Maagang Yearend Post
Thankful. Kung susumahin sa iisang salita ang naging 2010 ko, yan ang sasabihin ko. Sobrang thankful dahil sa dami ng blessings at magagandang nangyari sa akin ngayong taon. Hindi ko man natupad ang dalawa sa resolutions ko ngayong taon, babawi na lang ako next year. Hehe. Hindi din ako naging masipag sa pagbo-blog ngayong taon, pero masaya ako na andito pa din ang kundiman para kahit papaano’y may outlet pa din ako kapag tinotopak magsulat. Katulad ngayon, susumahin ko ang lahat ng nangyari sa akin ngayong taon, both good and bad. Sana wala akong makaligtaan.
Binasa ko diary ko, wala pa lang masyadong nangyari nung January at February. Nagsimulang maging masaya ang 2010 ko noong March, dahil umuwi ako ng Pinas. Halos isang buwan din akong nakapagbakasyon, 23 days na kasama si Arvin, araw-araw, walang palya. NakapagEK, LaMesa EcoPark, Subic at AliMall. Nakagala kasama ang mga kaibigan, nanood ng Miss You Like Crazy at ilang beses nagvideoke. Officially, naging tita na ako, may pamangkin na ako at magkabirthday pa sila ng anak ng kabarkada ko nung college. Kung pwede lang taon-taon akong umuwi, ginawa ko na. Nasira ang laptop ko, umiyak ako ng ilang araw at nagmove on. Nakabili ako ng bagong computer, desktop na, pagbalik ko galing bakasyon.
Nag@reply sa akin si Lea Salonga sa twitter. Feeling ko naging sobrang close kami dahil dun. Haha. Nakalimang taon kaming stay dito sa Amerika ng pamilya ko. 2nd year anniversary namin ni Arvin. Nagaral akong magmaneho noong July. Pinangunahan ako ng kaba at takot. Hindi ko alam kung kakayanin ko nga bang magmaneho. Matapos ang halos apat na taon na pagtatrabaho ng gabi, sa wakas, nalipat ako sa pang-umaga. Normal na ang kundisyon ng katawan ko. Wala nang pagpupuyat, hindi na kukulangin sa tulog. Ininterview para sa citizenship, pumasa naman. Naging ganap na Amerikano ako ngayong taon. Kailangan ko nang magapply ng passport para makauwi ako ng Pinas. Natapos ko (ulit) panoorin buong series ng Charmed, Seasons 1-8. Namoroblema sa host, lumipat ng host, naayos naman na after. Medyo taon-taon ko atang pinoproblema ito. Naaliw sa Just Dance, Just Dance 2 at Dance Central ng Kinect.
Naging busy din pala October hanggang December. 26th birthday. Naging Android user. Panglimang taon na pagtatrabaho sa ospital. Nagoathtaking para sa citizenship. Napilitang magsuot ng highheels, nakasurvive naman. Nakakita ng job opening, inapplyan din. Sa awa ni Papa God, natawag naman ako for interview. Mukhang naaliw naman sila sa akin. Wala pang resulta sa kung sino ang na-hire. Still hoping mode ako. Nakapasa sa driving test, nagkalisensya at nagkaroon ng sariling sasakyan. Nagpabangs at matutong gumamit ng blowdry. Nakapagpapicture kasama si Santa Clause.
Medyo madami-dami din pala ang nangyari sa akin ngayong taon. At katulad nga ng sabi ko, sobrang nagpapasalamat ako. Sa mga taong nakilala ko, naging kaibigan, nagstay na kaibigan. Madami mang nagbago at nangyari, mas lalo akong masaya dahil sa mga taong andyan pa din para sa akin. Sa pamilya at mga kaibigan ko, malayo man sila o nakakasama ko. Masaya akong matatapos ang 2010 na parte pa din sila ng buhay ko. Naks, drama. Hehe.
Masyado pang maaga para gumawa ako ng resolution, masyado pa ding maaga para mapredict kung ano nga bang mangyayari sa akin next year. Wish ko lang na sana, kayanin ko kung ano man ang ibibigay sa akin ng 2011. Hindi naman sa masyadong negatibo akong magisip, pero odd number kasi eh, medyo hindi masyadong maganda ang track record ng odd number year para sa akin. Pero we’ll see, baka magbago pa ang lahat.
May limang araw pa bago tuluyang matapos ang 2010. I’m looking forward sa kung ano man ang mangyayari pa. Salamat 2010, Hello 2011.




