Apat na araw
Nanaginip ako kagabi,
Na lumilipad daw ang mga tao, at sa kanyang nais ay naiaangat niya ang kanyang katawan mula sa sahig papunta sa kalawakan. Nanaginip ako kagabi, na sa mundong ating tinitirhan ay walang sulok na hindi makakayanang maabot; na ang dito at sa kahit na ano pang maisip mong doon ay matatahak nang walang kahirap-hirap.
Nanaginip ako kagabi, na walang layong hindi mararating; at sa dalawang magkaibang lugar ay oras lang ang siyang namamagitan.
Na mapupuntahan ang kahit na ano pa mang bansa, lalawigan o bayan kung nanaisin mo lamang; Walang balakid na bundok, burol, lawa o karagatan sa paglalakbay. Nanaginip ako kagabi,
sa aking kahilingang makasama kang muli.
At sa unang pagkakatao’y nadama kong humihiwalay ang mga paa ko mula sa lupang aking kinatatayuan, sa mundong kinukulong tayo sa magkahiwalay at magkalayong lugar. Nanaginip akong lumilipad akong nakapikit, dahil gusto kong mamulat ako sa mukha mong nakangiting sumasalubong sa aking pagdating. Nanaginip ako kagabi,
at ngayong paggising ko’y tutuparin mo na ang aking panaginip.




