Pitong araw na lang, ang layong namamagitan sa ating dalawa ang tuluyan nang mawawala. Muli kitang mayayakap at mahahalikan. Mahahawakang sa wakas ang iyong mga kamay at pangakong hindi ito bibitawan. Maririnig ko na ang iyong tawa, hindi lang galing sa headset kong suot-suot kundi mula mismo sa iyong mga labi na malapit sa aking tenga.
Pitong araw na lang ang hihintayin. Sasandaling panahon na lang un, kumpara noong taon at buwan pa ang binibilang natin. Sasandaling paghihintay na kaya kong tiisin dahil alam kong kapalit nito’y isang buwan na kasiyahang kasama kita.
Pitong araw, isang daan at animnapu’t walong oras. Kung tutuusin ay hindi ko pa kayang bilangin gamit ang aking mga daliri. Napapadalas ang pakikinig ko sa mga kantang nagnanais nang makauwi at makasama ang minamahal. Kasama na sa panaginip ko ang mga lakad natin, kasama man ang mga kaibigan ko o tayong dalawa lang. Gusto ko nang mangyari ang panaginip ko. At alam kong malapit na iyon.
Teka, bakit parang ang drama ko naman. Di tuloy halatang excited na ako.
Dahil pitong araw mula ngayon, makakasama na kita. :)






7 days:D