10-second AHT

Add comments May 10, 2009 » 313 days ago
writings

Text mo ko ha?
???

Panigurado akong naguluhan siya dun. Dahil paano naman niya ako itetext e hindi naman niya alam ang number ko. Well… hindi pa. Grabe, ilang linggo na rin mula nung unang beses ko siyang nakausap. Hindi ko na kaya na ganito na lang, na sa bilang ng tatlo.. dalawa.. isa.

Sige babay na.
Oi! ‘Nung sinasabi… mo?

Inapakan ko na ang gas para kumaripas ng takbo ang kotse kahit na parang may sinasabi pa siyang hindi ko na naintindihan. Bahala na. Nakakahiya na ewan. Sana makita niya. Sayang naman kung hindi. Sana. Sana talaga.

— — kinabukasan — —

Nakahiga na naman akong nakatingala sa kisame habang inaalala ang kanyang mukha. Nabasa kaya niya? ‘Yan ang tanong na kagabi pa umiikot sa isip ko’t muntik na akong hindi pinatulog sa buong magdamag habang pilit pinipigilan ang sarili sa paghihintay sa isang bagay na hindi naman ako siguradong darating.

*toot toot*

Para akong nakuryente sa gulat nang marinig kong tumunog ang phone kong pilit hinagilap dahil napailalim na sa mga unan matapos kong magsawang titigan kung may darating na message. Eto na nga. Nakuryente akong muli nang makita ko na number lang ang lumabas sa display. Syet, wala sa phonebook ko yung nagtext. Mukha akong tangeng napangiti habang itinapat ang hinlalaki sa ‘read’ button.

Pero ayoko pa palang buksan.

Paano kung hindi naman siya? Gusto ko pang maramdaman ang tuwa sa pag-iisip na siya nga ang dahilan kung bakit tumunog ang phone ko. Na sa kanya ang unknown number na nakikita ko ngayon na ilang ulit ko nang binabasa na parang kinakabisado na hindi naman. Sa pag-iisip na sa pagbukas ko ng message na ito’y ingingiti ko ang pinakamalaking ngiti na pwedeng ingiti ninuman. Muli kong binasa nang isang beses pa isa-isa ang bawat numero ng number na nakalagay sa display. Adik.

Matapos ang ilang minuto ay diniin ko na rin ang daliri ko para buksan ang mensahe.

Hi? ^-^

Siya nga kaya ito?

Hu u?
Hu u ka dyan. Sbi mo itxt kta >:P
Bkt, nkausap kta?
Oo kya.
Sge nga, anung suot q knina?
Tungaks, sat ngaun. Pa’no kta mkkita e ala kang work.
Call ako, ok lng?
Sge.

Kurutin mo nga ako dahil baka nanaginip lang pala ako mula kanina.

— — — — — —

Ilang linggo na rin ang nakalipas simula nang nakita ko siya. Halos araw-araw ko siyang nakikita at nakakausap sandali at kung susumahin mo ang kabuuang oras na napagsaluhan namin ay makakarating ka sa suma total na… ilang segundo lagpas ng isang minuto. Yun na yun, mga kulang-kulang sampung segundo kada araw. Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito, walo, siyam, sampu.

Ang hindi ko maintindihan e kung paanong nalalaman mo kung nasaan ako.
*serious tone* Hindi ko alam. *pause* Tadhana lang siguro talaga… Ayieee.
Magtigil ka nga!:P

Hindi ko naman talaga inaasahan. Isang buwan na ang nakalipas. Pauwi na ako mula sa trabaho, pagod, at ang tanging iniisip na lang ay ang mahiga sa sofa habang bukas ang tv kahit na hindi naman ako nanonood. Sa NLEX ako dumadaan araw-araw, paluwas at pauwi, at nuong hapon na ‘yon habang nakapila para makapagbayad ng toll fee at nakadungaw sa labas ay napansin ko ang mga bus na isa-isang lumilinya sa iisang terminal booth.

Meron namang mas maigsi pang pila pero halos isa lang ang pinupuntahan nila. Bakit kaya?

Kinabukasan habang muli akong pauwi ay napansin ko na naman na may namumuong pila ng bus, pero sa may kabilang panig naman ngayon ng toll gate, iba sa kahapon. Interesting. At simula nun ay araw-araw ko nang hinahanap, pinapansin, pinupuna kung saan yung pila na yun ng bus na hindi ko naman maisip kung nagkakataon lang talaga o ano. Minsan sa may gitna. Minsan sa gilid. Minsan sa kabilang gilid. Paiba-iba, pero nag-iisang katangi-tanging pila.

Pero nalaman kong hindi lang pala nagkataon ang ganun nang isang araw ay sinubukan kong makipila sa mga bus.

Nakipila ako nang hindi ko alam kung anung dapat asahan o kung may aasahan nga ba. Kung makakalagpas ako’t makakapagbayad, makakatuloy sa pagbabiyahe nang wala man lang makikitang matinong dahilan. Dahilan na hindi ako sigurado kung meron nga ngunit ginusto ko pa ring malaman. Inihanda ko na ang isandaang pambayad. Ibinaba ang bintana at inilabas ang kamay upang iabot sa— Isa.

Hindi ko pa mabitawan nung una ang hawak kong perang papel. Dalawa.

Natigilan ako, nanigas ang kamay at hindi makagalaw. Tatlo. Sinundan ng tingin ng aking mga mata ang kanyang mga kamay, makinis na braso, malambot na leeg, mapupulang labi, at natigil ang aking pagtitig sa kanyang mga mata. Apat. Mga matang bigla na lang sumama ang tingin sa akin dahil sa higpit pagkakahawak ko sa aking pambayad na pinupwersa na niyang hilahin sa aking mga daliri. Lima.

Habang iniintay ang sukli ay napaisip ako, kaya pala. Kaya pala!

Anim. Napangiti na lang ako habang bumaling na siya para iproseso ang bayad ko. Pito. Tumaas na ang harang sa harap ng kotse ko at nagberde na rin ang ilaw. Walo. Iniabot na niya sa akin ang sukli ko nang hindi na lumilingon at napatingin naman ako sa kanyang pisngi. Siyam. Itinaas ko nang muli ang bintana sabay sambit ng “Salamat” sabay apak sa gas. Sampu.

Kaya pala, muli kong naisip. Matagal pa bago nawala ang aking ngiti.

Pero pano mo nga nalalaman kung saan pipila para makita ako?
Sikreto :P

Mula noon ay araw-araw na akong nakikipila sa mga bus na para bang mga tuldok na unti-unting nagdurugtong-dugtong upang makalikha ng linyang bubuo sa palaisipang kailangang lutasin upang makita ko siya na sa ingles ay para bang connect the dots lang. Itinuturo nila kung saan ko siya makikita, na kung minsan ay kailangan ko pang bagalan ang takbo ng sasakyan para bigyan sila ng oras na ituro sa akin kung saan nga ba talaga.

“Hi” at “Hello”, yun lang ang kaya kong sabihin nung una sa kanya. Sinusubukang kunin ang kanyang atensyong sa pagkuha ng bayad at pagsasauli ng sukli lang halos nakatuon maghapon. Sa pangatlong araw naming pagkikita niya ako unang tinignan sa mata, ang saya. Ang tagal ko kaya pinapraktis ang ngiting handog ko sa kanya sa tuwing iniaabot ko ang pera kong sinisigurado ko pang buo, para medyo matagalan siya sa paghahanda ng sukli. Sa wakas ay napansin na niya ako.

Gaano ka na katagal dumadaan sa nlex?
Tagal na rin.
Pero nito lang kita napansin talaga.
Nito lang naman kasi ako nagpapansin:P

Napalitan na ng “Musta?” ang “Hi” at “Hello”, feeling close na. Hindi naman kasi ako uusad kung hindi ako hahakbang, papalapit sa kanya. Hindi aandar ang sasakyan kung ‘di mo aapakan ang gas. At paunti-unti, kahit na hindi lalagpas sa sampung segundo ang aming pagkikita araw-araw at naging sapat naman ang iilang segundo na iyon upang tumatak ako sa kanyang alaala, at siya sa aking puso.

Pero hindi pa rin talaga sapat ang sasampung segundo.

Ang baduy mo ha :P
Ha? bakit, anung ginawa ko?
Isulat daw ba sa pera ang number.
Ba’t ba. Buti nabasa mo.
Pinalitan ko pa nga. Pera ko yung nilagay ko sa kaha, ‘tas tinago ko ‘to.
Tago mo yan ha.

Mga Kahalintulad na Posts



5 Responses to “ 10-second AHT ”

Leave a Reply

XHTML: You can use these tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>

Give your voice a face! This blog uses Gravatars, or thumbnail-sized pictures that's linked up with the email address you use in commenting.

Spam protection by WP Captcha-Free

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
http://sudocode.net
Images by desEXign.