Apat na araw

No Comments » March 3, 2010 » 18 days ago
ldr

Nanaginip ako kagabi,

Na lumilipad daw ang mga tao, at sa kanyang nais ay naiaangat niya ang kanyang katawan mula sa sahig papunta sa kalawakan. Nanaginip ako kagabi, na sa mundong ating tinitirhan ay walang sulok na hindi makakayanang maabot; na ang dito at sa kahit na ano pang maisip mong doon ay matatahak nang walang kahirap-hirap.

Nanaginip ako kagabi, na walang layong hindi mararating; at sa dalawang magkaibang lugar ay oras lang ang siyang namamagitan.

Na mapupuntahan ang kahit na ano pa mang bansa, lalawigan o bayan kung nanaisin mo lamang; Walang balakid na bundok, burol, lawa o karagatan sa paglalakbay. Nanaginip ako kagabi,

sa aking kahilingang makasama kang muli.

At sa unang pagkakatao’y nadama kong humihiwalay ang mga paa ko mula sa lupang aking kinatatayuan, sa mundong kinukulong tayo sa magkahiwalay at magkalayong lugar. Nanaginip akong lumilipad akong nakapikit, dahil gusto kong mamulat ako sa mukha mong nakangiting sumasalubong sa aking pagdating. Nanaginip ako kagabi,

at ngayong paggising ko’y tutuparin mo na ang aking panaginip.

photoblog #20: limang araw

2 Comments » March 2, 2010 » 20 days ago
ldr, photoblog

Siguro nagtataka kayo kung bakit araw-araw kaming may post dito sa Kundiman. Parang nung huling ginawa namin ito eh nung Pasko 2008. Tagal na din. Napagdisisyunan kasi namin ni Arvin na magcountdown sa nalalapit kong paguwi. Araw-araw mula nung Linggo hanggang sa Sabado (Feb. 28-March 6), salit-salitan kaming magpopost dito, tapos sa Sabado, may big reveal. Abangan nyo. Hehe.

Ang haba ng intro. Mas mahaba pa sa mismong post. Hehe.

Para sa aking pang “huling limang araw” na post..

Isa lang ito sa napakadami naming webcam screenshots. Dahil sa ilang milya ang layo namin, hindi naman kasi pwedeng magpicture na lang kami na magkasama diba, kaya ayan, gumagawa na lang ng paraan. :)

Nakakatuwa lang, dahil 5 days from now, ang susunod na litrato namin ay hindi na lang isang simpleng screenshot. :)

Anim na araw

No Comments » March 1, 2010 » 21 days ago
ldr

E ‘ kayo? Sa’n kayo unang nagkita ni nanay?

Ang sumunod na tanong ko matapos sagutin ng tatay ko kung saan nakilala ng aking lolo ang aking lola, na hindi rin siya talaga sigurado kung paano. Minsan kasi ay magtataka ka kuong paano magkakakilala ang dalawang taong pinanganak sa magkaibang probinsya nung mga panahong bihira lang ang mga sasakyan, hindi lahat ng lugar ay may kalsada, at wala ring mga cellphone at text messages.

Pero nagkita pa rin sila kahit na malayo ang mga pinanggalingan. Paano nga kaya ano.

Traysikel drayber ako nun. Ang nanay mo naman e mananahi ng damit at lagi akong napapadaan sa pwesto nila sa palengke.

Parang nanay ko lang ang nagkwento, at buti’t pareho sila ng version. Panigurado’y halos araw-araw nilang nakikita ang isa’t-isa. ‘Di man kilala sa pangalan nung una’y siguro’y kilala naman sa mukha. Paano nga kaya sila unang nag-usap? Hindi ko natanong, baka naaalala pa nila.

Kaiba sa mga lolo ko, ang sa nanay at tatay ko nama’y ilang baranggay lang ang namagitan, iilang kalsada, iilang kanto, iilang sakay lang ng traysikel o dyip.

E kayo, saan kayo nagkita ni carme?

Hinde, hindi yan tinanong ng tatay ko, dahil alam naman nila kung saan. Pero ilang beses na rin akong natanong ng ganyan, sa work, sa iskul, sa ym, twitter, facebook, at formspring ata.

Sa internet.

Internet. Isang lugar kung saan hindi nasusukat ang layo sa mga metro, sa halaga ng pamasahe, sa ilang sakay, at sa ilang beses na ulit ang mula dito hanggang kanto, kundi sa bilis ng connection ng ISP mo, at pati na rin ng pagtype mo; sa linaw ng boses mo at sa pagkausap nang hindi nakikita ang mata, galaw ng mga kamay, at ngiti at simangot sa mukha; ang nakikita nang hindi naririnig ang boses niyang sinasambit; ang pagkausap ng hindi ngayon din ang tugon ngunit sa sumunod na araw pa; na hindi magiging tama sa inyo pareho ang pagsasabi ng goodmorning at goodnight.

Sa kabilang bahay, kabilang kanto, kabilang bayan o probinsya, kabilang bansa o kaibang lenggwahe; sa kabilang tribo o lahi, kaibang kulay ng mata o ng balat, ng relihiyon o paniniwala; o kaya’y sa pagkakaiba ng ugali, sa uri ng trabaho at interes; sa paggamit ng kutsara imbes ng tinidor, kung clockwise o counter-clockwise ang pag-ikot sa spaghetti, kung kapuso o kapamilya, kung jollibee o McDo.

Ang layo ay hindi lang nasusukat sa mga hakbang ng mga paa.

Kundi sa kung gaano karaming mga bagay ang kaya mong balewalain sa inyong pagkakaiba, o sa dami ng balakid sa inyong dalawa ang iyong makakaya.

pitong araw

1 Comment » February 28, 2010 » 21 days ago
inlove, ldr

Pitong araw na lang, ang layong namamagitan sa ating dalawa ang tuluyan nang mawawala. Muli kitang mayayakap at mahahalikan. Mahahawakang sa wakas ang iyong mga kamay at pangakong hindi ito bibitawan. Maririnig ko na ang iyong tawa, hindi lang galing sa headset kong suot-suot kundi mula mismo sa iyong mga labi na malapit sa aking tenga.

Pitong araw na lang ang hihintayin. Sasandaling panahon na lang un, kumpara noong taon at buwan pa ang binibilang natin. Sasandaling paghihintay na kaya kong tiisin dahil alam kong kapalit nito’y isang buwan na kasiyahang kasama kita.

Pitong araw, isang daan at animnapu’t walong oras. Kung tutuusin ay hindi ko pa kayang bilangin gamit ang aking mga daliri. Napapadalas ang pakikinig ko sa mga kantang nagnanais nang makauwi at makasama ang minamahal. Kasama na sa panaginip ko ang mga lakad natin, kasama man ang mga kaibigan ko o tayong dalawa lang. Gusto ko nang mangyari ang panaginip ko. At alam kong malapit na iyon.

Teka, bakit parang ang drama ko naman. Di tuloy halatang excited na ako.

Dahil pitong araw mula ngayon, makakasama na kita. :)

simcard

2 Comments » February 18, 2010 » 31 days ago
inlove, ldr

Pagapak mo dito sa Pinas ay ikabit nang mabilis itong sim sa telepono, upang marinig ko ang boses mong sinasabing sa paggising ko kinabukasa’y makikita na kitang muli, at muli pang aking mahahagkan.

Yan ang nakalagay sa note na kasama nitong simcard galing kay Arvin. Lalo akong na-excite at natuwa sa nalalapit kong paguwi. Ngayon lang nagsink-in sa akin, na sa next next Wednesday, ganitong oras, malamang ay hindi na ako magkanda-ugaga sa pagiimpake dahil kinabukasa’y aalis na ako. Ngayon pa lang ay gusto ko nang hilahin ang mga araw para March 3 na kaagad. Ang tagal ng 2 weeks. Pero naisip ko, ok na rin na dalawang linggo na lang ang hinihintay namin, hindi katulad dati na buwan pa ang binibilang.

Itong simcard na ito ang gagamitin kong pantext at pantawag. Sa loob ng isang buwan hindi kami mamomoroblema na walang internet connection o di kaya’y di makasend ang Google Voice. Sa loob ng halos isang buwan, alam kong isang text o tawag lamang ang namamagitan sa aming dalawa. Hindi problema ang pagkakaiba ng oras at kung mapuyat man namin ang isa’t-isa. Napakalapit, napakadaling magkita.

May dalawang linggo pang hihintayin. Naisave na rin ni Arvin ang number na gagamitin ko paguwi. Hindi ko pa ilalagay ung sim sa telepono ko, baka kasi magexpire pa ung load. Sayang din ang 20 mins. na libreng tawag. Itatago ko muna ang sim kasama ng mga sulat at notebook.

At sa nalalapit kong pagalis, icha-charge ko ang telepono ko’t ilalagay ang sim. Ise-save ang kanyang number, na nakabisado ko na noon pa. Paglapag ng eroplano sa Pilipinas, katulad ng sinabi ni Arvin, tatawagan ko sya na may ngiti sa labi dahil sa wakas matapos ang dalawang taon, magkikita na kaming muli. <3

Wordpress Themes Design by NattyWP Wordpress Themes.
http://sudocode.net
Images by desEXign.