Paano ko naman ba makakalimutan ang araw na iyon. Hanggang ngayo’y di ko mapigilang mangiti sa tuwing maaalala ko ang iyong mukha. Kung paanong tinitigan mo ako ng napakatagal bago ka nakapagsalita. Hanggang ngayo’y sariwa pa rin ang kilig, ang mabilis na pintig ng puso ko. Sariwa pa ang pakiramdam na hawak mo ang aking mga kamay. Apat na buwan na ang nakalipas pero sariwa pa rin bawat ala-ala.
Ang pagkakatabi natin sa bus, pagshe-share sa iisang plato’t kubyertos. Ang pagkilala sa’yo ng aking mga kaibigan at pamilya. Ang mga yakap mong mahigpit habang iyong ibinubulong mong ako’y mahal mo. Ipinipikit ko na lamang ang aking mga mata para maalala ang pakiramdam, para kahit na malayo ako’y maramdaman pa rin kita. Ang bawat sandali na ika’y kakulitan, katawanan, mga nakaw na halik habang tayo’y nasa bus o tricycle. Ang pagtitig mo sa akin pagtapos mo akong halikan.
Kasama ng saya’y may kaunting kalungkutan din akong nadarama. Lalo kitang gusto nang muling makasama sa bawat litratong aking nakikita. Kung pupwede lamang na makasama na kita ngayon, susunduin kita sa UP at muli kong makikita ng personal ang ngiti mo sa iyong mukha. Ok lang na ako’y maligaw, basta’t alam kong makakasama naman kita. Pero dahil alam ko namang hindi ito maaaring mangyari, masaya na akong tumingin na lamang sa mga litrato natin.
Mga litrato. Mga ala-alang nakunan sa pamamagitan ng camera. May stolen, may sobrang ngiti, meron din naman yakap kita ng mahigpit sa leeg. Hindi ko pa rin mapigilang hindi mangiti. Ramdam ko kasi sa bawat litrato ang saya nating dalawa. Kahit dun sa litrato natin, araw na ako’y paalis na.
Ang litratong ito ang huli nating litratong magkasama, taong 2010. Kitang hindi halata na magkakahiwalay ng matagal ano? Hehe. Alam kong sa susunod na makikita ko ang litratong ito na may sulat sa likod e katabi na kita ngayon at sinasabi ko, “Ang galing ano, na-predict ko yung future.” Hehe. Sabay hahalikan mo ko. :)
– Arvin
Hihintayin ko ang kinabukasang kasama ka. At pangako, mas madami pa tayong litrato na magkasama.





