Nabanggit ko sa post ko dati na uuwi ako sa March. Ilang araw na lang, matatapos na ang Enero. Ang susunod na buwan ay 28 days lang. Pagdating ng Marso, 3 araw na lang ang hihintayin ko, aalis na ako. Hindi naman masyadong halatang excited ako ano? Di naman nga masyado. :)
Nasakto ang LP theme ngayong linggo. Balak (plan). Enero pa lang, ang dami ko nang planong gawin sa nalalapit kong paguwi ng Pilipinas. Makikipagkita ako sa mga kaibigan, katrabaho, kamag-anak at kay Arvin. Out of town, concert, gala sa mall, overnight stay sa bahay, birthday, Blogger’s EB, pasyal sa zoo, pagdalaw sa guardian angel ko, at pagsakay sa rollercoaster. Ilan lang yan sa mga plano ko.
Pero, dahil halos isang buwan lang ang bakasyon ko, kaya naman goodluck sa schedule ko.

O diba, araw-araw ang lakad ko. Hehe. Alam kong magiging hectic, exciting at syempre masaya ang nalalapit kong paguwi. :)
Ito ang aking lahok para sa ika-90 linggo ng Litratong Pinoy na may temang Balak(Plan). Kasalukuyan ko pa ring kinokontak ang mga kaklase ko nung elemetary para malaman na kung kelan nila balak magkita-kita. Alamin ang mga balak ng iba pang miyembro dito.
Alas-singko pa lang ng hapon gising na ako. Kulang na naman sa tulog. Badtrip na naman ako.
Nakahiga lang ako at hindi pa bumabangon, nagbabakasakaling makakatulog muli. Baka matapos ang ilang minuto’y dapuan ulit ako ng antok. Pero sawi, nakahiga nga ako’y naglalakbay naman ang diwa ko. Nagugutom na ako, pero maaga pa para kumain. Naiisip ko ung mga lakad kong nakaplano na sa Marso. Nas-stress na naman ako. Minsan parang ayoko na lang isipin, para di na sumakit ang ulo ko.
Tumunog na naman ang tyan ko, kelangan ko nang kumain talaga. Kelangan ko rin ng ibang gagawin para di ako masyadong mag-isip. ung maaaliw ako.
Mina: uy Showtime na?
Gusto kong subukang matulog, pero Showtime na. Manonood na lang muna ako.
At sana makatulog ako ulit mamaya.
Naalala ko pa noon, ang daming mga pangako, mga plano. Sa bawat araw na magkausap tayo’y pareho tayong umaasa’t naghihintay na matupad lahat un. May mababaw tayong plano, tulad ng pagpunta ko sa inyo para makilala ang mga magulang mo, pati na rin ung mga seryoso, nang minsan mo akong tanungin kung saan ko gustong ikasal. Pareho nating binuo ang bawat gusto at pangarap natin. Sinang-ayunan at pareho nating inisip na posible ang lahat. Posible, dahil alam natin na magkakasama din tayo sa huli.
Tulad nga ng sabi nila, lahat ng tao’y nagbabago. Nagising na lang ako isang araw na wala ka na. Dala mong lahat ang mga pangarap at plano natin at tuluyan mo nang binasura. Anung nangyari? Hanggang ngayo’y hindi ko alam kung anung nagawang mali, kung saan nagkulang. Hindi ka lang kasi siguro talaga nakapaghintay. Hindi mo na magawang mangako pang muli na alam mo namang hindi matutupad. Mas maigi nga siguro ang ganito, wala nang aasa, wala nang masasaktan. Umalis ka sa buhay ko ng ganuon na lamang, walang pasabi, walang warning. Hindi mo man lang tinanong kung gusto ko ba ito, hindi mo inalam ang mararamdaman ko. Kung dati-rati’y dalawa tayong nagpaplano, ngayo’y ikaw na lang ang nagpasya ng kung anung mangyayari sa ating dalawa. Sinaktan mo ako, dahil un ang alam mong makakabuti para sa akin. Yun kasi ang makakabuti sa atin.
Ilang buwan ang nakalipas, nalaman kong may bago ka na. Hindi na ako nagulat dahil parang yun lang naman ang nakikita kong dahilan para tapusin ang namamagitan sa atin. Hindi mo na ako nahintay kaya’t naghanap ka na ng ibang makakasama mo ngayon, ung hindi ka na paghihintayin. Ung sigurado na kayo na talaga panghabambuhay. Ung andyan ngayon para sayo.
Naiintindihan ko naman. Naiintindihan ko na ngayon.
Sya ang pinili mo, dahil sya ang nagbigay katuparan sa mga plano at pangarap natin.
Sya kasi ang realidad mo.