citizenship

Posted a year ago buhay SATown

Ilan buwan akong hindi nakapagtweet at FB status update tungkol dito. Kahit na gustung-gusto ko nang i-blog eh pinigilan ko ang sarili ko. Tanging malalapit lang na kaibigan ko ang nakakaalam. Ayoko kasing pangunahan ang resulta. Sabi ko sa sarili ko, saka ko na lang ibo-blog kapag sigurado na. At ito na ung pagkakataon na un.

Naipasa ko ung interview/exam kanina. Sampung tanong ung nasagot ko kahit na dapat eh tumigil na ung nagi-interview sa pang-anim na tama kong sagot. Napatunayan kong marunong akong magbasa at makapagsulat ng English. Tinanong ako kung parte daw ba ako ng kahit na anong terrorist group. Sabi ko, hindi. Cursive ang pagsusulat kaya napangitan ako sa sulat ko. Mabait naman ung naginterview at nagpapatawa kaya hindi ako masyadong kinabahan. Nakatanggap ako ng papel na nakalagay eh “Congratulations”. Medyo naluha ako nung kinamayan nya ako na ewan ko kung bakit. Hehe. Malamang dahil sa wakas, hindi na ako magrereview tungkol sa American History. Tapos na din ang pressure at kaba na naramdaman ko. Medyo may pag-asa na ang pagiging American citizen ko. Intay na lang ulit ng panibagong sulat kung kailan ang oathtaking. Kelangan ko na namang bumili ng dress para sa ceremony na un. Mapepetition ko na si Arvin. Pwede na. Hehe.

Hay. After 5 years, American citizen na ako. :)

PS. Salamat sa mga kaibigan kong nag-goodluck sa akin. Salamat sa nanay at tatay ko na nagasikaso ng mga papeles. Salamat Papa God dahil di ako masyadong kinabahan habang iniinterview na ako. :)

happy new year!

Posted a year ago blog update, buhay SATown

Ganun-ganon na lang, natapos na ang unang walong buwan ng 2010. Nagising ako kanina sa tawag ni Arvin na parang isang ordinaryong araw lang sa pakiramdam, pero nang makita ko ang kalendaryo, bigla akong na-excite. September na. Unang araw ng “-BER” month sabi nga ng kaibigan ko sa twitter. Uso na naman ang batian ng Merry Christmas dahil malapit nang magPasko. Pero hindi ako makikigaya sa iba, dahil Happy New Year ang bati ko.

Sobrang magiging busy ako ngayong buwan, unang-una dahil sa buong buwan akong magtatrabaho. Ok, exagg ung buong buwan, pero parang ganun na din ang pakiramdam dahil mula ngayon (Sept. 1) hanggang September 23 eh wala akong dayoff. Nasa bakasyon kasi ung kapartner ko kaya ako ang taya. Pero ayos lang naman, dahil umaga na naman akong nagtatrabaho, hindi na ako mapupuyat, o makukulangan sa tulog. Sana lang ay hindi pahirapan sa paggising. At sana hindi ako maubusan nang maisusuot na damit.

Speaking of trabaho, ngayong buwan din ang due ng aking self-evaluation. Kita mo nga naman, limang taon na akong nagtatrabaho sa ospital. Holy smokes! Ang tagal na. Pero hanggang ngayon ay hindi ko pa din alam kung anung ilalagay ko sa evaluation ko. Mukhang ie-edit ko na lang ung ipinasa ko last year at iibahin ang mga salita. Katulad nga ng sabi ko noon, hindi ko kasi alam kung paano mamarkahan ang aking pagtatrabaho. Pero kailangan ko nang maipasa ang evaluation ko sa Biyernes, ilang cents na increase din un. Dahil sa panibagong taon para sa aking trabaho, HAPPY NEW YEAR!

Ngayong buwan din lalabas ung bagong libro ni Nicholas Sparks (Sept. 14), Glee Volume 2 DVD (Sept. 14) at ngayon din ipapalabas ang Season 2 ng Glee (Sept. 21). Sobrang excited na nga ako sa Glee, tas dagdagan pa ng spoiler posts sa tumblr eh MAJOR MAJOR EXCITEMENT na ang nararamdaman ko.  Hindi na din ako nagpareserve ng kopya nung libro ni Nicholas Sparks, bibili na lang ako sa bookstore. Dahil sa bagong libro at Glee, MERRY CHRISTMAS AT HAPPY NEW YEAR!

September 14. 27 months na kami ni Arvin. Gusto ko lang isingit. <3

Kanina, Annual Physical Exam ko sa trabaho. APE equals malalaman ko ang aking timbang. Nagpustahan kami ni Arvin kung gaano na nga ba ako kabigat. Natapos ang aking APE, nadismaya ako. Sabihin na nating nanalo si Arvin at kailangan ko na talagang magpapayat. Seryosohang pagpapapayat na ito, hindi ung sinasabi ko lang. Ayoko na din na matsismis ako sa trabaho na buntis ako. Dahil sa plano kong pagpapapayat, isang malaking GOODLUCK sa akin at HAPPY NEW YEAR dahil sa wakas, tutuparin ko na ung New Year’s Resolution ko.

Hindi ko alam kung ready na ba akong i-blog itong pinakaimportanteng mangyayari sa akin ngayong September. Hmm, hindi na lang muna, kapag sigurado na saka ko na lang gagawan ng isang napakahabang entry. Magkahalong kaba at excitement. Sana hindi ako ma-mental block sa araw na ‘yon. Kapag okay ang naging resulata, HAPPY NEW ME!

Happy New Year sa akin ngayong buwan ng Setyembre. Goodluck sa akin. Hindi pa naman siguro huli ang lahat para sa magbago, kahit na ilang buwan na lang eh 2011 na.

Dayshifter

Posted a year ago buhay SATown

1:05am. Bago pa man ako pumasok ng trabaho, nakaplano na ang gagawin ko — gagawa ng sulat para kay Arvin, magsusulat ng blog entry at baka makapanood pa ng balita sa GMANews.tv Tuwing araw ng Biyernes magisa lang ako dito sa trabaho kaya kailangan ko ng magagawa para magising. Well, syempre kausap ko si Arvin sa YM pero araw-araw ko namang ginagawa un. Hehe.

Pumasok ako ng trabaho, bungad sa akin ng aking katrabaho, pagpasok pa lang ng pintuan ay gusto daw akong makausap ng supervisor ko. Red flag. Kinabahan na ako. Nagbabalak kasing lumipat na ng ibang department ung ka-shift ko, malamang nakuha na nya ung position. Maiiwan na naman akong magisa sa panggabi, lagi na lang. Pinuntahan ko ang aking bisor. May kausap syang isang programmer dahil may ginagawa silang boot ngayong gabi. Nilapitan nya ako, kinamayan at sinabing "Congratulations". Doon na nawindang ang mundo ko.

Mula noong nagsimula ako sa trabahong ito, panggabi na ako. Ang dami nang nagbago at nagsialis pero nagstay ako sa panggabi. Tatlong bagong operator ang aking na-train, may nabuntis, nanganak, at lumipat ng ibang department. Nanatili akong 3rd shift operator sa loob ng halos limang taon. Ilang beses din akong nagsawa sa aking schedule, nagreklamong kulang sa tulog at pumasok na kulang sa tulog. Nasanay na din. Nakatulong pa nga sa akin dahil sabay ang oras ko sa Pilipinas. Hindi ako nakaramdam ng jetlag sa tuwing uuwi ako ng Pinas dahil sanay na ang katawan ko. Nakagala pa ako ng maayos. Hehe. Sa loob ng ilang taon na panggabi ako, naging buhay ko na ito. Nakisabay sa mga kapwa ko Pinoy na nagtatrabaho dito sa ospital. Nakaattend pa din ng mga party kahit na may pasok kinagabihan. Nakausap ang mga kaibigan sa Pilipinas, nakausap ang baby ko. :)

Ok ang schedule na panggabi, pero ninais ko rin namang maging normal ang buhay ko. Hehe. Gusto kong makatulog ng gabi at maramdaman ung pagkagahol ng gising sa umaga dahil late na sa trabaho. Ayoko nang umuwi ng maaga sa isang party dahil may pasok pa ako ng gabing iyon. Gusto ko naman na maramdaman ang init ng sikat ng araw — ung kagigising ko lang at hindi ung patulog na ako. Pakiramdam ko’y tama na ang limang taon na baligtad ang schedule. Gusto ko na nang pagbabago.

Kahit ako’y di ko inasahang ganito kabilis. Halos wala pang dalawang linggo ang dumaan. Dun sa sandaling kinamayan ako ng supervisor ko at sinabing "Congratulations", hindi ko alam kung anung aking dapat maramdaman. Para akong nakatama sa lotto. Gusto ko sanang tanungin ang bossing ko kung nagjo-joke lang ba sya. Pero hindi, pagkatapos naming magusap ay chineck ko ang aking work e-mail at ayun na nga, official na.

Sa Lunes, August 9, alas-otso na ng umaga ang pasok ko. Morning shift na ako. (Sa wakas! weeee!) May dalawang araw na lang ako para enjoyin ang pagiging panggabi. Sana lang, hindi ako malate sa Lunes. Hehe.

Sidenote: Nakaschedule na gumawa ako ng blog enty ngayon, pero hindi ito ang dapat kong ibo-blog. Next times na lang un. Hehe.

Gusto kong matutong magdrive

Posted a year ago buhay SATown

5 years ago, nag-enroll ako kasabay ng kapatid kong lalake sa driving school. Kung sa Pilipinas kasi, hindi naman talaga kailangang matutong magmaneho, dito sa America, dapat. Wala kasing jeepney dito na maya’t maya ay may dumaraan at wala ring MRT o LRT na maituturing kong isang "adventure" kung sasakyan mo ito. May mga bus, oo, pero kada kalahating oras o isang oras ang dating kaya pahirapan sa paghihintay. Isipin mo na lang, kailangan mong isa-alang-alang ang schedule ng bus sa tuwing aalis ka, at may designated bus stop pa kung saan ka pwedeng bumaba. Hindi pupwedeng pumara ka na lang kung saan-saan. Kaya naman nakita ko talaga ang rason kung bakit kailangan mo ng sariling sasakyan.

Nag-enroll ako 5 years ago, pero hindi ko natapos ang session. Nakakuha ako ng permit, pero hindi ako nakapag-actual driving. Nagsimula na din kasi akong magtrabaho noon, at hindi ko na naasikaso pa dala na din ng schedule ko sa trabaho. Ginawa kong dahilan ang trabaho ko, pero ang totoo nyan, natatakot akong magmaneho. Kabado akong magmaneho. Yun nga lang sa driving arcade games eh hindi ko na mapaandar ng maayos ang sasakyan ko, ano pa kaya sa totoong buhay. Madalas akong mabangga at ma-wrong way sa Mario Kart DS, kaya natatakot akong baka mangyari din yun kapag nagmaneho na ako. Sa loob ng limang taon kong pagtira dito sa Amerika, naging kumportable na ako sa paghihintay at pagsakay ng bus. Pero alam kong darating pa rin ang panahon na kailangan kong matutong magmaneho.

Noong Biyernes, nag-exam akong muli para makakuha ng permit. Kasabay ko na ngayon ang aking nakababatang kapatid na babae. Pinangako ko din kasi noon isang taon na sabay kaming mag-aaral. Pumasa na ako sa exam (na sobrang kinatuwa ko), ngayon nama’y kinakailangan ko nang magpa-schedule para sa actual driving ko. This is it. Wala nang atrasan. Kelangan ko nang i-kundisyon ang sarili ko. Sana wala akong mabanggang tao o bagay o kotse. Sana hindi ma-highblood at ma-stress sa akin ung instructor. Sana mapaandar ko ung sasakyan. Hay. Iniisip ko na lang, kapag marunong na akong magmaneho, maaga na akong makakauwi at hindi na ako muli pang maiiwan ng bus. Makakagala na din ako. Happy thoughts. Pupunuiin ko na lang ng positive vibes ang utak ko.

Tugtug. Tugtug.

Ngayong darating na Sabado na ako magsisimula. Nakapagbayad na ako. Anakngtukneneng. Goodluck sa akin. Hehe.

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
Images by desEXign.