ka ng kamay? ilang araw ang dapat intayin upang maramdaman ang mga yakap mong kasama na sa mga mensaheng iyong pinapadala. nasasabik na talaga akong makasama ka at nang masabi ko na sa iyo ng personal ang aking nadarama. sandali na lang. sa ngayon ay aasa na lang muna ako sa ’sandali na lang’.

hindi ba pwedeng ngayon na?‘, sabi mo. tanong ko rin yan sa aking sarili. bakit nga ba hindi pupwedeng kaagad o ngayon na kita makasama? gaano pa ba katagal ang hihintayin para makapiling ka? ilang blogpost pa ba ang gagawin, ilang direct message pa sa twitter ang mase-send bago kita makasama? hindi ko alam. pero sana malapit na… sana nga totoong sandali na lang…

Sandali Na Lang
-Hale
Sandali na lang
Konting panahon
Aking paghihintay
Na makasama ka
Sandali na lang
At abot tanaw
Panalangin ko
Na makita ka
Naiinip, nasasabik, kasing bilis
Nang isang iglap mahahanap
Sa may ulap
Nagtatanong, nagtataka
Bat wala ka pa
Nakatingala, nakatulala
Pero sabi mo
Sandali na lang
At nandito na
At ang panahon
Ay wala sa ating kamay
Huwag mag alala
Maraming oras pa
Ang nakalaan
Para sa ating dalawa
Sandali na lang

hindi man kita makasama kaagad.
masaya na din ako dahil may ’sandali na lang’. :)

Ihip

27 Comments » May 29, 2008 » 402 days ago
Litratong Pinoy

Ihip

hangin, hangin,
sana ako’y iyong dinggin
umihip ka, huminga ng malalim
patungo sa kanya,
siya’y iyong dalawin.

pisngi niya’y iyong haplusin
para pagbalik mo’y iyong sabihin
ang lambot nito at kinis
na pilit hahanap-hanapin.

hangin, hangin, sa iyong mga kamay
mahimbing mo sana siyang pangarapin
sa alapaap siya’y iyong dalhin
dantayan mo siya ng iyong lambing.

lungkot niya’y iyong tangayin
masayang musika ang iyong tugtugin
himig niya’y iyong isaliw
isayaw mo siya, buong araw aliwin.

hangin, sa kanya’y iyong iparating
ang nilalaman ng aking damdamin
ibulong mo sa kanya ang saloobin
na matagal nang kinikimkim.

hangin sa iyong pagbabalik
huwag kalimutan ang aking bilin
tinig niya’y iyong dalhin
nang siya’y akin ring marinig
boses niya sa akin ay iyong bigkasin.

hangin, hangin, iyong tuparin
kahilingan na makapiling
ang layo’y balewalain
para mapalapit ang aking puso
sa tunay kong mamahalin.

Ito ay ang aking ihip ng hangin entry para sa lingguhang Litratong Pinoy. Ang litrato ay kinuhanan kanina lang, at napagod nga ako diyan e, hehehe. At ang tula naman ay aking isinulat nuong 2005 sa isang post sa parehong pamagat. Para tuloy gusto kong panoorin ang Windstruck mamaya:D

idle time.

16 Comments » May 26, 2008 » 405 days ago
blabbers, blog update

sa loob ng trenta minutos, anong pwede mong gawin? hmmm, pwede kang makapanood ng isang episode ng paborito mong tele-drama, anime, o chinovela. sa loob ng trenta minutos, mga ilang blogs na rin ang mapupuntahan mo. mahaba-habang usapan na ang trenta minutos sa telepono. pwede ka ring umidlip. madaliang ligo. pwede ring umabot sa 30 mins. ang paguusap nyo ng magulang mo lalo na kung nagpapaalam ka para magovernight kasama ang mga barkada mo nung HS. (buti pumayag. ^_^) basta, madami kang pwedeng gawin. sa basketball nga, last 2 mins. madami pang pwedeng mangyari

commercial lang: waaaaaa.. panalo Spurs. 2-1 ano ngayon ang Lakers.. ngenge.

kapag wala akong magawa dito sa trabaho, madalas ay nagi-internet lang ako. check ng email, pasilip-silip sa mga blog pero di ako nakakapagcomment. mahirap na baka mahuli, mawalan pa ng connection itong workstation ko. ayokong mangyari un, pano na lang ako magiging updated sa mga tsismis. kapag naman tinamad na akong magblogsilip, eh kinukuha ko ung sudoku book ko. opo, isa akong sudoku addict, hindi lang masyadong halata. di ko rin alam kung panong nahiligan ko iyon eh di naman ako mahilig sa math lalo na sa pagiisip. i hate numbers, pwera na lang kung tungkol sa pera. mga ilang sudoku puzzles din ang aking nagagawa sa isang buong shift. madalas tinitigil ko agad dahil inaantok ako. nakakantok magsolve ng soduko lalo na’t alas-tres na ng madaling-araw. kapag nagsawa na ako sa mga numero at inaantok na ako, soundtrip naman.

kahit ano patutugtugin ko, wag lang akong makatulog. minsan pa nga’y sinasabayan ko ang pagkanta, keber kung marinig ng bisor. at least gising din sila. mas nakakapagtrabaho din ako ng maayos kapag may ibang tunog maliban sa ingay ng mga servers. napansin ko lang, halos lahat ng mga post na nagagawa ko eh dahil sa mga kanta. mas madali rin kasi sa akin ang makaalala ng mga pangyayari kapag napapakinggan ko ung kanta. mas madali ang flow of ideas (kung meron man).

pero ayoko ng masyadong mahaba ang idle time. ung walang ginagawa dahil mas mabagal ang takbo ng oras. parang forever bago pumatak ang alas-nuebe ng umaga. hmm, ayoko rin naman ng sobrang busy dahil di na ako nakakapaginternet. gusto ko ung tama lang. ung kaya kong pagsabayin ang pagta-trabaho at pagne-net. katulad ngayon. multi-tasking baby. :)

so ano pa nga bang pwedeng gawin sa loob ng trenta minutos? pwedeng-pwede gumawa ng blog post lalo na kapag gahol na sa oras at nagnanakaw lang ng internet sa trabaho. under 30 minutes na post? posible. ^_^

photoblog #10: candygirl

17 Comments » May 23, 2008 » 407 days ago
photoblog

me want candy! :D

Walang hanggang dalampasigan.

27 Comments » May 22, 2008 » 409 days ago
Litratong Pinoy

beach

Arviiiin, may nakita akong hermit crab kanina, kaya lang nakawala e. Nabitawan ko kasi nung lumabas siya sa shell.

Naka-pout ang kanyang mga labi at nangingislap ang mga matang animo’y malapit ng maluha. Para lang isang anime character at oo, ang cute niya. Malayo pa lang ay nakita ko na siyang inaantay akong makalapit sa kanya, pero siyempre kunwari’y hindi ko inaasahan na may sasabihin siya.

Sayang kasi ngayon lang ako nakakita talaga nun…

Eto na, tumigil na siya sa kanyang pagkukwento at hinihintay na niya ang aking sasabihin. Tumingin ako sa may beach at nakita ko ang init na sumisingaw mula sa nakakasilaw na buhangin. Hapon pa naman at kakakakain lang namin ng tanghalian, huling stop bago tumuloy pauwi mula sa educational trip na ito ng aming eskwelahan.

Tumingin ulit ako sa kanya.

Tara, sa’n ba nawala?

Ang lungkot sa kanyang mukha’y biglang napalitan ng saya. Ngiti niya’y naging mas matingkad pa sa araw. Haay, paano ko naman matitiis ang isang katulad niya? E kitang tatlong taon na akong may gusto sa kanya. Kaya kahit pa mababawasan ng ilang units ang hex values ng kulay ng aking balat. Ay niligid namin ang kahabaan ng dalampasigan.

Sa aming paghahanap at napangalanan na namin ang maliit na crustacean na iyon, Fermit the Crab, na ewan ko kung halatang hango sa Kermit the Frog. Siya ata ang nakaisip nun. Malungkot nga lang dahil hindi na namin ito nakita pang muli, o kahit man lang isa sa mga kamag-anak niya, sayang.

Pero masaya pa rin, dahil nakasama ko naman siya sa pamamasyal, sa pagmumulot ng mga kabibe’t mga batong may kulay. At tingin ko naman ay nasiyahan din siya. Hmmm, naaalala pa kaya niya ito?

Ito ang aking tubig entry para sa Litratong Pinoy. Ang litrato any kinunan sa isla ng Corregidor, taong 2004, salamat sa aking kaibigan na siyang kumuha nitong litrato habang nakatalikod kami.

Update (10 mins after): ngayon ko lang naalala na may dalampasigan category sa hulyo, haay, saan naman ako hahanap ng beach sa ganung panahon? Hehe, oh well.

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
Images by desEXign.