Walang hanggang dalampasigan.

Posted almost 4 years ago Litratong Pinoy

beach

Arviiiin, may nakita akong hermit crab kanina, kaya lang nakawala e. Nabitawan ko kasi nung lumabas siya sa shell.

Naka-pout ang kanyang mga labi at nangingislap ang mga matang animo’y malapit ng maluha. Para lang isang anime character at oo, ang cute niya. Malayo pa lang ay nakita ko na siyang inaantay akong makalapit sa kanya, pero siyempre kunwari’y hindi ko inaasahan na may sasabihin siya.

Sayang kasi ngayon lang ako nakakita talaga nun…

Eto na, tumigil na siya sa kanyang pagkukwento at hinihintay na niya ang aking sasabihin. Tumingin ako sa may beach at nakita ko ang init na sumisingaw mula sa nakakasilaw na buhangin. Hapon pa naman at kakakakain lang namin ng tanghalian, huling stop bago tumuloy pauwi mula sa educational trip na ito ng aming eskwelahan.

Tumingin ulit ako sa kanya.

Tara, sa’n ba nawala?

Ang lungkot sa kanyang mukha’y biglang napalitan ng saya. Ngiti niya’y naging mas matingkad pa sa araw. Haay, paano ko naman matitiis ang isang katulad niya? E kitang tatlong taon na akong may gusto sa kanya. Kaya kahit pa mababawasan ng ilang units ang hex values ng kulay ng aking balat. Ay niligid namin ang kahabaan ng dalampasigan.

Sa aming paghahanap at napangalanan na namin ang maliit na crustacean na iyon, Fermit the Crab, na ewan ko kung halatang hango sa Kermit the Frog. Siya ata ang nakaisip nun. Malungkot nga lang dahil hindi na namin ito nakita pang muli, o kahit man lang isa sa mga kamag-anak niya, sayang.

Pero masaya pa rin, dahil nakasama ko naman siya sa pamamasyal, sa pagmumulot ng mga kabibe’t mga batong may kulay. At tingin ko naman ay nasiyahan din siya. Hmmm, naaalala pa kaya niya ito?

Ito ang aking tubig entry para sa Litratong Pinoy. Ang litrato any kinunan sa isla ng Corregidor, taong 2004, salamat sa aking kaibigan na siyang kumuha nitong litrato habang nakatalikod kami.

Update (10 mins after): ngayon ko lang naalala na may dalampasigan category sa hulyo, haay, saan naman ako hahanap ng beach sa ganung panahon? Hehe, oh well.

nitatamad.

Posted almost 4 years ago blog update

pano ba naman ako sisipaging magsulat kung ung naisip kong title nitong post eh nakakatamad na. goodluck naman diba?

tinatamad. busy. laging tulog. chat. twitter. yan ang dahilan kung bakit di ako masyadong nakakapagupdate dito sa idlip at di rin nakakapagbloghop. wala rin naman kasi akong maisulat na matino kaya mejo madalang na ang pagpo-post ko. wala ring interesanteng pangyayari sa buhay ko na kashare-share. walang sense na post. walang ka kwenta-kwenta.

oo nga pala, kung di mo napapansin, bago na ang tagline ng idlip. :) ito na ang official blog ng isang sleep deprived emokid.. haha, pinangatawanan ko na ang pagiging emo kahit na di naman talaga ako ganon. madrama lang ako pero di naman ako emo. itim nga ang kuko ko, pero di talaga ako emo. pramis. ang papangit kasi nung ibang naisip kong pangalan. korny. alang dating. kaya ok na yan. :)

ang kelangan ko na lang ngayon eh matinong theme.

di pa talaga ako makahanap ng theme na gustong-gusto ko. kaya rin siguro ako nitatamad magblog. dati kasi halos linggo-linggo ata ako kung magpalit ng theme, ngayon ala na akong magustuhan. sabi sa akin eh gumawa na lang daw ako ng sarili kong theme. ako? gagawa? hmmm. pwede kaya lang tamad nga ako. kaya sana *ehem* may mabubuting puso dyan na *ehem* kung pwede po eh gawan ako ng theme. *ehem* pls. parang awa nyo na. ililibre ko kayo paguwi ko ng Pinas, pramis! :D

down twitter kahapon. nalungkot ako. twitter na ata ung sumunod dito sa idlip na kapag nagdown ay malulungkot talaga ako. OA ba? hehe. pero totoo. eh kasi naman twitter ang tanging daan para magkausap kami na parang nagte-text lang. tapos magdo-down pa? :( hai. buti na lang at umayos na din. pano na lang kung walang twitter. pano na lang tayo? pano na lang talaga…. OA. lol.

malapit na ang paguwi ko. yahoong-yahoo. EB time. :D sa wakas ay makikilala ko na ng personal ang mga tao sa likod ng mga blog na ilang taon ko ring kinulit-kulit. :) excitingness. sama ka ba? message mo lang ako. ^_^

karmi: sana matuloy ung EB kuya.
masterbetong: dapat matuloy ung EB.
karmi: oo nga. dapat talaga.

ate melai uwi ka na rin sa June! ^_^

aun. super thank you sa mga laging dumadaan dito sa idlip. pasensya na rin kung di ako nakakadalaw sa mga blog ninyo dahil sobrang busy lang talaga. ang hirap ding kumilos kapag ung utak mo eh naka-idle mode na dahil sa sobrang excited sa paguwi. pero sinisigurado ko namang nakakadalaw pa rin ako sa mga bahay nyo. ^_^ salamat ulit.

ito na ba ung last na post ko for May? di pa naman sigurado. pero baka. pwede. bahala na. :) online pa rin naman ako at mangungulit pa rin sa inyo kapag may oras.

waw xung dee*

Posted almost 4 years ago buhay SATown, heart-to-heart

…nagsabihan na kami ng I Do at nangakong magsasama habam-buhay. narinig ko na lamang ang pari na sinabing “I now pronounce you man and wife.” nagkatitigan kami, naglapit ang ulo at hinalikan nya ako. rinig sa buong simbahan ang palakpak ng mga tao. di ko mapigilang mapaiyak habang yakap-yakap ko sya. ito na nga ang pinakahihintay ko. ang makasama ko sya, hanggang sa pagtanda ko. tiningnan nya lang ako sa mata at sinabing wag akong umiyak. pero sobrang emosyonal kasi na di ko talaga mapigilan. masaya ako. sa wakas kasama ko na ang taong pinakamamahal ko….

altar March 18, 2007

ginawa ko yang post na yan last year. feelingera kasi ako na ikakasal ako this year pero syempre hindi na ito matutuloy.

melo: ate, kelangan ko pa ng blahblahblahblah para sa kasal ko. ang dami ko pa ngang babayaran eh. ala na akong pera.
ako: eh tol, sino bang may sabing magpakasal ka?

isang taon ang lumipas matapos kong gawin ang post, sino ba namang magaakalang ikakasal pala ang kapatid ko. sya actually ang dahilan kung bakit kami uuwi ng Pinas sa June. hanggang ngayo’y di pa rin ako makapaniwalang ikakasal na sya — ang paborito kong kapatid, paborito akong awayin at asarin. lalo akong di makapaniwalang mauunahan na nya ako. gara, sana sinabi nya ng maaga para nagpakasal na ako nung huling uwi ko ng Pinas. tsk. wish ko lang hindi totoo ung kasabihan ng matatanda.

mama: ngayon lang ata ako hindi iiyak sa pagalis mo.
ako: hala ma, bat naman kayo iiyak kapag umalis si melo?
mama: eh kasi alam kong may rason kasi kaya ka uuwi.
melo: mama ang drama.
ako: umiyak din ba kayo nung umuwi kaming tatlo?
mama: hindi.
ako: nye paborito talaga. hehehe.

ako: tol, pang-ilang uwi mo na ba ito?
melo: pangatlo ate.

sa tatlong taon naming stay dito sa Amerika, tatlong beses na rin syang umuuwi. tsk. nagagawa nga naman ng pag-ibig.. :)

bukas na ang alis ng kapatid ko. mauuna syang umuwi kesa sa amin dahil sa mga aasikasuhin pa sa kasal. habang tinitingnan ko syang magimpake kagabi, naisip ko na mamimiss ko rin pala ang kapatid ko. mamimiss ko ung panggigising sa akin kahit na 2 oras pa lang ang tulog ko para lang pumunta ng mall. ung pagpasok nya sa kwarto namin para lang mang-asar at manakit (un kasi ang paglalambing nya). ung mga paggastos nya parati tapos eh magrereklamo na wala na daw syang pera. mamimiss ko ung mga “talk” na meron kami tungkol sa kung anu-ano lang na laging napupunta sa lablyp ko. ung pagsasabi nya na ang tange ko talaga nung nakita nya akong umiiyak. ung maarte sa pagkain. mamimiss ko lalo ung kaagaw ko sa banyo. mamimiss ko ung dati dahil pagbalik nya dito, oo nga’t kapatid ko pa rin sya pero may asawa na sya eh. di ko na sya pwedeng awayin ng ganon-ganon na lang. :P

ikakasal na ang kapatid ko. alam ko namang mature na sya para pasukin ang buhay may asawa. alam kong handa na sya. isa lang naman ang wish ko eh, un ay ang maging masaya sila ng asawa nya. :)

at syempre, sana talaga hindi totoo ung kasabihan ng mga matatanda. un lang. hehe.

* – my brother

15

Posted almost 4 years ago pakisuyo post

ito ay isang pakisuyo post ng aking kaibigan dito sa blogospero na si KDR. baka magulat kayo na para sa babae itong post eh. lalake pa rin naman ang aking gusto.. :)

May mga bagay sa mundo na sadyang mahiwaga, kakaiba at hindi maipaliwanag. May mga pagkakataon sa buhay ng tao na darating ang isang pangyayari na hindi inaasahan. At may mga pangyayari naman na may taong darating sa ating buhay para ito’y bigyang kahulugan. Nangyari ito, nang makilala kita.

Nagsimula sa pagkakaibigan. Doon naman talaga nagsisimula ang lahat. Simpleng batian at kumustahan, usapan at tawanan. At mula ng makita kita, lagi ko na agad iniisip ang susunod na pagkakataong muli kitang makakasama. Pagkat hindi sapat ang ilang oras na inilalagi natin. Iba ang pakiramdam tuwing kasama kita. Hindi maipaliwanag na ligaya ang nagpapabilis sa oras natin at pangungulila ang siyang nagpapabagal na muli kang makita ng aking paningin.

Hindi nagtagal, ang mga musikang pinapakinggan mo ay pinapakinggan ko na rin. Ang mga awiting kinakanta mo ay inaawit ko na rin. Ang mga pinapanuod mo ay pinapanood ko na rin. Ang mga paborito mo ay naging paborito ko rin. Ang mga tawanan natin. At ang ngiti mo, mga salita ng labi na walang tunog ngunit nagpapahiwatig na sa kabila ng lahat ay masaya ka, ay napapangiti ako. Sapagkat wala nang mas papantay pa sa pakiramdam na napapasaya mo ang taong mahal mo.

Alam kong may pagkakataong hindi ako naging mabait sayo sa kabila ng pagiging mabuti mo sa akin. Hindi ko man naibabalik ang mga pabor na hinihingi ko sa iyo, pinahahalagahan ko ang lahat ng ginagawa mo para sa atin. Hindi ko man naaabot ang mga bagay ng inaasahan mo sa akin, sinisikap kong higitan pa ang lahat ng iyon. Paumanhin sa lahat ng pagkukulang ko at sa mga hindi magandang salitang nabibitawan ko. Walang kwenta man ako, ikaw lang ang naging dahilan kung bakit may kwenta ang buhay ko. Dahil sayo nagbago ang mundo ko.

At hindi ako magbibitaw ng kahit anong pangako. Dahil may mga bagay na mas mabuting ginagawa kaysa sinasabi.

Malaki ang pasasalamat ko dahil nakilala kita. Kahit hindi mo sadyain, hindi maipaliwanag na saya ang ibinibigay mo sa tuwing magkatabi tayo. Ang dagitab na dulot mo na sumusuot sa aking buto. Sa iyong kanlungan nadama ko ang maging kuntento. At hindi matatawaran ang pagkalingang ibinibigay mo. Maraming maraming salamat sa iyo.

Kung may dahilan man ang lahat ng ito. Kung bakit ako naririto. Kung bakit ako masaya. Kung bakit ako maligaya. Kung bakit makulay ang tingin ko sa paligid. Kung bakit bughaw ang langit. Kung bakit kalmado ang tubig. Kung bakit ramdam ko ang halik ng hangin. Kung bakit ang oras ay matulin. At kung bakit patuloy pa ring pumipintig ang puso kong uhaw sa pag-ibig…

Walang ibang dahilan kundi ikaw.

At wala nang ibang maaaring maging dahilan ng lahat ng ito maliban sayo. Kung ako ang tagapagligtas mo, ikaw naman ang reyna ko.

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
Images by desEXign.