July 22, 2008. Nabuhay ang kundiman[dot]net – ang blog na magkasama kami ni Arvin. Blog na punong-puno ng kakesohan at kadramahan. Blog kung saan magkalayo man kaming dalawa, ay may iisang lugar kung saan hindi namin inda ang oras at kami’y pwedeng magsama. Blog na kung saan kami’y nagiging isa. Haynaku, hindi na talaga ako marunong magdrama.:P
Isang taon na ang nakalipas, isa lang ang ibig sabihin nito – mage-expire na ang kundiman. Ilang araw lang ang nakalipas, gumawa ng blog entry si Arvin. Hindi na sya makapagblog katulad ng dati. Wala nang maikwento, wala nang maisulat. Ilang ulit ko na ring pinagisipang tumigil na sa pagbo-blog dahil tinatamad na rin ako. Matapos ang isang taon, iniisip ko tuloy kung ire-renew ko pa ba o hindi ang kundiman. May dahilan pa ba para magbayad muli ng kung magkano para lamang sa isang domain na hindi naman na magagamit ng katulad ng dati? Sayang. Nasasayangan ako. Nakatanggap ako ng e-mail galing sa host ko. Kailangan ko na daw magbayad para marenew nga ang kundiman.net. Unang pumasok sa isip ko, ayoko na. Tinatamad na talaga ako.
Pero naisip ko, pano na lang ang mga entries, mga ala-ala. Kaya ko nga bang basta na lang itapon ang lahat ng mga kwentong andito sa blog? Nagbackread ako kanina lang, muling binasa ang mga kwentong naisulat, mga kadramahan, at kulitan. Muli akong tumawa, kinilig at naiyak sa mga blog entries na naisulat namin noon. Hay, ano nga bang nangyari sa aming dalawa? Masyado nga kaming naging abala sa ibang bagay kaya’t hindi na nakakapagupdate madalas. Nakakamiss din pala ung dati.
Ang totoo nyan, medyo nagtampo pa nga si Arvin sa akin, dahil bakit ko pa daw ba pinagiisipan kung ire-renew ko ang blog. Akala nya’y tuloy pa rin ang kundiman, kahit na minsanan na lang ang pagkukwento. Kahit na walang bisita. Kahit na kaming dalawa na lang ang nagbabasa. Sa huli’y sinabi nyang ako na lang daw ang bahala, ako na lang ang magdesisyon kung ano bang dapat gawin..
July 22, 2009. Happy birthday kundiman! =) Well, kung nababasa mo ito ngayon, isa lang ang ibig sabihin nyan. ^_^ Hindi ko kayang mawala ang isang bagay na napamahal na sa akin at kay Arvin na rin. At hanggat andito kami ni Arvin, buhay ang kundiman. ^_^