Matulog ka lang mahal ko.

Posted almost 2 years ago inlove, writings

Sa sobrang lamig dito sa loob ng bus ay aakalain mong umuulan sa labas. Malapit nang gumabi at nagsisimula nang dumilim ang kalangitan ngunit hindi ang ating kapaligiran dahil unti-unti na ring nagliliwanag ang mga gusali sa kahabaan ng EDSA. Mag-iisang oras na tayo sa biyahe ngunit malayo pa rin sa bababaan.

Yakap mo ang aking kamay nang mahigpit, ngunit ‘di sing higpit nung nakasakay tayo sa Anchor’s Away kaninang hapon. Panigurado’y kabaligtaran din dahil ang naging tibok na ating mga puso kanina’y naghahabulang parang mga bump cars sa Dodgem at pasirku-sirkong hindi na malaman ang itaas sa ibaba na parang Space Shuttle, pero hindi ngayon. Tahimik. Sumandal ka lang sa balikat ko.

Naramdaman kong nakatulog ka na dahil lumuwag ang pagkakahawak mo sa aking mga kamay na itinaas ko para hindi ka magising na ngawit at siyempre, para na rin mahaplos ko ang iyong mga pisngi. Mahimbing ang naging tulog mo dahil na rin siguro sa kapaguran. Kahit nakapikit ka’y ninais ko pa ring titigan ang mga mata mo at nangiti nang idantay mo ang iyong pinsgi sa likod ng palad ng kamay kong nananatili pa ring nakahawak sa kamay mo.

Hinawi ko ang iyong buhok at muli ay hinalikan kita sa mga labi habang nananaginip ka.

Leave a Reply

XHTML: You can use these tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>

Give your voice a face! This blog uses Gravatars, or thumbnail-sized pictures that's linked up with the email address you use in commenting.

Spam protection by WP Captcha-Free

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
Images by desEXign.