Dapat masaya ako diba? Dapat excitement ang nararamdaman ko. Well, excited pa din naman ako pero mas ung stress at pakiramdam na kahit anung gawin ko eh hindi ko talaga kayang pasayahin ang mga tao sa paligid ko. Bakit sa tuwing nagpaplano akong umuwi ng Pilipinas, ganito ang nangyayari. Sa halip na makaramdam ako ng kasiyahan, nalulungkot ako. Pitong buwan pa bago ako umuwi, pero bakit pakiramdam ko, hindi matutuloy lahat ng pinlano ko, lahat ng gusto kong mangyari. Ni hindi pa nga ako nakakapagplano talaga pero ang dami nang nega sa sarili ko mismo. Ang hirap.
Sayang. Lagi na lang sayang. Sayang dahil hindi aabot ng Valentines. Sayang dahil nausod na ng sobra ang paguwi ko. Sayang sa mga panahong dapat nasa Pilipinas na ako pero minabuti kong iurong ang paguwi dahil sa mas mahalagang mangyayari sa buhay ng kaibigan ko. Lagi kong sinasabi na kung ako lang ang masusunod, uuwi ako palagi ng Pinas. Kung pupwede lang at may extrang pera akong pwedeng gastusin, every other month akong uuwi. Pero hindi eh. Isang taon aabutin bago makapagipon ng pamasahe at pocket money. Hindi din biro ang biyahe dahil halos isang araw akong nasa eroplano, ilang airport ang dadaanan. In short, hassle. Bakit kasi hindi pa ipauso ang mas madaling paraan ng pagtravel, katulad ng pagteteleport. Un dapat ang bigyan ng budget eh, hindi ung giyera.
Sa madaling sabi, gusto kong umuwi palagi ng Pinas pero sa tuwing mangyayari un, may kasamang pagod, stress at perang katapat. Kung hindi ko lang din inaalala ang trabaho ko, kahit magtagal ako ng ilang buwan, pwede din. Hanggang 6 months ata akong pwedeng magstay bago ipa-deport pabalik ng Amerika. Pero masaya na din ako sa isang buwan na pagstay ko. Kaya din siguro ako namomoroblema ng ganito dahil sa sobrang iksi ng oras at araw. 30 days. Apat na linggo. Kailangan ko nang iplano ung weekends ko, dahil alam kong un kagad ang magkakaroon ng lakad. Ung weekdays, madali na lang. Pipilitin ko na lang ung mga tao na magoff para sa akin. Sana mapapayag ko sila. Hay. Katulad nga ng sabi ng kanta, “So little time, so much to do”.
Matagal pa naman, madami pang pwedeng mangyari. May ilang buwan pa ako para mamoroblema. Hehe. At kahit na alam kong masstress na naman ako sa pagpaplano ng paguwi ko sa susunod na taon, alam kong lahat un eh mawawala. Dahil paglapag ng eroplano, amoy pa lang ng Pilipinas, mapapasaya na ako.




