Haynaku.

Posted 4 years ago Litratong Pinoy

Hapon ng Sabado, walang pasok. Sobrang init kayat natulog na lang ako sa kwarto dahil nakapanlalata ang init ng panahon. Halos tatlong oras din akong natulog, grabe, paggising ko’y basa na ang suot kong sando dahil hindi kinaya ng bentilador ang init. Ok na sana kung ganun lang, pero ang masaklap, gutom na ako.

Masyado pang maaga para sa hapunan, wala pang nagluluto. Ubos na rin naman ang tinanghalian kaya ala talagang makain. Lalo akong nanlata. Binuksan ko na lang ang PC at naupo. Habang hinihintay ko ang pagboot ng computer ay narinig kong bumukas ang pinto sa may kusina, at nakita kong parating ang nanay ko, at bigla akong napangiti ng todo:)

May dala-dala siyang footlong, binili sa tindahan:D

Grabe, hindi ako nakapagsalita sa tuwa, nangiti na lang talaga ako ng sobra. As in, sakto kasi. Nag-give up na kasi ako nung una, dahil wala talaga, at para bang sundalong natatalo sa giyera at bigla na lang darating ang saklolo, ala Return of the King. Sobrang nagalak ang puso ko.

Yehey!

Natawa ang nanay ko dahil nakita niya kung paanong biglang sumaya ang aking lugmok na mukha.

O hayan, di ba ang swerte-swerte mo na ako nanay mo ano?
Hehehe, oo grabe. Sakto pa naman na nagugutom na ako.

Nagkatawanan pa kaming mag-ina, at pagkatapos ay sinimulan ko nang kainin ang binigay niya. Bumalik naman kaagad siya sa may likod bahay, sa tabasan, upang manahi. Grabe, ang saya talaga.

Nanay

Napag-usapan pa nga namin ang tungkol dito kinagabihan, dahil natuwa talaga ako, pero yun pala, mas natuwa ang nanay ko sa akin, dahil nung pagkabigay niya sa akin nung pagkain ay napag-usapan nila ng tatay ko sa may likod-bahay na,

Tuwang-tuwang tuwa anak mo sa akin. Binili ko kasi ng pagkain. E hindi niya alam, pera niya yung pinambili ko, pati na rin dun para sa ulam natin mamaya. Kinuha ko sa bag niya. Hehehe:)

Ayan, basahin mo na ulit yung title ng post na ito.

Naiwan ko sa bahay yung litrato na dapat ipopost ko kaya eto na lang muna, palitan ko na lang mamaya. nanay ko rin naman yan e, hehehe:D

Pinost ko nga rin pala ang aking malungkot entry, yung una kong naisip pero hindi ko naipost dahil naging mailap ang mga Kim Chiu bus nung isang linggo, hehehe. Ayun, nakuhanan ko na rin siya ng litrato.

‘Wag ka nang malungkot.

Posted 4 years ago Litratong Pinoy

Kim Chiu Bus

Hindi niya makayanang ingiti ang mga labing nakalapat na sa bintana. Nakadungaw sa mundong ginagalawan gamit ang malalamlam na mga mata. Sa hindi sinasadyang sumpa’y mukha niya’y hindi na kailan pa ma’y nilulubayan ng lungkot at pagkabalisa.

Naipon na’ng lahat ng mga luhang hindi matuloy-tuloy sa pag-agos, sa pisnging hindi na muling kakikitaan pa ng siglang nilamon na ng lumbay na hindi matapos-tapos.

Hindi niya mabuklat ang kwadernong naglalaman sa mga salitang nagmula sa itinitibok ng kanyang puso. O anung parusa, dahil ang sarili niyang kamay na hindi maigalaw ang hadlang sa pagbabasa ng mga pahina nito, kaya’t habambuhay na siyang nakatitig, nag-iisip, kung bakit ba tadhana’y siya’y walang-awang nilalaro.

At kung dumating man ang kanyang iniirog, sabihin kung paano. Hindi niya siya malilingon, mahahagkan, at masasabihan na mahal kita, mahal kita, mahal kita sinta ko.

Sinasabi ko sa iyo, hindi kailanman naging pilit ang kanyang lungkot.

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
Images by desEXign.