hindi ka talaga makakagawa ng blog entry kung tititigan mo lang ang keyboard.
alas-kwatro na ng madaling araw, andito pa ako sa trabaho. madalas, ganitong oras ako nakakagawa ng mga blog entry. madalas, ganitong oras ako dinadatnan ng ideya. kapag petiks mode na, bubuksan ko na ang notepad at hahayaan kong tumipa ang aking mga daliri sa keyboard. hahayaan kong dumaloy ang mga salita, at di ko mamamalayan, may isa na naman akong entry. pero, napansin ko nitong mga nakaraang linggo, tuwing pumapatak ang alas kwatro ng madaling araw, hindi na ako tinatawag ng kagustuhan kong magsulat. wala nang ideya’t mga salita, wala nang mga kwento. kung bakit ganito ay di ko alam. di ko alam kung anong nangyari.
di na ako makapagsulat. sa tuwing tatangkain kong gumawa ng blog entry, mas madaming beses ko pa atang nagagamit ang ‘backspace’ kesa sa ‘period’. wala, sabaw na ang utak ko. marami akong gustong sabihin, maraming gustong ikwento. pero hindi ko talaga malaman kung bakit parang hirap na hirap akong isulat ito. dati-rati naman, kahit na tungkol saan ay nakakapagsulat ako kaagad, naikukwento ko kaagad. wala pang isang oras ay may blog entry na naman ako. araw-araw akong nakakapagupdate. pero ngayon, dumadaan ang isang araw, minsan pa nga’y dalawa, na di ko man lang maisip magsulat. sobrang writer’s block ba ito, hindi ko alam. unang-una, nagfe-feeling writer lang naman kasi ako. ang alam ko lang, namimiss ko na ung dati.
marami akong pwedeng idahilan — busy sa trabaho, walang oras, laging tulog, tinatamad. pwede ko ring sabihin na dahil ito sa ibang tao na nakasamaan ko ng loob kaya di ako makapagsulat. nakakawalang gana, nakakasawa, nakakapagod. sabi nga ni arvin, magretire na daw ako sa blogging dahil 10 years na daw akong blogger. hindi totoong 10 years na akong nagbo-blog, 8 lang naman, pero ilang beses ko na ring naisipang iwan ang blogosphere. ilang beses binalak gumawa ng goodbye for good na post, pero di ko ito natatapos. dahil na rin siguro, alam ko sa sarili kong hahanap-hanapin ko ang pagsusulat, hahanap-hanapin ko ang pagbo-blog.
kelan mo sisimulang pahalagahan ang isang bagay na gusto mo? kung kelan wala na ito?
halos alas-singko na, hindi ko alam kung may sense ba itong pinaglalagay ko dito. sana, sana di na ako tamarin ulit. lagi kong sinasabi na kung gusto, laging may oras at maraming paraan….
gusto kong ibalik ung dati. at sana ito na ang maging simula. :)