Gusto kong matutong magdrive
5 years ago, nag-enroll ako kasabay ng kapatid kong lalake sa driving school. Kung sa Pilipinas kasi, hindi naman talaga kailangang matutong magmaneho, dito sa America, dapat. Wala kasing jeepney dito na maya’t maya ay may dumaraan at wala ring MRT o LRT na maituturing kong isang "adventure" kung sasakyan mo ito. May mga bus, oo, pero kada kalahating oras o isang oras ang dating kaya pahirapan sa paghihintay. Isipin mo na lang, kailangan mong isa-alang-alang ang schedule ng bus sa tuwing aalis ka, at may designated bus stop pa kung saan ka pwedeng bumaba. Hindi pupwedeng pumara ka na lang kung saan-saan. Kaya naman nakita ko talaga ang rason kung bakit kailangan mo ng sariling sasakyan.
Nag-enroll ako 5 years ago, pero hindi ko natapos ang session. Nakakuha ako ng permit, pero hindi ako nakapag-actual driving. Nagsimula na din kasi akong magtrabaho noon, at hindi ko na naasikaso pa dala na din ng schedule ko sa trabaho. Ginawa kong dahilan ang trabaho ko, pero ang totoo nyan, natatakot akong magmaneho. Kabado akong magmaneho. Yun nga lang sa driving arcade games eh hindi ko na mapaandar ng maayos ang sasakyan ko, ano pa kaya sa totoong buhay. Madalas akong mabangga at ma-wrong way sa Mario Kart DS, kaya natatakot akong baka mangyari din yun kapag nagmaneho na ako. Sa loob ng limang taon kong pagtira dito sa Amerika, naging kumportable na ako sa paghihintay at pagsakay ng bus. Pero alam kong darating pa rin ang panahon na kailangan kong matutong magmaneho.
Noong Biyernes, nag-exam akong muli para makakuha ng permit. Kasabay ko na ngayon ang aking nakababatang kapatid na babae. Pinangako ko din kasi noon isang taon na sabay kaming mag-aaral. Pumasa na ako sa exam (na sobrang kinatuwa ko), ngayon nama’y kinakailangan ko nang magpa-schedule para sa actual driving ko. This is it. Wala nang atrasan. Kelangan ko nang i-kundisyon ang sarili ko. Sana wala akong mabanggang tao o bagay o kotse. Sana hindi ma-highblood at ma-stress sa akin ung instructor. Sana mapaandar ko ung sasakyan. Hay. Iniisip ko na lang, kapag marunong na akong magmaneho, maaga na akong makakauwi at hindi na ako muli pang maiiwan ng bus. Makakagala na din ako. Happy thoughts. Pupunuiin ko na lang ng positive vibes ang utak ko.
Tugtug. Tugtug.
Ngayong darating na Sabado na ako magsisimula. Nakapagbayad na ako. Anakngtukneneng. Goodluck sa akin. Hehe.




