dobol-job

dobol job

Posted blabbers

Anung petsa na, hindi pa din tumatawag Barnes and Noble sa akin.

Noong isang linggo, nagapply ako ng part-time job sa Barnes and Noble. Naisip ko, mahilig din naman ako sa libro, bakit hindi ako magtrabaho sa lugar na napapaligiran ako nito. Kaya naman paglabas ko ng trabaho’y dumiretso ako doon. Sakto din, kailangan kong bumili ng ballpen at pencil case.

“Naghihirap na ba talaga ang anak ko?” Yan ang tanong sa kin ng nanay ko nang malaman nyang magaapply ako ng parttime job. Hindi naman ako naghihirap, medyo lang. Kailangan ko lang ng extrang pera at panibagong trabaho na magiging masaya ako. Mahal ko pa din naman ang trabaho ko, medyo nagsasawa lang ako minsan. Wala kasing makausap madalas. Dahil hindi naman ako masyadong pagod paguwi ko ng bahay, pwedeng-pwede akong magdouble-job. Pambayad din un ng sasakyan.

Ilang araw na ang lumipas, hindi pa din tumatawag ang Barnes and Noble. Sabi nung manager sa akin, ico-consider daw ako for part-time. Sana hindi sya nagsisinungaling. Baka nga matagal lang talaga ang pagba-background check. Hay, sana talaga tawagan ako.

Sana.

photoblog #24: planner

Posted photoblog

Sa loob ng sampung taon na pagsusulat ko sa aking organizer/diary/planner, ngayong taon lang ata ako hindi nakuntento sa kung anung planner ang gagamitin ko. May nabili akong Listography planner pero di ko nagustuhan ung pagsusulatan. Masyadong maliit ang space, hindi un pupwede sa akin dahil nobela ako kung magsulat ng mga nangyayari sa akin sa araw-araw. Kaya bumili ulit ako ng planner na buti na lamang eh 50% off na dahil siguro ilang araw na lang eh 2011 na. Mas malaki ang spaces nito at sobrang laki din na parang textbook na ang dala ko. Pero pagdating ng unang araw ng 2011, nung sinusulatan ko na ung planner, narealize ko na soooobrang laki naman ng space na susulatan. Nalula ko. Ang ending, ung Listography planner ko na din ang ginamit ko. Dahil maliit naman akong magsulat, nagkasya naman ang nobelang entry ko sa kakapiranggot na espasyong nakalaan kada araw.

Sabi nga nila, everything happens for a reason, kaya may dahilan kung bakit hindi ako makuntento sa iisang planner langngayong taon. Dahil darating pala ito sa buhay ko.

Sa wakas, nagkaroon din ako ng Starbucks Planner. Kung bakit kasi sa Pilipinas lang may ganyan, bakit wala dito sa States. Boo. Oh well, eto na ang planner ko, libre pa. Salamat talaga sa pinsan ko na ilang frappucino ata ang inubos bago nya nakuha ito. Sobrang saya lang. Ngayon nga’y medyo masakit pa ang daliri ko dahil sinulatan ko ung planner ko mula nung Jan. 1. Buti na lang 21 days pa lang ang nakakalipas. Salamat din sa kaibigan ko na syang nagdala nitong planner mula Pinas. Hay, sobrang saya. Parang Pasko at birthday ko ulit. Nawala din ung sama ng pakiramdam ko dahil dito. Ganun kasaya.

Ngayon ko lang narealize na sobrang babaw ko pala talaga. Mga simpleng bagay lang naman kasi talaga ang nagpapasaya sa akin. Hehe.

May mga coupon nga palang kasama ‘tong planner. Magamit nga paguwi ko ng Pinas.

photoblog #23: kwarto

Posted photoblog

Nagayos na naman ako ng kwarto kanina. Hiniwalay ko na ung mga DVDs ko saka libro. Matapos ang halos dalawang oras na pagaayos, heto na ngayon ang itsura nya.

Magulo pa din daw sabi ng tatay ko, pero maayos na yan para sa akin, mas maayos na kesa dati. At para naman mahaba-haba ang post ko, iisa-isahin ko ung mga gamit na makikita sa kwarto ko. :)

1. Beatles “Abbey Road” poster. Nabili ko sa FYE. Talagang inalis ko lahat ng mga nakalagay sa dingding ko para lang sa poster na yan. Kung di pa din halata, mahal ko ang Beatles.

2. Computer desk. Maliban sa kama ko, ito na ata ang pinakalagi kong ginagamit na area sa buong kwarto ko. Andito ang computer, tas patungan din ng mga gamit. Kakalinis ko lang nyan kaya walang laman ung ibabaw, pero pagtagal, hindi mo na makikita ung monitor sa dami ng kalat.

3. CD/DVD Racks. Oo, racks, dahil tatlo yang lalagyan ko. Dalawa para sa mga DVDs ko at isa naman para sa CDs. Kapag nakakita ako ng iisang shelf lang na maliit pero kasya lahat ng CD at DVD ko, bibili ako nun. Sa ngayon, ok na muna yan.

4. Bookshelf. Mahilig akong magbasa. Dati, buwan-buwan kung bumili ako ng libro, ngayon hindi na masyado. Natetempt akong bumili ng e-book reader, pero ayoko. May part pa din sa akin na gusto ung amoy ng libro eh. Pero kung may magreregalo sa akin, tatanggapin ko naman.

5. Photo collage. Ginawa ko yan 5 years ago. Kinuha ko lahat ng litrato ko na kasama ang mga kaibigan at pamilya at viola, isang photo collage. Sa tuwing tumitingin ako dyan, naaalala ko kung gaano ako kapayat dati. Pati na din mga masasayang memories na kasama ang mga kaibigan ko.

6. Bag. Depende kung anung feel kong gamitin na bag sa araw na un, kaya paiba-iba ung nilalagay ko sa sulok na yan.

7.A-7.B. Stuff toys. Sabi ng tatay ko, di na daw ako tumanda dahil sa dami ng laruan ko. May isang bin pa nga ako pero di na nakuha sa camera.

8. iHome. Madalas eh nagiging charging station yan ng mga iPod naming magkakapatid. Kapag trip kong magpatugtog habang nagaayos ng kwarto, ayan ang ginagamit ko. Late nga lang lagi ng 2 minutes ung orasan kahit ilang beses ko nang itinama ung oras.

9.A-9.B. Pictures namin ni Arvin. Isa sa mga natanggal (nung kinabit ko ung Beatles poster) eh ung picture namin Arvin. Ok na din naman ung pwesto nya ngayon, eye-level ko na, kaya lagi ko pa ding nakikita.

10. Yoga mat. Nagtry akong magyoga pero sumakit lang katawan ko.

11. Hello Kitty Lunchbox. Ginagamit ko kapag kailangan kong magtipid.

(repost from heymimay)

sugarfree

sugarfree

Posted writings

Normal na sa akin ang magising ng alas-tres o alas-kwatro ng umaga at magbasa ng mga text messages at twitter updates. Kadalasan, bino-browse ko lang ung updates, pero iba ngayong araw. Alas-tres y medya ng madaling-araw, gusto kong maiyak dahil sa nabasa ko.

Ito na ata ang pinakamalungkot na tweet na nabasa ko. Aalis na si Ebe sa Sugarfree. Hindi ko ito inasahan. Parang ang hirap tanggapin. Tipong, hindi pwedeng mangyari? Tas nabasa ko ung tweet. Naalala kong kapapanood ko lang pala ng Inception kagabi. Baka nananaginip lang ako. Paggising ko bukas, okay pa din ang lahat. Pero mali ako. Gising pala talaga ako nung nabasa ko ung tweet ni Ebe.

Nakakalungkot lang na ung tanging banda na minahal ko talaga eh mawawalang miyembro. Ilan sa mga naisulat kong entry dito sa kundiman ay mga kanta nila ang naging inspirasyon. Wag Ka Nang Umiyak, Huling Gabi, Kwarto, Sinta. Kahit mga lugar, tulad ng Dencios at NAIA ay nagawan ko ng entry dahil sa kanila. Sugarfree lang ang tanging bandang minahal ko dahil sa mga kanta nila. May puso. Sapul para sa akin. Parang kahit buong araw kong pakinggan mga kanta nila, hindi ako magsasawa. Actually, ung Dramachine at Mornings and Airports ang nasa sasakyan ko ngayon. Nagpapalitan lang silang dalawa, kasama nina Bruno Mars at Yeng Constantino.

Taong 2005 nung mapanood ko sila ng Live. Nasa Megamall kami ng mga kaibigan ko, kabibili ko lang ng Dramachine na album, habang pinapakinggan kong kumanta si Ebe. Maswerte akong mapanood sila ng live bago kami umalis ng Pilipinas ng taong un. 2006, umuwi ulit ako ng Pilipinas, binili ko ungĀ  Sa Wakas. Bigay ng ex ko ung Tala-Arawan. Ung Sugarfree Live, regalo sa akin ng bestfriend ko. Mornings and Airports naman ung regalo ng boyfriend ko. Sayang lang na hindi ako nagkaroon ng chance na mapanood sila sa 70′s Bistro eh kitang sa kanto lang un ng street namin sa Proj. 2 dati. Last gigs na din nila as a group ngayong February, di na naman ako makakapanood. Nakakalungkot.

Teka, sobrang lumabas ung pagkafan girl ko. Sensya. Hehe. Ganyan ko lang talaga kamahal ang Sugarfree.

Wala naman nang ibang magagawa sa ngayon kundi ang tanggapin ang nangyari. Kung magsosolo man si Ebe, susuportahan ko pa din sya, kasabay ng suportang patuloy kong ibibigay sa Sugarfree. In denial pa din ako hanggang ngayon. Ang hirap lang.

Salamat Ebe. Salamat sa Mornings and Airports na kanta, sinasabi ko sa sarili ko na kanta ko un. Mukhang matutuloy na ang paggawa ko ng entry tungkol dun. Salamat sa Sinta, natuto akong pahalagahan ang ngayon, at wag masyadong magalala sa hinaharap at kalimutan na ang nakaraan. Kwarto ang syang kasama ko sa tuwing maglilinis ako at sa tuwing may gusto akong kalimutan. Naiiyak pa din ako sa tuwing naririnig ko ang Kandila. Mamang Driver ang nagpapaalala sa akin na wag masyadong magmadali sa pagmamaneho at sa buhay na din. Wala Nang Hihilingin, Ikaw Pala ang naging kanta ko kay Arvin. Wag Ka Nang Umiyak ang nagpalakas sa akin. Salamat sa Tulog Na, Feels Like, Hintay, Telepono, Prom, Kwentuhan at Hari ng Sablay. Hangover. Hangover. Hangover. Super thank you sa pagpasok sa buhay ko. Salamat sir Ebe at Goodluck sa’yo.

Pahabol:
Lalo akong nalungkot dahil hindi ko na mapapapirmahan sa inyo ung mga CDs ko. Hay. :(

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
Images by desEXign.