LP: Katapusan at Bagong Simula
December 3 na, pangatlong araw ng huling buwan ng taon. Ilang araw na lang matatapos na ang 2009, ilang araw na lang, mauubos na din ang mga pahinang aking sinusulatan.
Taon-taon, mula noong ako’y High School, araw-araw walang palya, aking sinusulatan ang diary na syang nagsisilbing taguan ng mga sikreto’t kwento. Hindi pwedeng basahin nino man, maliban na lamang kung pahihintulutan, dito’y aking inililipat sa papel ang mga importanteng pangyayari na naganap bawat araw, buong taon. Bawat emosyon, mga maliliit na detalyeng maaaring balik-balikan sa tuwing babasahin ang mga isinulat dito.
Sa nalalapit na pagtatapos ng 2009, dahil malapit nang mapuno ang bawat pahina, ito’y nagsisilbing hudyat upang bumili ng panibagong diary. Diary na pupunuing muli ng mga ala-ala’t kwento ng darating na taon.
Ito ang aking lahok para sa ika-82 linggo ng Litratong Pinoy na may temang Hudyat. Ang litrato ay kuha habang ako’y nasa trabaho. Nabili ko na ang diary na susulatan ko para sa susunod na taon. Bisitahin ang lahok ng iba pang miyembro dito.





