Isang buwan at kalahating araw pa ang ating hihintayin. Pagmamasdaan ang nag-iisang liwanag sa gabing nababalot ng dilim, sa isang kumpletong paglibot nito paikot sa mundo na siya’ng tanging hadlang natin.
Ang mga yapak niya’y aking iginuguhit sa sahig, isinasabay sa bawat paglapat ng aking mga paa’t itinatabi sa aking piling. Nakikita ko na siyang papalapit sa akin. Natatatanaw ko na ang kanyang ngiting aking nililikha sa hangin, at sa pag-ihip nito’y boses niya ang aking naririnig kasabay ng yakap niyang, o, kay nais damhin.
Kaunti na lang ang panahong ating bibilangin, isang buwan at kalahating araw, at sa wakas ay ika’y akin nang makakapiling.













